Nora Aunor reunites with ex-husband Christopher de Leon and son Ian de Leon in TV5 mini-series

"Ako naman hanggang ngayon, ayoko ng tinatawag akong ’Superstar’ ako, e. Basta ang sa akin, yung makagawa ng, at least, kahit paano, naaalala nila yung mga pelikula na ginawa ko na makabuluhan," says Nora Aunor on being remembered by her fans even after long absence from showbiz.


Sa story conference ng gagawing mini-series ni Nora Aunor sa TV5 na may pamagat na Sa Ngalan ng Ina, sinabi ng main director nito na si Mario O’Hara (second unit director si Jon Red) na mistulang reunion ng classic movie niyang Tatlong Taong Walang Diyos ang muling pagsasama ng Superstar at ang dalawa nitong leading men sa pelikula—sina Christopher de Leon at Bembol Roco.

Ang Tatlong Taong Walang Diyos ay ang 1976 movie ni O’Hara, kunsaan nagwagi ng dalawang Best Actress awards si Nora (Famas at Gawad Urian nung 1977).

Itinuturing ding isang classic movie ang Tatlong Taong Walang Diyos ng mga kritiko dahil sa maayos na pagkakalahad ng istorya nito, magandang cinematography, wastong mga detalye tungkol sa Japanese Occupation ng Pilipinas, at makinis na direksiyon.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa 58-year-old Superstar kaninang hapon, August 16, sa Max’s Roces kunsaan ginawa ang storycon, sinabi nitong masayang-masaya siya sa muling pagsasama nila ng mga co-star niya sa classic O’Hara wartime drama.

"Talagang masayang-masayang-masaya," sambit ni Nora.

"Masayang-masaya ako sa lahat-lahat. ’Tsaka siyempre ngayon lang uli kami magkakasama ni Boyet [Christopher], tapos kasama ko pa si Mario, si Bembol, at tapos makakasama ko pa si Osang [Rosanna Roces]."

Pero nakadagdag pa sa kasiyahan ni Nora ang pagkakasama rin sa cast ng Sa Ngalan ng Ina ng anak nila ni Boyet na si Ian de Leon.

"Kasi si Ian noon, nung ginagawa namin yung Tatlong Taong Walang Diyos, baby pa talaga ’yan.

"Ngayon, tingnan mo naman, mas matangkad pa sa daddy niya."

Mistula ngang family affair na rin ang proyekto niyang ito sa Kapatid network dahil nandun nga silang tatlo—sina Nora, Boyet, at Ian.

"Noon, baby lang si Ian. Ngayon katrabaho na namin ni Boyet!" natatawang sabi pa ni Ate Guy.

NEW GENERATION OF ACTORS. Mula nang umuwi si Ate Guy sa Pilipinas, may mga artista nang nagpahayag ng kagustuhan nilang makatrabaho siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mga artistang malaki ang paghanga sa husay ni Nora sa pagganap at yung mga gusto lang talagang makasama o makaeksena siya dahil siya nga ang itinuturing na nag-iisang Superstar.

Ilan pa sa mga artistang ito ay mga kabataan o yung mga bagong nakikilala ngayon.

Hiningi ng PEP ang reaksiyon ni Nora tungkol dito.

"Ang sarap sa pakiramdam nun, di ba? Biro mo ang daming kabataan ngayon at ganyan ang ida-dialogue nila... Wow!

"Sa akin, para bang karangalan ko yun. Na ganun ang sinasabi ng mga kabataang artista natin, na alam kong magagaling din sila na umarte.

"Kung pupuwede nga lang sana, lahat yun, makasama ko talaga, e," saad pa niya.

FANS’ LOYALTY THEN AND NOW. Obserbasyon ng mga nakasubaybay sa ebolusyon ng local na showbiz, hindi na maaaring maulit ang tinaguriang "Noramania" na nangyari noong late 1960s hanggang early ’70s. Iba raw kasi ang loyalty ng fans noong araw sa loyalty ng fans ngayon.

Tinanong ng PEP si Nora kung sang-ayon siya sa ganitong obserbasyon.

"Ganito... Kasi ang mga fans noong araw, masyadong loyal talaga. Pag sila ang humanga, talagang mahal nila ang idolo nila.

"Maraming mga fans ngayon na napapansin ko, na pag hindi mo lang pinansin, lilipat na sa kabilang kampo. Sa isang artista na naman.

"Karamihan ng mga fans ganun ang nangyayari.

"Sa amin kasi noon, pag sinabing fans, fans talaga sila," paliwanag ni Nora.

Naging legendary na nga ang kuwento tungkol sa isang fan na nagpalibing kasama ang maraming litrato ni Nora, o ang tinaguriang "Lucky 12" na pawang hardcore fans ng Superstar na handang gawin ang lahat para sa kanya. (CLICK HERE to read related story)

So, sa tingin ba niya, mas solid ba ang fans noon kaysa ngayon?

"Oo. Pero may mga solid din naman na mga fans ngayon.

"Kaya lang hindi katulad nung araw na mahal na mahal talaga nila ang idolo nila. Na kahit hindi mo talaga sila pansinin, andiyan lang talaga sila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kilala nga rin noon si Nora sa pagkakaroon ng sumpong o mood nito. Pero sa kabila ng flaw o kapintasan niyang ito, nanatili pa rin ang Noranians sa kanya at tinanggap ang pintas na ito ng idolo nila.

Aminado rin naman si Ate Guy na may ganoon nga siyang ugali noon at nagpapasalamat siya sa pagmamahal pa rin ng fans niya sa kanya.

Sa pagbabalik nga niya sa showbiz, isa sa mga misyon niya ang matupad ang pangakong nagbago na siya.

"Ang concern ko talaga sa ngayon ay yung magtrabaho at matupad ko yung pangako ko na nagbago na ako talaga," sabi niya.

Malaki rin daw ang pasasalamat niya sa TV5 na nagtiwalang bigyan siya ng project sa kanyang pagbabalik sa lokal na showbiz, sa kabila ng mga negatibong balita tungkol sa kanya.

"Hindi ko akalain na malaki pa rin ang importansiya, malaki ang pagtitiwala nila sa akin, sa pagbabalik ko.

"Kumbaga, binigyan pa rin nila ako ng tsansa dito nga sa mini-serye na ito.

"Kaya malaki ang pasasalamat ko sa lahat ng namumuno sa TV5 talaga."

DOESN’T LIKE BEING CALLED "SUPERSTAR." At sa paghingi ng PEP ng mensahe ni Ate Guy sa mga artista ng henerasyong ito na tumitingala sa kanya bilang isang magaling na aktres, nabanggit niya ang tunay niyang damdamin hinggil sa pagtawag sa kanya ng taguring "Superstar."

"Yung mga kasabayan ko noon, sina Bobot [Edgar Mortiz], si Vi [Vilma Santos], kunin lang nila [mga kabataang artista] o gayahin kung anuman yung mga ginawa namin kaya hanggang ngayon, yung mga fans namin, nandiyan lang sila.

"Ako naman, hanggang ngayon, ayoko ng tinatawag akong ’Superstar’ ako, e.

"Basta ang sa akin, yung makagawa ng, at least, kahit paano, naaalala nila yung mga pelikula na ginawa ko na makabuluhan.

"Yun ang habol ko ngayon na magpatuloy akong gumawa ng mga pelikula na hindi makakalimutan ng mga manonood."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN