Nora Aunor to sign three-year contract with TV5; wants her voice back for a Philippine concert

"Sa pag-awit, sa pagsali ko sa Tawag ng Tanghalan noong araw, doon ako nag-umpisa at ngayon po, iyon po talaga ang gusto kong maibalik. Kaya nga gumagawa ako ng paraan, na pagbalik ko, itutuloy ko na ’yong pagpunta ko ng Boston para magkaroon ulit ng operasyon sa leeg ko. Baka sakali may awa ang Diyos, maibalik muli ang boses ko at magkaroon ulit ng concert pagbalik ko dito [sa Pilipinas]," said Nora.


"Baka ho, pumirma, baka lang, ha, pumirma ako ng three-year contract sa TV5."

Ito ang isang rebelasyong ni Nora Aunor kagabi, Setyembre 22, sa presscon ng kaniyang mini serye sa TV5, ang Sa Ngalan ng Ina, na ginanap sa Cinema 2 ng SM The Block sa North Avenue, Quezon City.

"Kasi happy ako talaga, walang biro," pagpapatuloy ni Ate Guy.

"Walang ibang studio o ibang network na talagang nagbigay ng importansya sa akin.

"Nag-alaga at talagang pinakita ang kanilang pagmamahal sa isang katulad ko po.

"Isa po kaming pamilya na nagta-trabaho.

"Katulad ng lagi kong sinasabi, maganda magtrabaho kapag kayo ay isang buong pamilya na walang intrigahan at masaya lahat ng mga kasama mo."

SOAP OPERA. Matapos ang presscon ay nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang entertainment press si Ate Guy.

Dito’y sinabi niya ang kanyang plano na pumirma ng three-year contract sa TV5. Mukhang ito na ang simula ng kaniyang panibagong showbiz career dito sa Pilipinas.

Paliwanag ng Superstar, "Dahil sa eksperyinsa ko... na binigay sa akin ng TV5.

"Kumbaga sa ano, ayoko masira o gusto ko rin ipakita sa kanila ’yong aking pasasalamat sa pamamagitan ng pagtatrabaho ko."

Noong nakaraang dalawang linggo lamang daw nagsimula ang negosasyon sa pagitan ng mga managers ni Nora at ng TV5.

Posible daw na sa susunod na buwan ay pumirma na siya ng kontrata sa naturang network, bago pa man siya bumalik sa Amerika ng Enero.

Ngunit, hindi lang ang three-year contract sa TV5 ang surpresa ni Ate Guy sa kaniyang mga fans.

"Inaayos na nila, e, soap opera na [ang] gagawing next pagkatapos nito.

"Hindi na magtatagal siguro ’yon dahil pineprepara na nila ’yon, ’yong gagawin kong susunod."

NORA’S VOICE. Matatandaan na noong Pebrero ng nakaraang taon, isang operasyon ang sumira sa golden voice ng Superstar na si Nora Aunor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito’y matapos siya sumailalim sa isang full face lift sa Japan, para sa kaniyang endorsement ng Shinagawa Cosmetic Surgery na inalok sa kaniya ng beteranang showbiz writer na si Aster Amoyo.

"Sa Japan, oo, mayroon ng kaso," saad ni Ate Guy.

"Ongoing na ’yon...

"Ibalik nila ’yong boses ko, ’yon lang.

"Dapat ’yong gumawa nito ang dapat managot do’n.

"Kasi five days akong hindi nag-sing, e, bale na-coma ako ng five days.

"Pero, ’wag na natin pag-usapan ’yon."

Bagamat iniiwasan ni Ate Guy na pag-usapan ang naturang issue, aminado siyang naapektuhan ng pagkawala ng kaniyang boses ang performance niya sa pag-arte.

Aniya, "Talagang sagabal masyado kaya nga ayoko patagalin.

"Kung sino man ’yong talagang dapat na sisihin sa nangyari sa boses ko, kailangan managot.

"Ibig sabihin, hindi ko rin alam kung bakit, pero sobra talaga ’yong nangyari, ’yong ginawa sa akin.

"Parang sinadya kasi, e, kaya nahirapan ako.

"Kita mo nga ’yong mga eksena, dapat sumigaw ako do’n sa ano, hindi ko maisigaw kasi hanggang doon lang ’yong boses ko, e."

Pero giit niya, "Malaking dagdag ang boses. But, ang importante naman do’n ’yong emosyon, kung ano ’yong magiging reaksyon ng mukha, ng katawan, katulong lang ang boses do’n.

"Pero, mas maganda sana kung walang diperensya."

Pagbalik ni Ate Guy sa Amerika, balak na daw niyang ipa-opera ang kaniyang lalamunan sa Boston.

"Kailangan pa kasi ma-opera ulit ’yong leeg ko," banggit niya.

"Dahil medyo kita mo naman kanina, nahiya nga ako kasi ’yong boses ko halata talagang boses lalaki, masyadong malalim."

Dagdag pa niya, "A, gustong-gusto ko na talaga kumanta. Nami-miss ko ’yong pag-awit dahil ’yong pagkanta po, diyan ako nakilala ng mga tao.

"Hindi naman sa pag-aartista ako nakilala talaga, e.

"Sa pag-awit, sa pagsali ko sa Tawag ng Tanghalan noong araw, doon ako nag-umpisa at ngayon po iyon po talaga ang gusto kong maibalik.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya nga gumagawa ako ng paraan, na pagbalik ko itutuloy ko na ’yong pagpunta ko ng Boston para magkaroon ulit ng operasyon sa leeg ko.

"Baka sakali may awa ang Diyos, maibalik muli ang boses ko at magkaroon ulit ng concert pagbalik ko ulit dito [sa Pilipinas]."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN