Angelika dela Cruz does not mind playing villain and supporting roles

"Kung tatanungin mo ako ngayon, mas priority ko ang family ko. Iba kasi kapag ikaw ang anak, ikaw ang gina-guide. Pero kapag ikaw ang magulang, kailangan ka, e. Mas importante yun," says Angelika dela Cruz.


Para kay Angelika dela Cruz, isa na siguro sa pinakamasayang character na ginampanan niya ay ang role niya kasalukuyang early primetime series ng GMA-7 na Futbolilits.

Gumaganap si Angelika rito bilang misis ni Paolo Contis na may pagka-weird. May pagka-kontrabida man pero yung tipong hindi namang isusumpa ng mga manonood.

Natatawang kuwento nga ni Angelika nang minsang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Nakakaloka actually. Minsan, kahit kami sa taping, nakaka-cut kami palagi dahil nagtatawanan at nagtatawanan kami sa set.

"Masaya actually yung taping. Parang hindi kami nagtatrabaho. Lalo na kami ni Paolo, para kaming naglalaro.

"Enjoy ako sa role. Parang maiba lang.

"Yung huli akong nag-comedy, yung Sana’y Wala Nang Wakas [ABS-CBN] pa."

Diretsahang tinanong ng PEP si Angelika kung hindi ba niya napi-feel na hindi na siya pambida ngayon, lalo na’t she used to do lead roles noon sa GMA-7?

"Hindi, walang ganoon. Kasi, iba-iba naman.

"Bago mag-Dwarfina na kontrabida ako, sa Pilyang Kerubin, hindi naman ako kontrabida do’n. Paiba-iba.

"Tapos yung kami ni Iza Calzado na Kaya Kong Abutin ang Langit, hindi rin.

"So, kumbaga ako, gusto ko lang paiba-iba at saka continuous lang yung work. Pero hindi yung sobra," sabi ng aktres.

Hindi na siya yung dapat bida palagi?

"I just want to work," sambit ni Angelika.

"Kasi, it makes me happy. Acting makes me happy. Pero hindi yung sobra-sobra.

"Kasi, ang priority ko is my family, hindi na acting.

"Kung tatanungin mo ako ngayon, mas priority ko ang family ko.

"Iba kasi kapag ikaw ang anak, ikaw ang gina-guide.

"Pero kapag ikaw ang magulang, kailangan ka, e. Mas importante yun."

May isa nang anak si Angelika at ang kanyang mister na si Orion Casareo.

BACK TO SINGING. Pagkatapos ng Futbolilits, may isa pang serye si Angelika na nakasaad sa kontrata niya sa GMA-7. Pero kung may gusto raw talaga siyang gawin, ito ay ang makagawa muli ng album.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dapat last year, kaya lang nga everything that happened, lahat, puro problema. So, nag-beg-off muna ako.

"Ang hirap kasi kapag emotionally drained ka, ayaw mo namang gumawa ng bagay na for the sake lang na magawa mo," saad niya.

Last year kasi ay namatay sa isang vehicular accident ang kanyang kapatid na si Edward dela Cruz, at nagkasakit din ang isa pa niyang kapatid na si Eric.

Matagal na raw ang last album ni Angelika dahil na rin sa nagging court case niya noon sa BMG Records.

Sa ngayon daw, may inaayos na rin ang manager niya when it comes to her album.

PPL TALENT. Samantala, happy naman daw si Angelika sa pangangalaga sa kanya ng PPL Entertainment, Inc. In fact, lahat daw pagdating sa career niya, pinapaubaya na niya ang desisyon sa kanyang manager na si Perry Lansigan.

"Walang kaduda-duda. Kahit nga tanungin ako kung ano ang desisyon ko, hindi ko na kailangan mag-isip.

"Ang lagi ko lang ano, ’Bahala na si Perry.’ So ako, trust. Yun lang talaga.

"Actually, noong maging manager ko rin si Tito Boy [Abunda], very happy rin ako. Hanggang ngayon, close pa rin kami ni Tito Boy.

"Kaya lang, nagkaroon ako ng ano sa station, di ba? Lumipat ako sa Siete.

"Pero ngayon kay Tito Perry, ganun din, very, very happy rin ako."

How does she feel na parami na sila nang parami sa PPL?

"Siyempre, the more the merrier. Maganda yun.

"At saka si Tito Perry naman, bago siya kumuha ng bagong talent, tinatanong niya kami.

"’Okay ba sa inyo ’to? Kasi, kukunin namin siya. Okay ba sa inyo ’to?’ Lahat, tinatanong kami.

"Although, wala pa naman ako na may kukunin siya na hindi ko gusto.

"Kasi, ano naman ako, sa akin kasi, walang masamang tinapay. Alam mo yun?

"At saka, I trust his judgment. Kung tingin niya okay ’to, may tiwala ako do’n.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung sarili ko nga, pinagkakatiwala ko sa kanya," saad ni Angelika.

MARRIED LIFE. Pagdating naman sa kanyang married life, magsi-six years na raw silang magkasama ng kanyang mister na si Orion Casareo.

Ayon kay Angelika, very blessed siya pagdating sa kanyang asawa.

In fact, when asked how she will describe her married life, mabilis ang naging tugon nito.

"Perfect," sambit ni Angelika

Pero di ba’t may kasabihang walang perfect sa mundong ito?

Sagot naman ng Kapuso actress, "E, kasi, even yung things na nag-argue kami, nag-disagree kami, pinag-aawayan minsan, normal yun, e. Para sa amin, perfect yun.

"At saka, nasa pag-e-effort n’yo pareho yun.

"Basta may effort kayo for open communication, tapos ang priority n’yo pareho is the family, everything will work out."

Supportive din daw ang husband niya when it comes to her work.

Pagdating naman sa pagiging magulang, pareho silang hands-on sa kanilang anak.

"Si Gabby, isinasama ko minsan sa taping kapag okay naman ang location.

"Kapag hindi naman, yung office naman, sa kanila [Orion], sinasama niya ang anak ko.

"Sa second floor ng office nila, meron siyang gym. Doon si Gabby nagtatatakbo.

"Malaki siya, e, play area niya yun."

May plano na ba silang bigyan ng kapatid si Gabby?

"Siguro next year," sagot ni Angelika.

"Kasi, gusto ko, habang nag-i-school na siya, para at least may balanse pa rin sa oras.

"Mahirap kasi yung dalawa sila beinte-kuwatro oras.

"At least, kung nag-i-school siya, maaalagaan ko naman yung isa."

Dalawa o tatlong anak lang naman daw ang plano nila. Although, kahit ilan daw ang ibigay sa kanila ng Diyos, okay raw sa kanila since their priority is family.

NEW BABY. Kaugnay nito, may panibago rin namang "baby" sa pamilya nila—ang naiwang anak ng kapatid ni Angelika na si Edward dela Cruz, na namatay sa isang aksidente last year. (CLICK HERE to read related story.)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang daddy at mommy raw ng aktres ang talagang tutok sa apo na isinunod din nila sa pangalan ni Edward.

Sa pamamagitan ba ng pamangkin ay tila nagkaroon na ng kapalit si Edward, lalo pa nga’t kamukhang-kamukha nito ang anak?

"Kamukhang-kamukha niya, e. Pero siyempre, hindi mo mapupunan yun," sabi ni Angelika.

"They are different people, e. Iba yung kapatid ko. Iba naman yung baby siyempre.

"Hindi mo mapapalitan. Hindi mo naman mapapalitan kahit sinong tao. That’s impossible. They are two different people.

"Pero he makes us happy. Lalo na kapag tiningnan mo siya, kamukhang-kamukha ni Ed. OA nga ang pagkakamukha nila."

Naging mabigat sa pamilya ni Angelika ang magkasunod na nangyari sa kanyang dalawang kapatid noong isang taon—ang maagang pagkamatay ni Edward at ang pagkakasakit ni Eric.

Naka-move on na rin ba sila kahit papaano sa pagkamatay ni Edward?

"Hindi ka naman magmu-move on," sagot ng aktres.

"Habang tumatagal lang, nakaka-adjust ka sa sitwasyon. Pero yung... hindi ka talaga magmu-move on.

"Kasi, forever na yung lost na yun.

"Sa mga naka-experience na ng death sa mga taong mahal nila, maiintindihan nila yun.

"Habambuhay mo nang dala yun. Kumbaga, natututo ka lang tumanggap unti-unti.

"Pero yung sinasabi nilang naka-move on ka na ba, okay ka na ba, paano naman yun?"

Dugtong pa niya, "Yung kaso namin, hindi pa rin tapos."

Through bail, nakalaya raw ang driver na nakadisgrasya kay Edward.

Ayon kay Angelika, "Every month, may hearing. Siyempre kami, we just want justice."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN