Alden Richards hopes to win an acting award; says working with Marian Rivera is a privilege

"Acting awards po sana manalo, kahit Best Male Newcomer lang. Kasi, sa isang aktor, ang mabigyan ka ng award ng isang award-giving body, like PMPC [Philippine Movie Press Club ], isang karangalan po yun, e, kahit anong award pa ’yan," says Alden Richards.


Sunud-sunod ang mga proyektong binibigay ng Kapuso network sa young actor na si Alden Richards.

Nagsimula ito nang makita ang kanyang potensiyal sa defunct afternoon soap na Alakdana, kung saan niya nakatambal si Louise delos Reyes.

Matapos kasi ng naturang palabas, naging parte naman si Alden ng pelikulang Tween Academy: Class of 2012.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang entertainment press si Alden sa Candy Fair noong Sabado, Setyembre 24, sa Megatent Events Venue, Pasig City.

Dito’y nabanggit ni Alden ang ilan sa kanyang upcoming projects.

"After Tween Academy po yung The Road namin. Tapos na po kami mag-shooting, sa November na po ipapalabas," banggit niya tungkol sa horror movie ng GMA Films.

Dagdag ni Alden, "Tapos, yung Panday 2 po with Senator Bong Revilla and Marian Rivera on December 25th naman po, for the Metro Manila Film Festival.

"Tapos, may upcoming soap opera po kami with Dingdong Dantes and Rhian Ramos, kasama ko po si Louise dito."

WORKING WITH MARIAN RIVERA. Gaya ng nabanggit ni Alden, kasama sa cast ng Panday 2 ang Primetime Queen ng GMA-7 na si Marian Rivera.

Kaya naman para kay Alden, dream come true na makatrabaho niya si Marian dahil isa ito sa mga aktres na pinapangarap niyang makatrabaho.

"Ang laki pong privilege!" tuwang-tuwang sabi ni Alden.

"Patikim na ’yan. Sana sa mga soap opera naman makatrabaho ko din si Marian."

Sa maikling panahon na nakasama niya sa shooting si Marian, sinabi ni Alden na mabait ang aktres sa mga katrabaho nito.

"Pag nasa tent po kami niyan, binibigyan niya po ako ng pagkain.

"Sobrang bait po, tsaka totoong tao lang po si Marian kaya po siguro nami-misinterpret siya.

"Pero, para po sa akin, wala po akong masasabi sa ugali [niya]," saad niya.

Pero bukod daw sa nakatrabaho niya si Marian, masaya rin daw si Alden dahil nakatrabaho niya si Phillip Salvador, na nagsilbing acting coach niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang naging pinaka-acting coach ko sa Panday 2 si Kuya Ipe, si Tito Phillip Salvador.

"Talagang, ewan ko po kung bakit, pero yung effort po niya na bigyan ako ng pointers habang nasa eksena, talagang thankful po ako.

"Naging okey yung eksena ko sa Panday 2 dahil sa coaching ni Kuya Ipe tsaka ni Direk Mac [Alejandre]."

CAREER PLANS. Samantala, sinabi ni Alden na ang kanyang kinikita sa showbiz ay inilalaan pa rin niya para sa kanyang pamilya at planong mag-aral muli.

Aniya, "Gusto ko po talaga, ang priority ko po ngayon yung family ko.

"Then, mag-ipon lang po nang mag-ipon kasi for sure naman po itong showbiz, hindi naman po forever sikat ka, e.

"So, as much as possible po, lahat ng kinikita kong pera, iniipon ko po and put it on an investment for the future, for the future po ng family."

At kung pangarap naman sa kanyang career ang pag-uusapan, asam ni Alden na, "Acting awards po sana manalo, kahit Best Male Newcomer lang.

"Kasi sa isang aktor, ang mabigyan ka ng award ng isang award-giving body like PMPC [Philippine Movie Press Club], isang karangalan po yun, e, kahit anong award pa ’yan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN