TV5 executive Perci Intalan on Nora Aunor’s exclusive contract: "Masyado siyang malaking artista... so, hindi namin siya puwede angkinin."

"Clarify ko lang po yung exclusivity. From the start, hindi po kami naging maramot. Exclusive ito, pero hindi po namin ipagkakait si Ate Guy," says TV5 executive Perci Intalan about Nora Aunor’s exclusive contract with the Kapatid network.


Kasamang humarap sa press ng Superstar na si Nora Aunor kahapon, August 2, si German "Kuya Germs" Moreno at ang TV5 vice president at head of creative and entertainment production na si Perci Intalan.

Present si Sir Perci sa presscon para sagutin ang mga tanong na may kinalaman sa mga proyektong gagawin ni Nora sa TV5.

Bago nga ang presscon sa Boracay Room ng Edsa Shangri-la Hotel ay nakausap sandali ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sir Perci para hingan ng kaunting pahayag.

Aniya, overwhelmed siya sa ipinapakitang pagmamahal ng mga tao sa nag-iisang Superstar.

"Alam na namin na bubuhos ng pagmamahal at suporta, lalo na ang mga fans kay Ms. Nora Aunor.

"Pero pag aktuwal mo nang nakikita kung paano maging emosyunal yung mga tao, nakakadala rin.

"Siyempre, masaya ang buong pamunuan ng TV5 na isa kami sa naging instrumento para tuluyan nang makabalik sa bansa si Ate Guy," sabi ni Sir Perci.

Ine-expect ba niya na mas lalakas ang TV5 sa pagpasok ni Nora sa istasyon?

"We have high hopes and we’re very positive sa maiko-contribute ni Ate Guy sa TV5. Kaya rin namin ito pinagbubuhusan ng atensyon ngayon.

"Nagpapasalamat lang kami kay Kuya Germs at kay Suzette Ranillo na tumulong sa amin para maplantsa lahat ng negotiations," saad niya.

EXCLUSIVE CONTRACT. During the presscon proper ay katulong na ni Ate Guy si Sir Perci sa pagsagot ng iba’t ibang tanong.

Una ngang nilinaw ni Perci ang tungkol sa exclusivity ng contract ng Superstar sa TV5.

"Clarify ko lang po yung exclusivity. From the start, hindi po kami naging maramot.

"Exclusive ito, pero hindi po namin ipagkakait si Ate Guy.

"At masyado siyang malaking artista, Superstar siya, e, so, hindi namin siya puwede angkinin. Para siya sa industriya.

"Pero napag-usapan din namin, of course, yung Walang Tulugan [GMA-7 show] ni Kuya Germs ay exempted."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bilang patunay nga nito ay ang pagpayag ng TV5 na mag-cover ang TV crew ng ibang istasyon mula sa pagdating sa airport ni Ate Guy hanggang sa presscon.

Ibig sabihin ba nito ay magiging open ang TV5 na payagan si Ate Guy na mag-guest sa ibang talk shows ng ibang TV networks?

"Nasa management ang decision.

"Siguro respetuhan na lang. Konting sense of priorities.

"So, pag-aaralan namin.

"Sinabi nga rin namin ’yan kay Kuya Germs, ipapaalam namin kung papayagan.

"Pero one thing is for sure, hindi namin isinasara yung pinto."

WHY A MINI-SERIES ONLY? Nakatakda ngang gumawa ng mini-series si Ate Guy sa TV5 at ang working title daw ay Donya Negra, na tatakbo lang sa ere ng isang buwan o 20 days to be exact.

Ang napiling magdirek nito ay si Mario O’Hara, na isa sa mga paboritong direktor ni Nora dahil nakasama na niya ito sa marami sa kanyang most memorable films gaya ng Condemned, Bulaklak sa City Jail, Bakit Bughaw Ang Langit?, Tatlong Ina Isang Anak, at marami pang iba.

Ipinaliwanag naman ni Sir Perci kung bakit mini-serye lamang ang gagawin ni Ate Guy sa TV5 at hindi full-length teleserye.

"Actually, yung mini-serye, first time naming gagawin.

"I think wala pang nag-attempt ng ganito, a teleserye na tatakbo ng one month.

"Bakit mini-serye? Kasi kasama sa napag-usapan namin ’yan with Suzette and Kuya Germs, yung oras na meron kami.

"Yun siguro ang one big advantage namin sa TV5, kasi kaya naming kausapin yung mga artista.

"Kumbaga, tinitingnan namin yung mga conditions, ano yung kailangang ma-achieve, ano yung time allowed.

"And nadaanan na nga namin ito with Alice [Dixson] and Jasmine Curtis, mga artistang based abroad."

Tatlong buwan lang kasi mananatili sa Pilipinas si Ate Guy at may ibang proyekto pa itong gagawin tulad ng mga pelikula.

Pero dahil daw sa limited time na ito ay nakabuo ng bagong konsepto ang TV5 para sa Superstar.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, nung sinabi sa amin na we only have this window, inisip naming gumawa ng bagong genre na first time gagawa kami ng teleserye na matatapos siya ng one month.

"At ang maganda nun, nang mabuksan yung posibilidad na yun sa amin, nakaisip kami ng konsepto na hindi yung the usual teleserye na maglalagay ka ng maraming subplots para hanggang 13 weeks tumakbo siya.

"So, nung umupo kami, ’Eto ang meron tayo, eto ang given, isang buwan, di ba? Kailangan magawa natin ang istorya ng isang buwan.’

"Para siyang malaking kuwento sa pelikula, pero ipapasok siya sa isang teleserye. Doon kami na-excite.

"Kaya pag napanood n’yo at in-unveil na namin yung material, makikita n’yo kung bakit nabuo siya sa isang mini-serye."

Hindi naman daw ibig sabihin na mini-serye ay low-budget na ito.

"The term mini-serye does not mean that it is smaller than the usual teleserye, but it’s bigger.

"I’m talking as a producer, even sa cost, mas malaki siya.

"The material was made because of the time allowed.

"But I think it would totally create a new genre. Baka mag-set na naman ng bagong trend."

Paano kung mataas ang ratings na makuha nito, posible bang humaba ito?

"I think ang gagawin namin, definitely isasara yung kuwento.

"Ang gagawin na lang namin ni Kuya Germs and, of course, kasama si Ate Guy, while this is ongoing, mag-iisip pa kami ng ibang project.

"Yun nga, malalaman namin kung ano pa yung mga gusto pang gawin ni Ate Guy and as we go... habang nakikilala namin ang isa’t isa, mas marami pa kaming made-develop hindi lang sa TV kundi sa pelikula."

CASTING. Sinu-sino ba ang mga artistang makakasama ni Ate Guy sa mini-series?

"Pina-finalize na namin ang lineup," sabi ni Sir Perci.

"Actually, we’re having problems now kasi ang daming nagbo-volunteer at nagsasabing sana makasama sila sa cast."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May mga nagsulat na posibleng makasama sa cast ang ex-husband ni Nora na si Christopher de Leon. Gaano ito katotoo?

"Marami kaming kinakausap. Kasi, kasabay ng pagbuo ng casting ay pagbuo ng istorya.

"Kahapon... although nag-usap na kami before ni Direk Mario... we spent six hours, nag-uusap lang kami, pina-fine tune yung story, at hindi pa final and then ipe-present pa kay Ate Guy.

"Pag buo na yung istorya, titingnan namin kung sino yung available, kasi marami ngayon ang mga nasa teleserye, di ba?

"So, titingnan namin kung sino yung puwede."

Posible rin kayang makatrabaho ni Ate Guy ang mga anak nito na sina Lotlot, Ian, at Matet de Leon?

"Isa ’yan sa mga binubuo naming plano," sagot ng TV5 executive.

"Si Lotlot ay nandito na sa TV5 at napapanood sa The Sisters.

"Si Ian, nakakatrabaho rin namin. Tinitignan namin pag binuo ang casting."

TRIBUTE AND FANS DAY. Wala bang tribute na ibibigay ang TV5 kay Ate Guy bago maipalabas ang mini-series niya?

"Actually, marami pong plano.

"Kasama na nga dun... sayang at hindi namin naihabol yung AVP [audio-visual presentation] kung saan ni-research namin lahat ng buong story ni Ate Guy.

"Marami pa kaming iniisip for her."

Kabilang na nga sa special event na ibibigay ng TV5 kay Ate Guy ay ang nakatakda nitong Grand Fans’ Day sa August 7 sa Broadway Centrum.

Una pa lang daw ito sa series of Fans’ Day na gaganapin para sa Superstar.

Pinag-iisipan nga nila ang mas malaking venue gaya ng Araneta Coliseum para mas ma-accommodate ang mas maraming fans ni Ate Guy.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN