Glaiza de Castro defends Amaya co-star Marian Rivera against detractors: "Siguro totoo lang talaga siyang tao."

"Ang tingin ko sa kanya ay ate. Hindi lang doon sa Amaya kundi parang sa totoong buhay. Kasi mas marami siyang experience, mas marami siyang pinagdaanan. Kumbaga, sini-share lang niya sa akin," says Glaiza de Castro about Amaya co-star Marian Rivera.


Ibinalita ni Glaiza de Castro sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na hanggang ngayong October na lang ang taping nila ng epicserye ng GMA-7 na Amaya. Pero aabot pa raw ang airing nito sa December.

Sa exclusive interview ng PEP kay Glaiza sa launching ng Artiste Connect Panoramanila at Shot Magazine last Sunday, August 28, sa White House Resto Bar, nakangiti man pero bakas pa rin sa mukha ni Glaiza ang panghihinayang na magtatapos na ang taping nila ng Amaya.

"Nag-start sila no’ng June pa. Pero ako, yung taping ko paunti-unti lang.

"Ngayon lang nagkakaano ulit yung mga eksena ko. Kasi by chapters yun. Nasa more than 10 na ’ata," paliwanag ng aktres.

Wala pa raw siyang alam na bagong show na ibibigay sa kanya ng GMA-7 pagkatapos ng Amaya.

Pero may pelikula naman siyang ire-release ngayong buwang ito.

"Magkakaroon ng theatrical release ang Rakenrol by September 21," banggit ni Glaiza.

ACTING PROWESS. Bagamat masasabing supporting role lamang ang ginagampanan ni Glaiza sa Amaya, marami ang nakakapuna sa husay niyang umarte kahit sa isang simpleng eksena.

Pero nilinaw naman niya na hindi niya intensiyon niyang galingan ang acting niya para lumutang siya sa serye.

"Hindi intensiyon yun, di ba? Dahil ayaw mo namang masabihan ka na nananapaw o nang-aagaw ng eksena.

"From the start naman po, ayaw ko naman sa gano’n, e, kumbaga, kumpitensiya?

"Kumbaga, ini-enjoy ko lang kung ano yung ibinibigay sa akin. Lalo na yung scenes na nasa script, ginagawa ko lang nang maayos.

"Wala rin sa malalaking part, e. Doon lang sa kung anong ibinibigay sa iyo, pag-igihan mo, gano’n lang," pahayag niya.

MARIAN RIVERA. Hindi rin daw nagkaroon ng tensiyon sa kanila ng bida ng Amaya na si Marian Rivera ang paglutang niya minsan sa kanilang mga eksena.

"Wala. Kasi nakakatuwa nga dahil... Alam mo pag artista ka, alam mo na kaagad kung meron na kayong koneksiyon, e, bilang magkapatid [sa serye].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siya [Marian], mapagbigay sa eksena. Hindi niya pina-feel na, ’O, Marian ako."

Ipinagtanggol din ni Glaiza si Marian sa mga nagsasabing "maldita" at mahirap itong katrabaho.

"Siguro totoo lang talaga siyang tao," sabi ni Glaiza.

"E, lahat naman tayo may mga moods. Kumbaga, kung may mga times na nakikita nating bad mood yung isang artista, hindi naman ibig sabihin no’n, yun na ang makakapag-define kung sino talaga siya as a person.

"Pero when you talk to her and makasama ko siya nang medyo matagal, makikita mo na, ’A, gano’n pala siyang talaga.’"

Natutuwa rin si Glaiza kay Marian dahil binibigyan daw siya nito ng tips tungkol sa lovelife.

"Ang tingin ko sa kanya ay ate. Hindi lang doon sa Amaya kundi parang sa totoong buhay.

"Kasi mas marami siyang experience, mas marami siyang pinagdaanan. Kumbaga, sini-share lang niya sa akin.

"Sabi niya, easy-easy," kuwento ng young actress

Pagluluto at pasensiya ang ilan sa mga tips na ibinihagi sa kanya ni Marian pagdating sa pagha-handle ng lovelife.

"A, pasensiya? Lahat naman tayo, meron no’n. Pero depende na lang sa kung hanggang saan. Tayo na lang makakapagsabi nun kung hanggang saan?"

Natatandaan naming binigyan siya ni Regine Velasquez ng Louis Vuitton bag nang magsama sila nito sa serye rin ng GMA-7 Diva. Si Marian ba ay may naibigay na sa kanya?

"Siguro kung materyal, wala. Hindi naman siguro kailangan," sabi ni Glaiza.

"And thankful na lang ako sa mga nakakatrabaho, wala kang masasabing kahit na anong negative. Hindi sila mabigat katrabaho."

THE BAG. Kuwento pa ni Glaiza, "Isa lang siguro sa nakakatawang nangyari sa amin ay nung pinakuha niya [Marian] ako ng Louis Vuitton!

"Sabi niya, ’Kumuha ka na niyan. You deserve it. Pinagtatrabahuhan natin ito, reward mo na ’yan sa sarili mo.’

"Seryoso, hindi ako sanay na gumastos ng gano’n, and first time na gumastos ng gano’ng kalaking amount para lang sa isang bag."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagbabalita sa amin ni Glaiza, P50,000 raw niya nabili ang branded bag.

"Matagal ko nang gustong bumili, pero hindi ko inaasahan no’ng araw na yun! So, parang..."

Hindi itinanggi ni Glaiza na bukod sa napasubo na siya sa pagbili ng naturang bag, nahiya rin siyang hindi pagbigyan si Marian.

"Honestly, medyo nahiya rin ako. Pero in a way, napaisip na rin ako, ’Oo nga naman. Tutal, matagal ko na ring gusto. At least nandiyan.’

"Saka mamu-motivate ka ring magtrabaho bilang ang laki ng kinuha mo sa pera.

"So, sa tuwing titingnan ko siya [bag], ’Ay, kailangan ko nang magtrabaho!’" pahayag niya.

Never daw inisip ni Glaiza na kaya siya pinapipili ni Marian ay dahil gusto siyang bilhan nito.

"Naku, you deserve that, ’no! Kung ano yung pinagtrabahuhan mo at pinaghiraan mo, i-enjoy ko lang.

"Kung puro ka trabaho-trabaho, ikaw rin ang mauubos," saad niya.

EARNINGS FROM SHOWBIZ. Nagliliwanag daw ang mundo ni Glaiza kapag naiisip niya ang mga naipundar mula sa showbiz.

"Natutuwa lang ako kapag naiisip ko kung saan ako nanggaling. Nasa Valenzuela ako before, tapos nag-Bulacan, nagri-rent kami every month.

"Ngayon, nasa bahay na ako na masasabi kong sa akin, sa Commonwealth... Mga 200 square meter, three-story. Kasi pinalagyan namin ng attic.

"Sakto lang, may garahe. Hindi siya gano’n kalaki, hindi rin naman siya gano’n kaliit.

"Binili namin tapos niloan namin. Siguro umabot kami ng four to five million pesos.

"Lumipat kami no’ng nag-Grazilda ako. Last year lang. So, first Christmas namin dun.

"Masaya kasi nasasabi ko na sa sarili ko na hindi nauwi sa wala yung pagod mo at yung sakripisyo.

"In a way, ang tagal ko talagang hinintay.

"Ganun pala yung pakiramdam na kapag matagal mong hinintay, ano na’ng nangyayari? Ituloy mo lang."

Iniisip na raw ni Glaiza kung ano naman ang maipupundar o bibilhin niya para sa pamilya mula naman sa kinita niya sa Amaya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo nga, iniisip ko ano yung next, e," sabi niya.

"Actually, every soap, nag-iisip talaga ako ng reward sa sarili ko.

"After no’ng isa kong soap, nag-out of the country ako, nag-Hong Kong ako last February kasama ko yung mga friends ko.

"Yung parang mga goals ko, unti-unti na ring natupad.

"So, itong susunod, gusto kong mag-out of the country uli. Kasama na sila [her family]. Iba kapag pamilya mo ang kasama mo."

Hindi naman malayo na magkaroon ng sarili niyang buhay si Glaiza na hiwalay sa kanyang mga magulang at kapatid.

"Siyempre, hindi naman habambuhay na nakadepende tayo sa kung kanino, di ba?

"So, kailangan mo ring matuto on your own. Ako nga, hindi pa ako masyadong nagluluto.

"Lahat ng mga bagay sa bahay, ginagawa ng iba. Pero ako, hindi, e.

"Pero matagal pa yun, kailangan ko pang mag-ipon at magtrabaho pa ng sobra para dumating na ako sa buhay na mag-isa na ako, wala na akong masyadong iniintindi.

"Yung pamilya ko, settled na sila and yung sarili ko na lang ang iniintindi ko."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN