PEP EXCLUSIVE: Nora Aunor excited to act again: "Matagal-tagal din akong hindi nakakaarte at yun yung nami-miss ko talaga."

"At last nakauwi na rin ako sa Pilipinas. Almost eight years akong nasa Amerika at nakita ko ang mga Noranian. Nagpapasalamat ako sa kanila sa kanilang suporta," says Nora Aunor.


Ilang oras lamang pagkatapos niyang dumating kaninang madaling-araw, August 2, ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Superstar na si Nora Aunor.

Kanina nga ay nakabalik na ng Pilipinas ang aktres pagkatapos ng walong taong paninirahan sa U.S.

Nakausap ng PEP si Nora, courtesy of German "Kuya Germs" Moreno, sa telepono kaninang bandang 7:30 a.m. mula sa kanyang kuwarto sa Edsa Shangri-La Hotel sa Mandaluyong City.

Ayon sa Superstar, sobrang excited at sobrang saya siya sa pagbabalik sa Pilipinas.

"At last nakauwi na rin ako sa Pilipinas," sambit niya.

"Almost eight years akong nasa Amerika at nakita ko ang mga Noranian.

"Nagpapasalamat ako sa kanila sa kanilang suporta.

Kamusta naman ang biyahe niya?

"Okey lang naman, wala namang problema," sagot ni Nora.

Excited na ba siyang magtrabaho ulit?

"Oo, sobra pong excited na akong magtrabaho.

"Kaya nga nagpapasalamat ako sa TV5 at kay Governor ER Ejercito dahil sa tiwalang binigay nila sa akin."

Nakatakdang gumawa ng isang mini-series si Nora para sa TV5 na ididirek ni Mario O’Hara; at isang pelikula na pagbibidahan nila ni Gov. ER Ejercito, ang El Presidente na tatalakay sa buhay ni Emilio Aguinaldo.

Patuloy ng Superstar, "Matagal-tagal din akong hindi nakakaarte at yun yung nami-miss ko talaga.

"Kaya masaya ako kasi magagawa ko na naman yung gusto ko talagang gawin—ang pag-arte.

"Gusto ko sana ring kumanta, pero hindi pa talaga puwede."

Ano ba ang mauuna niyang gawin—yung mini-serye o pelikula?

"Ang alam ko, mauuna akong mag-shooting ng movie with Gov. ER bilang second wife sa pelikula.

"Araw-araw na shooting yata yun sabi ni Suzette [Ranillo] at Kuya Germs.

"At susunod yung sa TV5, yung mini-serye. Ang alam ko, ilang linggo rin yun ipapalabas sa TV5

"Yung sa pelikula, ang maganda dun kasi, e, educational yung pelikula. Hindi basta-basta lang ipapalabas sa mga sinehan, kung hindi maging sa mga eskuwelahan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Isang malaking karangalan para sa akin ang mapasama sa pelikulang El Presidente."

KUYA GERMS. Pagkatapos makausap ng PEP si Guy ay nagbigay rin ng pahayag si Kuya Germs, na isa sa mga nag-ayos ng pagbabalik ng aktres sa Pilipinas.

Hanggang kailan ang itatagal ng Superstar sa bansa?

"Sa ngayon ay hindi ko pa alam kung hanggang kailan si Guy sa Pilipinas, malalaman natin ’yan after ng kanyang mini-serye at yung pelikula.

"If ever na may offer sa kanya at maganda naman yung trabaho na ibibigay sa kanya, siguro mae-extend ang pag-stay ni Guy sa Pilipinas.

"Pero pag hindi, babalik siya sa Amerika. Pero pag may project ulit, balik ulit siya ng Pilipinas."

May mga napag-uusapan na ba sila ni Guy na mga artistang gusto niyang makasama?

"Wala naman," sabi ni Kuya Germs.

"Sigurado naman kasing magagaling na artista at director ang ibibigay sa kanya ng TV5.

"Pero kay Guy naman, kahit sinong ibigay na artista sa kanya, okey lang, hindi siya namimili."

Ano naman ang masasabi ni Kuya Germs sa detratctors ni Nora na nagsasabing hindi siya darating?

"Well, ano pang masasabi nila, e, nandito na, talo sila," biro niya.

"Katulad ng sinasabi ko sa radio program ko, hindi ko ia-announce doon kung hindi ako sure na dumating na nga si Guy.

"Pero alam kong siguradong-sigurado na dahil nang sabihin ko sa radio na tuloy na tuloy na ang pag-uwi ni Ate Guy, plantsado na lahat, kaya nandito na siya ulit sa bansa."

Mamayang tanghali ay haharap muli si Nora sa press sa pamamagitan ng isang malaking press conference na ipinatawag ng TV5 sa Edsa Shangri-La Hotel.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN