Cesar Montano says son Diego Loyzaga is an "angel" compared to him when he was younger

"Matigas ang ulo nito, e. Ako rin sobrang tigas ng ulo ko. Kasi artist din ito, e. May sarili siyang belief. But that’s good, I don’t take it negatively," says Cesar Montano about his son, Diego Loyzaga.


Masayang tumuntong si Cesar Montano sa stage ng Bandstand area sa Enchanted Kingdom sa Sta. Rosa, Laguna kahapon, August 7, kung saan siya ang nagsilbing celebrity storyteller para ibahagi ang kuwento ng buhay ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa mga manonood na karamihan ay mga bata.

Espesyal kay Cesar si Rizal dahil minsan na niya itong ginampanan sa pelikula noon, ang Jose Rizal ng GMA Films.

Ikinatuwa pa niya ang presentasyong ginawa habang siya ay nagkukuwento.

"Tuwang-tuwa nga ako, pumapalakpak ako. Sabi ko, ’Ang galing naman ng ginawa n’yo.’

"Sa interpretation na ito ay madaling maka-relate ang mga kabataan lalo na yung ginamit na mga kanta, bago.

"Kaya, I’m so happy na ginawa nila ito. Itong uri na ito ang kailangan sa henerasyon ngayon," sabi ni Cesar.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang press si Cesar pagkatapos ng kanyang storyteling stint.

Sabi pa ni Cesar, hindi ito ang unang beses na ginawa niya ito.

"This is my second time. The last time was 2003 pa, matagal na rin, dito rin.

"Buti nga natawagan nila ulit ako dahil, of course, excited ako. I always do this, e."

Ilan sa mga kabataang nanood ay mismong si Cesar pa ang namili para masaksihan ang kanyang pagkukuwento. Pawang mga taga-Sta. Ana, Manila ang mga batang ito.

"Pinapili ako kung sino ang mga bata.

"Tapos nalaman ko na meron palang mga kabataan sa Sta. Ana, kung saan ako lumaki, na nangangailangan ng ganitong klaseng kasiyahan.

"Yung iba mga ulila, nasa bahay-ampunan.

"So, nakakatuwa naman na nabigyan natin sila ng konting kasiyahan.

"Thirty-plus kids silang nandito," banggit pa niya.

DIEGO LOYZAGA. Ikinatuwa rin ni Cesar ang pagsama sa kanya sa Enchanted Kingdom ng kanyang tatlong anak na babae sa asawa niyang si Sunshine Cruz. Gayundin ni Diego Loyzaga, na anak naman niya kay Teresa Loyzaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagsilbing bonding na rin nila itong mag-aama.

"Para makita nila at mapanood ang ginagawa ko. Para malaman din nila ang kuwento ni Jose Rizal.

"Si Diego, isinama ko para makita niya. This is really good, sabi ko sa kanya, ’Sooner or later gagawin mo rin ito.’

"I’m pretty sure gagawin din ni Diego ito."

Sa pagsama ni Diego, gusto rin nilang patunayang mag-ama na hindi totoo ang tsismis na may tampuhan sila at hindi sila okay.

"Ganun naman yun, e, lilipas din yun," sambit ni Cesar.

"Yung mga ganung intriga, it will come and go. Depende ’yan, e.

"Life is 10 percent what’s happening around you, and 90 percent how you respond to it."

Nasaktan ba siya o naapektuhan ng intrigang ito?

"Of course, it’s bothering, pero what is important is kung ano ang nangyayari sa circle namin, not outside us.

"Ang importante, kami pa rin ang nagkakaintindihan. We trust each other, we love each other," saad ng aktor.

Habang ini-interview ng press si Cesar ay nasa tabi niya si Diego, kaya nabaling sa binata ang pagtatanong kung ano ang reaksiyon niya sa tampuhan issue daw nila ng kanyang ama.

"Yung mga intriga sa amin, sana naman lumipas na yun," sagot ni Diego.

"Walang problema sa amin. You know, lahat naman ng mga tao nagkakaroon ng tampuhan.

"Pero we’re still a close and loving family.

"Ganun naman talaga ang mga tao, e."

NOT A PASAWAY. Pasaway ba talaga si Diego?

"’Yan tanungin mo si Dad. Pasaway ba ako Dad?" tanong ni Diego sa kanyang ama.

"Minsan!" natatawa namang sagot ni Cesar.

"Hindi, hindi... Naku, kung pasaway ka, mas lalo ako noon.

"Hindi niya inabot yung panahon ko. Kung ikukumpara kami, anghel ito [Diego] ngayon.

"Ang kulit ko noon, sobra!"

Isa si Diego sa most promising heartthrobs ngayon matapos siyang mabigyan ng break sa defunct top-rating soap ng ABS-CBN na Mara Clara. Kaya hindi malayong maging lapitin ng babae si Diego.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang maibibigay na advice ni Cesar sa anak?

"Please lang, pag may nali-link sa iyo, huwag mong ipagtulakan sa akin kasi ako masaya na ako sa buhay ko!" biro ni Cesar kay Diego.

"Seriously, ako, bahala na. Ipagpe-pray ko na lang na sundin mo ako.

"Kung pinasok mo ang pag-arte, mag-focus ka sa pag-arte. Marami ka pang dapat matutunan at dapat aralin.

"Katulad ko, hindi ako umabot sa ganitong estado sa madaling paraan. Sobrang hirap ng dinanas ko.

"Pumasok ako sa entablado [teatro]. Nag-workshop ako ng maraming-maraming beses."

Ano sa tingin niya ang namana ng anak niya sa kanya?

"Matigas ang ulo nito, e. Ako rin sobrang tigas ng ulo ko," sabi ni Cesar.

"Kasi artist din ito, e. May sarili siyang belief.

"But that’s good, I don’t take it negatively.

"Pero kailangan lang talaga may guide. Of course, sa lahat naman ng mga bata, e.

"Kaya nga kailangan ng parenting, kailangan ng pagga-guide ng parents. Kaya nandidito ako, e.

"Sabi ko kay Diego, ’I’m always here. Kung may question ka, kahit anong klaseng question ’yan, nandito ang daddy mo para sa iyo. One hundred percent nandito ako sa likod mo.’"

Paglilinaw ni Cesar, matigas ang ulo ni Diego in a positive way at hindi ito nangangahulugan ng pagiging pasaway.

"Si Diego is very intelligent. Matigas ang ulo niyan but he listens and he follows," sabi niya.

FATHER & SON MOVIE. Masaya namang ibinalita ni Cesar na gagawa sila ng pelikula ni Diego sa ilalim ng kanyang movie outfit na CM Films at idi-distribute ng Viva Films.

"Napakaganda po ng role ni Diego," sabi niya.

"It’s an action film. Isasabak ko na po si Diego sa tunay na aksiyon.

"Ang kasama po rito ay si Phillip Salvador at Sam Pinto."

Mag-tatay ba ang role nila sa pelikula?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi... Abangan nila. Yung role ni Diego hindi puwedeng sabihin kasi mapi-preempt, e," sabi ni Cesar.

Paglilinaw ni Cesar, iba ang pelikulang ito sa nauna nang napabalita noon na tila time travel movie na may working title na Sa Ngalan ng Pag-ibig.

"Hindi, iba ito, action ito. Na-shelve muna yung Sa Ngalan ng Pag-ibig.

"Ang working title ng gagawin namin ngayon ay Hitman. Ang shooting namin will start on August 10.

"Ako rin ang magdidirek nito."

Bilang paghahanda nga raw ay isinailalim na niya sa workshop si Diego.

"Last night lang, nag-workshop kami ni Diego.

"Tiningnan ko kung kaya. Kaya naman niya.

"Pero marami pa siyang workshop na dapat daanan."

Ano naman ang masasabi ni Diego na ang tatay niya pa mismo ang nag-workshop sa kanya?

Ani Diego, "Siyempre, iba sa ibang direktor. Kasi walang hiyaan talaga. Sasabihin niya talaga, ’Mali ’yan. Mali ’yan. Dapat ganito.’

"Pero masaya naman. I really learn from Dad’s workshop talaga."

Excited na raw si Diego na magsimula ng shooting.

"I’m very excited na binigay sa akin yung role na yun. Sana lang mapatunayan ko na kaya ko."

LIVING WITH TITA BING. Nakatira si Diego ngayon sa bahay ng kanyang tita na si Bing Loyzaga. Kumusta naman ang pagtira niya rito?

"Okay naman po," sagot niya.

"Maraming salamat kina Tita Bing and Tito Janno [Gibbs] na they accepted me there.

"Magkapareho kami ng school ng pinsan ko, so isang service na lang kami."

Paglilinaw pa ni Diego, kahit na sa Tita Bing niya siya nakatira ay madalas pa rin naman siyang pumupunta sa bahay nina Cesar.

"Pero we’re a very happy family po kahit saan ako nakatira.

"Dad is always there for me when I need him. Okay din kami ni Tita Sunshine," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN