Melai Cantiveros on Emmy nomination of Impostor: "Yung Emmy Awards, pangmayaman daw yun, e. Yung sa abroad daw yun, e."

Melai Cantiveros on why she thinks Impostor got nominated in Emmy Awards: "Siguro, dahil sa yung mukha ni Maja [Salvador] at yung mukha ko, pinagdikit sa salamin. And then, yung attitude ko, ginaya ni Maja. Tsaka ang galing-galing ni Maja dun."


Nominated sa Telenovela category ng International Emmy Awards 2011 ang Impostor—ang dating soap ng ABS-CBN na pinagbidahan ni Melai Cantiveros, along with Maja Salvador, Sam Milby, at ng boyfriend niyang si Jason Francisco.

Noong nakaraang Martes, Oktubre 5, sa studio ng Happy Yipee Yehey! ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Melai para kunin ang kanyang reaksiyon tungkol sa magandang balitang ito.

"Sobrang happy ako!" bulalas niya.

"Sobrang saya namin ni Jason dahil na-nominate yung Impostor sa Emmy Awards.

"Yung Emmy Awards, pangmayaman daw yun, e. Yung sa abroad daw yun, e.

"I can’t believe it! Sana manalo naman.

"Pero, in fairness, pag na-nominate pa lang, ’di na basta-basta, di ba?"

LEVEL UP. Ibig bang sabihin nito, pangmayaman at pang-international na sila ni Jason?

"Uy, hindi naman! Kasi sina Maja Salvador at Sam Milby ang bida dun.

"Pang back-up singer [second lead] lang kami dun. Sina Maja na lang tanungin n’yo diyan.

"Sila yung pang-international, hindi kami ni Jason," sagot ng komedyana.

Paano niya nalaman ang tungkol sa nomination ng Impostor sa Emmy Awards?

"Sinabi sa amin ng manager namin na from Ma’am Mariole [Alberto] daw.

"Kasama nga daw kami sa Emmy Awards," masayang sabi ng Star Magic talent.

Ano sa palagay niya ang naging edge ng Impostor sa ibang shows kaya sila napasama sa nominees ng Emmy Awards?

"Siguro, dahil sa yung mukha ni Maja at yung mukha ko, pinagdikit sa salamin," biro niya.

"And then, yung attitude [kilos] ko, ginaya ni Maja. Tsaka ang galing-galing ni Maja dun."

Malaking factor din ba sa tingin niya na kasama sila ni Jason sa Impostor para mapansin sila ng Emmy Awards?

"Siguro, dahil ako yung ginaya ni Maja kaya malaking factor.

"Pero, hindi naman siguro ganun kalaking factor. Siguro mga 20 percent lang."

Malaking karangalan ang kanilang pagkaka-nominate. Biro namin sa kanya, dapat may celebration ang cast at staff ng Impostor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala! Wala pa namang tine-text sa amin na mag-celebrate. Siguro, dahil wala pa silang budget," sagot niyang hindi namin mawari kung seryoso o biro lang niya.

UPCOMING PROJECTS? Anu-ano naman ang kanyang mga pinagkakaabalahan ngayon?

"Yung I Dare You [reality show], patapos na. Pero mero’n kaming Season 2.

"Yung Season 2 yung pinakamatindi talaga namin.

"Ngayon, pahinga muna kami. Balik na ako sa Happy Yipee Yehey! at Banana Split."

Bakit nga ba nawala siya sa noontime show ng ABS-CBN?

"Kasi, kailangan ko munang mag-focus sa I Dare You.

"Pero, patapos na rin kami. Last taping namin bukas [October 6]," banggit niya.

Mukhang wala na siyang pahinga dahil sa sunud-sunod niyang proyekto?

"I’m super happy naman talaga. Ang pahinga ko, Sunday na lang.

"’Tapos tulog, nagba-vitamins naman din ako para ’di magkasakit.

"Alam ko namang hindi rin ito [showbiz career] forever and ever.

"Kaya dun na lang ako mag-iisip ng pahinga, pag nawalan na ako ng mga shows.

"Ngayon, hangga’t may show, go lang ako nang go!"

Paano sila nagba-bonding at nagre-relax ni Jason?

"Kami ni Jason, nagpapamasahe kami. Nagmu-mall, nagta-Time Zone, ganun."

Parang hindi na ba sila nag-aaway ng kanyang boyfriend?

"Hindi na. Kasi ngayon ay nag-mature na kami ni Jason.

"Nakatulong yung madalas naming hindi pagkikita every day.

"Dahil may ibang show siya at may ibang tapings ako.

"Kasi dati, lagi kami magkasama, kaya madalas ang away-bati namin.

"Ngayon, madalang na lang kami magkita, kaya nami-miss namin ang isa’t isa," saad ni Melai.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN