Matet de Leon has a change of heart about mom’s "special friend" John Rendez: "Kung ginagamit lang niya talaga si Mama, sana nawala na rin siya noong walang-wala na si Mama."

Matet de Leon: "Happy ako kasi nga, matagal ko nang gustong maging regular sa isang drama series. Dito nga sa Ikaw Lang Ang Mamahalin, ako ang gaganap na ina-inahan ni Barbie Forteza."


"Okey na po kami ni Kuya John. Wala na kaming problema sa isa’t isa."

Ito ang naging pahayag ni Matet de Leon tungkol sa pagbabati nila ni John Rendez, ang lalaking naiuugnay sa inang si Nora Aunor.

Naikuwento ng dating child star na matagal na raw nawala ang sama ng loob niya kay John simula noong naintindihan na niya ang relasyon nito sa kanyang ina.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Matet sa set ng bagong afternoon drama series ng GMA-7 na Ikaw Lang Ang Mamahalin noong September 24 sa Multinational Village, Parañaque City.

Ang tungkol sa pagbabalik ni John sa bansa ang unang naitanong sa kanya.

Matatandaang hindi raw gusto ni Matet itong si John, na siyang sinasabing sanhi ng kanyang pagrerebelde noon.

Inamin ni Matet na dala ng kanyang kabataan, kung anu-ano raw ang naiisip niyang hindi maganda tungkol kay John noon. Pakiramdam daw kasi niya, ginagamit lang ni John ang kanyang ina.

"Kamalditahan ko kasi noong mga panahon na iyon. Hindi ako kinakaya ni Mama," sabay tawa ni Matet.

"Hindi n’yo naman ako masisisi kasi nga nagtataka lang ako before na bakit ba parating nasa bahay namin si Kuya John? Ano ba ang ginagawa niya sa bahay namin? ’Tapos parati pa silang magkasama ni Mama. Feeling ko, nawawalan na ng time si Mama sa amin dahil sa kanya.

"Kaya naiinis ako kay Kuya John kasi nga parang inaagaw niya si Mama sa aming magkakapatid. Doon na ako parang nagrebelde na. Sarado ang utak ko noon. Basta ang nasa isip ko, ginagamit ni Kuya John si Mama."

Pero naiba nga ang pagtingin ni Matet kay John noong hindi ito nawala sa tabi ng kanyang ina noong mga panahon na walang-wala na ito.

"Doon ko lang naman na realize na genuine ang pagmamahal ni Kuya John kay Mama. Nakita ko kung paano niya sinuportahan si Mama noong walang-wala na ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Lahat ng mga kaibigan ni Mama, nawala na silang lahat. Yun mga parating nasa bahay namin noon ay hindi na namin nakikita. Parang nilayuan na nila si Mama.

"Pero si Kuya John, hindi siya nawala sa tabi ni Mama. Kaya doon ko nakita yung tunay na pagmamahal ni Kuya John kay Mama bilang kaibigan."

Dahil dito, nag-iba ang pagtingin niya sa lalaking halos 20 taon nang kaibigan ng Superstar.

"Nawala na nga lahat, e, pero nandiyan pa siya. Kung ginagamit lang niya talaga si Mama, sana nawala na rin siya noong walang-wala na si Mama. Pero all through that, nandiyan pa rin siya at na-appreciate ko ang ginawa niyang iyon.

"Unti-unting nawala ang masamang impression ko kay Kuya John. Unti-unti na rin kaming nagkaayos at bago naman sila pumunta sa States noon, okay na kami. Nagkabati na kami at alam ko na parating nandiyan si Kuya John para suportahan si Mama kahit ano pa ang mangyari," ngiti pa ni Matet.

Noong dumating nga sa bansa si John at nagkita sila ni Matet, nagka-kuwentuhan nga raw silang dalawa, patunay na nawala na yung pader na noon ay nakapagitan sa dalawa.

Aniya, "Ngayon ko lang nalaman na nakakatawa pala si Kuya John. Noon kasi, dedma ako sa kanya. Kahit nagpapatawa siya, hindi ako natatawa. Ngayon ko lang na-appreciate ang sense of humor niya. Noong magkuwentuhan nga kami, tawa kami nang tawa. Patunay lang na okay na kami at super friends na kami ni Kuya John."

Ganun din ba ang nangyari sa iba niyang kapatid?

"Ang alam ko si Kuya Ian [de Leon], nag-uusap na sila ni Kuya John. Gano’n din sila Kiko at Kenneth, okay na sila kay Kuya John. Hindi ko lang alam kay Ate Balot [Lotlot de Leon]. Kasi hindi pa yata sila nagkikita at nagkakausap.

"Masyadong busy kasi si Ate Balot. Sunud-sunod ang work niya at kapag nagkakasama kaming lahat, minsan siya ang wala kasi nga nasa taping siya. Pero sila naman ni Mama, okay sila at ilang beses naman na kaming lumalabas at kasama ang mga anak namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siguro si Ate Balot na lang ang tanungin n’yo tungkol kay Kuya John. Kung ano ang maging sagot niya, yun na siguro iyon."

Anyway, natutuwa nga si Matet at nakagawa na rin siya ng drama series sa Kapuso Network.

First time daw siyang maging regular cast ng isang drama series sa GMA-7. Before daw ay puro guesting lang siya. Kaya noong sabihan siya na magiging part siya ng cast ng Ikaw Lang Ang Mamahalin, natuwa raw siya.

"Sino naman ang hindi matutuwa, e, trabaho ito, ’di ba?" ang sabi ni Matet. "Malinaw na raket ito at mahal ang mga bilihin, ’di ba? May pamilya na rin ako kaya dagdag kita ito sa aming lahat.

Sa seryeng ito, si Barbie Forteza ang gaganap na female lead. Nakikita ba ni Matet ang sarili niya sa child star noong kaedad niya ito?

"Naku, hindi ako sweet tulad ni Barbie noon, e. Maldita nga ako, ’di ba?" ang hirit niya sabay tawa.

"Noong kaedad ko si Barbie, ’yan na ang rebel stage ko. Marami akong inaaway noon. Sobrang pasaway ako at hindi nga ako kinakaya ng pamilya ko.

"Natsismis pa nga akong lasengga, ’di ba? Na nakikipag-inuman daw ako sa mga karpintero sa tapat ng bahay namin. Kakalokah ang mga tsismis sa akin noon!

"Natatawa na lang ako kapag binabalikan ko ang kalokahan ko noon. Well, tapos na iyon at matured na ako. Dala nga ng kabataan ko iyon.

"For sure, walang ganyang tsismis si Barbie. Napaka-sweet ng bata at napakagalang. Parating nandiyan ang parents niya at binabantayan siya. Okay lang na ako ang gumanap na ina-inahan niya dahil pareho kaming maganda, ’di ba?" pagtatapos pa ni Matet de Leon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN