Rochelle Pangilinan relates accident-prone start of relationship with boyfriend Arthur Solinap

"Kunyari, may nagyoyosi, tapos ginanun niya, sa akin tumapon yung upos, napaso ako," cites Rochelle Pangilinan about one of the accidents that happened between her and boyfriend Arthur Solinap before they became an item.


Isa ang dating SexBomb girl na si Rochelle Pangilinan sa mga bagong artist ng PPL Entertainment, Inc. ni Perry Lansigan.

"Kapatid" na nga niya kay Perry ang mga tulad nina Dingdong Dantes, Jolina Magdangal, ang boyfriend na si Arthur Solinap, at iba pang talents ng PPL na nag-photo shoot sa Hacienda Isabella sa Indang, Cavite noong Sabado, Agosto 6.

Kuwento ni Rochelle, ilang buwan din niyang sinubukan na i-manage ang sarili matapos ang maayos na paghihiwalay nila ng landas ng dati niyang manager na si Joy Cancio noong nakaraang taon.

Hindi raw naging madali para sa kanya ang maging talent, at the same time ay manager din. Nahirapan daw siyang makipag-usap sa mga potensyal na kliyente o projects habang nasa gitna ng isang trabaho.

"Tapos hindi ko masabi kung magkano ang budget ko! Hindi ko masabi, lalo na sa mga kaibigan ko... Shucks, hindi ko ’to kaya," kuwento pa ni Rochelle nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa break nito sa kanyang pictorial nang araw na iyon.

Sa pamamagitan daw ni Arthur ay nakausap niya si Perry at naging manager na niya mula pa noong June ng taong ito.

Hindi naman daw iba pa sa kanya si Perry dahil nakatrabaho na niya ang talent manager mula pa noong SOP days.

"Saka parang nanay-nanayan ko na rin ’yan, parang si Ate Joy. Nasasabi ko sa kanya lahat.

"Ako kasi, confrontational ako. Pag masama ang loob mo sa akin, kakausapin kita na, ’Oy, masama ba ang loob mo sa akin?’ Ganun ako.

"Kilala na ako ni Mama Perry na ganun. So, sabi ko, hindi na ako mahihirapan na makisama sa mga ito kasi kilala na nila ako, kilala ko na rin sila.

"Yun kasi ang mahirap kapag bagong salta ka, yung adjustment na tinatawag. Ako, hindi ko na pinahirapan ang sarili ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Si Mama Perry na lang talaga ang naisip ko para i-manage ako," patuloy ni Rochelle.

Hindi ba naging mahirap para ang pagiging magkasintahan nila ni Arthur ngayong iisang manager na lang sila? Hindi ba nakakasagabal sa trabaho?

"Actually, yun ang sinabi ko sa kanya. Sabi niya [Perry], ’Unang-una, hindi ko ’yan papakialaman.’

"Sabi ko, ’Aaah...yun. Thank you!’" tawa ni Rochelle.

Ang naging konsiderasyon daw kasi ni Rochelle ay kung sakaling nagkaroon sila ng pagtatalo ni Arthur bilang magkasintahan.

"Unang talent niya si Art, tapos eto ako, papasok ako. Siyempre, gusto kong i-secure ang sarili ko na... ’Kakampihan mo?’ or what...

"Sabi niya, ’Hindi.’ Maganda yung pagkaka-explain niya sa akin na, ’Hindi. Hindi ko panghihimasukan ’yan.

"’Ang sa akin, pumasok ka sa akin. Gusto mo ng trabaho. Trabaho ang ibibigay ko sa iyo. Hindi ko panghihimasukan ’yan. Private life mo ’yan.’

"Kinlaro ko talaga sa kanya at kinlaro niya rin sa akin," mahabang pahayag ni Rochelle.

ACCIDENT-PRONE START OF RELATIONSHIP. Naikuwento rin ni Rochelle kung paanong hindi naging maayos ang simula ng relasyon nila ni Arthur.

"Pareho naming hindi gusto ang isa’t isa," sabi ng dating leader ng SexBomb Dancers.

"Kabaligtaran kasi ako ng gusto niya sa babae. Ang gusto niya maputi. E, ako. Hmp!" birong lait ng morenang si Rochelle sa sarili.

"E, siya naman. Hindi ko siya pinapansin noon, kasi may boyfriend ako noon.

"Ganun yata talaga pag meron akong boyfriend. Walang pansin lahat."

Palagi pa raw siyang naaaksidente ni Arthur kapag gumigimik sila noon kasama ang iba pang mga kaibigan.

"Nung nag-break na kasi kami nung dati kong boyfriend, sumasama na ’ko noon sa kanila. Sige, gimik. ’Ay, masaya pala yung maingay!’" natatawang kuwento pa ni Rochelle.

Sa mga gimikang iyon, madalas daw siyang nakakatikim ng aksidente kay Arthur.

"Kunyari, may nagyoyosi, ’tapos ginanun niya," umaktong nagpatong kunyari si Rochelle ng baso sa isang mesa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa akin tumapon yung upos, napaso ako!

"Tapos minsan may ibubulong siya sa akin. Ang taas-taas ng upuan. Natumba niya ’ko. Ending namin, nakatiwangwang ako.

"Parang movie, nakakatawa!"

Pinagtitinginan nga raw sila ng mga tao noon dahil sa mga gano’ng insidente nila ni Arthur, kaya lalo raw siyang nainis dito noon.

"Ay, nakakahiya! Sabi ko, ’Ay, Diyos ko, nakakainis kaaa!" nanggigigil pa raw niyang tili kay Arthur.

Gayunpaman, tuloy pa rin daw ang gimikan nila with friends. Naging magkabiruan sila ng Kapuso hunk, hanggang sa naramdaman na lang nila na iba na ang dating nila sa isa’t isa.

Bigla na lang, iba na ang dating ng "term of endearment" nila na "Beh!" sa isa’t isa.

"Ganun kasi kami noong biruan pa. ’Beeeh!’" mala-SexBomb Girl pa rin na hirit ni Rochelle, kung paano niya raw tawagin noon si Arthur.

"Tapos, text-text na, nagkakahanapan na. Nagkaka-miss-an na."

Nadiskubre rin daw nila ang tunay na pagkatao ng isa’t isa. Si Arthur bilang mapagbirong tao sa kabila ng pagiging reserved at seryosong hitsura nito, at si Rochelle, ang pagiging "manang" nito sa pagsusuot ng damit kapag nasa publiko na.

"Hindi kasi ako makilala kapag nasa labas na ’ko. Dito sa pictorial, gusto nila, ganito ang itsura ko. Sexy, ganito," turo ni Rochelle sa suot niyang strapless floral dress.

"Pero pag nasa labas, normal lang. Hindi ako lalabas nang nakaganito."

ARTHUR’S HAGGLING SKILL. May isang pagkakataon pa nga raw na nakakalusot ang pagiging "incognito" niya nang minsang namili sila sa Divisoria.

"Ako kasi, bilang one of those lang ang itsura ko, nakakatawad ako."

Pero nasisira raw ang diskarte niya sa pakikipagtawaran, kapag lumalapit na sa kanya si Arthur.

"E, kasi naman. Artistang-artista, tisoy, matangkad. Kaya sabi ko sa kanya, ’Beh, dun ka muna. Hindi ako makakatawad.’"

Pero kung tawaran daw ang pag-uusapan, wala raw siyang binatbat kay Arthur nang matuto na itong makipagtawaran.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Actually, tinuruan ko siya. Pero bandang huli, makapal na yung mukha niyang tumawad. Kasi, 75 percent na yung off niya!

"Minsan, yung one thousand, nabibili niya ng two hundred-fifty! Nagugulat ako! Iba siya.

"Makapal ang mukha niya, tapos maaawa ka na run sa tindera. Kasi alam mong wala na siyang kinita.

"Ako kasi, fifty percent off lagi ang tawad. Siya, ’75 percent ang tawad ko!’" natatawang kuwento pa ni Rochelle.

WEDDING BELLS CAN WAIT. Walang dudang masayang-masaya sila sa relasyon nila ngayon. Tinanong ng PEP kung napag-uusapan na ba nila ang posibleng pagtuloy ng relasyon nila sa kasalan.

"Napag-uusapan, pero sabi ko sa kanya, give me two to three years para mag-ipon.

"Ako kasi ang breadwinner sa family ko. Pagpasok ko sa showbiz, ako na ang breadwinner.

"Ayokong ipakargo sa kanya ang pamilya ko kung mag-asawa na kami. Ayokong gastusan niya ang pamilya ko.

"Gusto ko pag mag-asawa na kami, plantsado na lahat. Maayos na ang pamilya ko.

"Kung may iintindihin siyang gastos... ’Psst, pang-shopping ko,’" aktong humihingi siya ng pera kunyari kay Arthur.

"Ako lang. Kaya gusto kong i-settle muna ang pamilya ko. Gusto ko may sarili na kaming bahay. Planado lahat.

"Lahat kasi ng kaibigan ko, nagsasabi sa akin, ’Pag nag-asawa ka na, tuluy-tuloy na ’yan.’

"Magkakaanak ka, pag-aaralin mo ’yan, magkakasakit ’yan, ’wag naman sana.

"Gusto ko, isa lang ang pinoproblema ko, financially. Ayoko ng dalawa."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN