Direk Mario O’Hara updates public on Nora Aunor’s health after she is hospitalized because of bronchitis

Superstar Nora Aunor was rushed to the hospital last Tuesday, October 4. She was diagnosed as suffering from bronchitis. According to her Sa Ngalan Ng Ina director, Mario O’Hara, the actress is now okay and will check out of the hospital very soon.


Naospital ang Superstar na si Nora Aunor noong Martes, October 4.

Ito ay sanhi ng matinding ubo, na resulta nang labis na pagod at puyat sa magkakasunod na taping at pagdalo sa showbiz-related functions, nitong nakaraang linggo.

Kaugnay ang mga kaganapang ito sa bagong miniseryeng pinagbibidahan ni Nora sa TV5, ang Sa Ngalan Ng Ina.

Nagsimula ang airing ng Sa Ngalan Ng Ina noong Lunes, Oktubre 3.

Nang araw na iyon , buong araw pa ring nag-taping si Ate Guy kahit hindi na mabuti ang kanyang pakiramdam.

Sa taping site na rin siya nanood ng pilot telecast, kasama ang kanyang direktor na si Mari O’ Hara at buong staff ng programa.

Pero matapos ang telecast, bandang ika-10:30 ng gabi, ay kailangan na niyang magpaalam para makapagpahinga.

Iyon ang pinakamaagang uwi ni Nora mula sa kanyang taping.

Mula noong August 22, kung kelan nagsimula ang taping ng Sa Ngalan Ng Ina, laging inaabot ng madaling-araw sa pagti-taping ang aktres. At hindi raw ito nariringgan ng anumang reklamo.

Hanggang noong Martes, na kailangan na raw siyang isugod sa ospital dahil nahihirapan na itong huminga.

Sa Cardinal Santos Hospital sa San Juan City na-confine ang Superstar. Isang nagngangalang Dr. Mangahas ang kanyang attending physician.

Inalam agad ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Boy Palma, personal manager at schedule master, ang kalagayan ni Ate Guy.

Pero hindi pa muna maipabatid ni Palma ang karamdaman ni Nora.

Mahigpit din umanong ipinagbawal ng doktor ang pagbisita sa pasyente.

May mga nakaalam naman agad sa nangyari, dahil sa hindi nadaluhang presscon ni Matet de Leon para sa GMA-7 afternoon soap na Ikaw Lang Ang Mamahalin, noon ding Martes ng gabi.

Agad daw sumugod si Matet sa ospital para samahan ang kanyang mommy.

Nakarating sa PEP ang ulat na diumano’y "bronchitis" ang sakit na dahilan ng pagkaka-ospital ni Ate Guy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Buong gabi ng October 4, ayon kay Boy, nagbantay sa hospital suite ni Ate Guy ang kanyang mga anak.

Bukod kay Matet, naroon sina Lotlot, Kenneth, at Ian de Leon.

Noong October 4 din ang kaarawan ni Matet, kaya magkakasama silang pamilya sa hospital room ni Ate Guy.

DIREK MARIO’S UPDATE. "Okay na siya. Puwede na siya [mag-taping] next week."

Ito naman ang unang nasambit ni Mario O’Hara, direktor ng Sa Ngalan Ng Ina, tungkol kay Nora, kaninang umaga, dakong ika-11:30 a.m.

Kinumusta ng PEP ang kalagayan ni Ate Guy kay Direk Mario sa telepono.

"Bronchitis, na may hika," sabi niya sa naging karamdaman ni Ate Guy.

Pero dagdag niya, "Pero okay na siya ngayon..."

Kahapon ng hapon, October 5, dumalaw si Direk Mario kay Nora.

Ayon sa beteranong direktor, may dalawang araw na taping pang kailangang tapusin si Nora para sa kanyang mga eksena sa miniserye.

"She looks healthy naman. Tayo na nga nang tayo, e," masaya niyang pagbabalita.

Hindi sigurado ang direktor ni Nora kung ngayong araw, October 6, ang naitakdang paglabas ng ospital ni Nora.

"Ang alam ko, itutuloy na ang executive check-up niya dahil kailangan talaga ’yon," sabi niya.

Isang linggong pahinga sa anumang showbiz commitment ang bilin ng doktor ni Ate Guy sa nasabing ospital.

"Okay ’yon, para mas makapagpahinga talaga siya," sabi rin ng direktor.

Talaga nga bang okay na si Ate Guy, physically?

"As of yesterday, oo, okay na siya," paniniyak ni Direk Mario.

"Hindi lang natin alam ang mga susunod pang development. Pero optimistic naman tayo na mas bubuti pa [ang lagay ni Nora]."

Kaya na ba talaga ni Nora ang magtrabaho, matapos lamang ng isang linggong pahinga?

"Palagay ko naman. At kakayanin niya. Knowing her, e, fighter talaga ’yan," sagot ni Direk Mario.

Paano ang mahigpit na bilin ng doktor hinggil sa paninigarilyo, na isa sa naging sanhi ng karamdaman niya ngayon?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala na, sabi niya, ititigil na raw niya," wika ni Direk Mario.

Samantala, kampante si Direk Mario na maisasaayos ang nalalabing taping schedule ng Sa Ngalan Ng Ina.

"Tumatakbo ngayon ang Week 1 [October 3-7]. Yung susunod, Week 2 [October 10-14], sarado na rin ’yon.

"Yung Week 3 [October 17-21], may kailangan pang isarang mga eksena.

"Yung week 4 [October 24-28], mayro’n na ring mga nakunang eksena.

"At yun ang tatapusin pagbalik ni Guy, most probably by Wednesday [October 12]."

Sabi pa niya, "Dalawang taping days na lang naman si Guy, madali na ’yon.

"Mayroon pa sana siyang taping sa Taal [Batangas], pero titingnan din natin kung puwede nang dito na rin [sa Metro Manila] gawin, para hindi naman siya masyadong mahirapan sa biyahe."

NETWORK SUPPORT. Sa naging sitwasyon ni Nora ay lalong nagpatunay ng kaukulang suporta ang Kapatid network.

Ayon din kina Boy at Direk Mario, monitored ng management ang lagay-pangkalusugan ng comebacking superstar.

"Nasa presidential suite siya," banggit pa ng direktor ni Ate Guy.

Mahigpit din ang bilin na sundin ang bilin ng doktor, na hindi na kailangang mapuyat sa nalalabi niyang taping days si Nora.

"Hanggang 9 [a.m.] to 10 p.m. lang siya dapat [magte-taping]," sabi ni Direk Mario.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN