UPDATED Joey de Leon gets emotional as Eat Bulaga! launches book chronicling its first 30 years

Joey de Leon on Eat Bulaga! beating around 25 noontime shows over the past 32 years: "E, yun ang importante diyan, e—yung patagalan. Nando’n ang labanan niyan, sa patagalan. Kaya ngayon lalo naming hindi inaano dahil ang tagal na namin, nag-ugat na kami. So, mahirap na."


Hindi napigilang "bumigay" ni Joey de Leon sa launching ng coffee table book na Eat Bulaga! Ang Unang Tatlong Dekada, noong Huwebes, October 6, sa Whitespace, Chino Roces Ave. Extension, Makati City.

Bago magsimula ang speech at toast ni TAPE big boss Tony Tuviera ay panay pa ang biro ni Joey sa harapan ng stage.

Panay pa ang banggit niya sa founder ng Apple na si Steve Jobs, na pumanaw noong umagang ’yon.

Biro niya, bago raw nalagutan ng hininga si Steve Jobs, ito raw ang naging huling salita nito: "Magpapahinga na ako. Ang tarantadong Tito, Vic, at Joey, ayaw pa!"

Sundot pa ni Joey, "Mabuhay ka, Steve Jobs. Good job!"

Pero habang binabasa na ni Mr. Tuviera ang kanyang mensahe, kung saan binanggit nito ang dahilan ng pagiging matatag ng Eat Bulaga! sa loob ng mahigit tatlumpung taon, hindi na napigilan ni Joey ang mapaiyak habang niyayakap ang kanyang mga kasamahan.

Buwelta sa kanya tuloy ni Vic, "Pa-Steve Jobs, Steve Jobs ka pa, tapos iiyak ka lang pala!"

Pero maging sina Vic at Tito ay halatang nangingilid na rin ang mga luha. Yun nga lang, naudlot dahil nga sa pagpapatawa ni Vic.

Pagkatapos ng seremonyas ay nilapitan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Joey upang tanungin kung bakit ganoon na lamang siya kaemosyunal.

"Siyempre, ang saya mo, e. Wala, lagi naman kaming ganyan, e," sabi niya.

Siya ba yung iyakin sa kanilang tatlo nina Tito at Vic Sotto?

"Actually, lahat naman kami, e. Kaya lang, ako yung...mahirap pigilan, e. Nilalabas mo talaga, e.

"Lalabas ’yan tuwing may affairs, every five years...Wala, ganun talaga, e.

"Tsaka kahit sino naman, e."

COFFEE TABLE BOOK. Aminado si Joey na siya ang "pinaka-excited" sa launching ng Ang Unang Tatlong Dekada—ang librong sinulat ni Butch Francisco—na bahagi ng selebrasyon ng ika-32 anibersaryo ng longest-running show sa Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa veteran TV host-comedian, "Siyempre, ayoko mang sabihin, siguro ako na ang pinaka-excited dahil ako ang nagbigay nung title, e, di ba?"

Ang tinutukoy ni Joey ay ang mismong titulo ng kanilang programa—Eat Bulaga!.

Dagdag pa niya, "Parang naiiyak-iyak ka na, e. Kaya nakakatuwa.

"Pag nakikita ko nga yung mga litrato...hindi mo akalaing ganun."

Biro pa niya sa press, "Well, sana magkausap tayo ulit sa second book namin, yung ’Ang Pangalawang Tatlong Dekada!’

"May mga litrato na ng mga biyahe ’yon, kasama na yung mga taga-press..."

Nabanggit ni Joey na ilan sa mga litratong nakasama sa libro ay kuha niya.

"May mga ibinigay ako."

JAKO DE LEON. Ayon nga sa magandang misis niyang si Eileen Macapagal, na nakausap nang matagalan sa book launch ng editor ng PEP.ph na si Jo-Ann Maglipon, marami-rami rin sa mga litrato ang galing mismo kay Joey.

Ito ay dahil na rin sa chronicler daw talaga ang mister niyang komedyante at host.

Mahilig daw itong mag-scrapbook, mag-frame, mag-label, at magtago ng anumang bagay na pinagdaraanan niya, ng kanyang pamilya, ng mga biyahe nila, pati na ang mga pinagdaanan ng kanyang programa at pelikula sa maraming taon.

Ma-sentimiyento talaga si Joey, pag-admit ni Eileen, na minsa’y naging female co-host din sa Eat Bulaga!

Tumatatak daw kay Joey ang mga bagay-bagay.

Kaya nga raw mabilis itong mag-react—natutuwa, naiinis, naiiyak, nagagalit, napapayakap, napapasulat.

"Pero yong galit, agad namang nawawala," dagdag ni Eileen.

"Passionate" naman ang salitang ginamit para kay Joey ng ilan pang kasamahan sa Eat Bulaga! na nakausap ni Jo-Ann.

Napag-usapan din na ang anak nina Eileen at Joey, si Jako de Leon, ang siyang naging photo editor ng libro. Kasama ito sa mga responsibilidad ni Jako bilang tagapamahala ng kabuuan ng design concept ng coffee table book.

Dalawang taon din ang inabot ng masinsinang pagbuo ng libro, at sa malaking bahagi ng panahong iyon, sabi ni Eileen na natatawa, halos hindi na nagamit na tirahan ang condo ng anak. Sa bahay nila uli umuwi si Jako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito raw ay sa dahilang inilatag ni Jako sa kung saan-saang parte ng condo niya—mesa, aparador, dingding, sahig, kama—ang mga daan-daang litratong pagpipilian niya.

At marami nga sa mga ito ay sa sariling koleksyon ng ama nanggaling.

Sabi naman ni Joey sa PEP.ph: "I’m proud of my son, si Jako, dahil part siya nung nag-conceptualize nitong libro na ’to, e."

THOSE WHO WERE PART OF BULAGA. Ayon kay Joey, may inilaan din silang chapters para sa dalawang naging kasamahan nila sa Eat Bulaga! na pumanaw na—sina Rio Diaz at Francis Magalona.

Si Rio—kapatid ni Gloria Diaz at asawa ni Charlie Cojuangco, anak ng bilyonaryong si Danding Cojuangco—ay naging co-host ng programa noong 1991 hanggang sa kalagitnaan ng dekada.

Sumakabilang buhay si Rio dahil sa colon cancer noong October 4, 2004—bago ang silver anniversary ng Eat Bulaga!.

Si Francis M. naman ay naging bahagi ng programa noong unang bahagi ng 2000. Pumanaw ang rapper, singer, entrepreneur, at artista noong March 6, 2009, dahil sa leukemia.

Sabi ni Joey, "Minention namin mga games, lahat ng mga dumaan...naging mga co-hosts, mga babae’t lalake.

"Nakalimutan ko na nga yung iba, e. Pati sila Derek Ramsay...oo, nag-host sa Bulaga! ’yan.

"Si Toni Gonzaga...lahat!

"Pati mga contestants, andami...sina Rosanna Roces, si Arnold Clavio..."

Sambit pa ni Joey, "Wala, e, hindi coffee table book sa akin ’to, e. Ito’y ano, e, book for all dinners...parang Vilma [Santos], a!

"Excited ako dito. Proud na proud ako dito!"

32 YEARS AND COUNTING. Nagsimula ang Eat Bulaga! noong July 30, 1979, sa RPN-9.

At ngayon nga, pagkatapos nilang magpalipat-lipat sa tatlong TV networks (RPN-9, ABS-CBN, at GMA- 7), ay nasa 32 taon na ang kanilang programa.

Naisip ba ni Joey na tatagal ang Eat Bulaga! ng mahigit tatlumpung taon?

"Hindi namin inisip," sagot niya.

"Siguro yun ang kabutihan ng hindi n’yo iniisip, tumagal. Basta laro lang nang laro.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Si Vic nga noong araw, e, sabi niya, ’Pare, tanggapin natin ’to, makabili lang ako ng kotse.’

"Oo, kotse lang!"

Sa loob ng mahigit na 30 taon na umeere ang Eat Bulaga!, ano ang Top 3 memorable moments o milestones ng kanilang programa para kay Joey?

"Well, nabanggit mo na rin lang yung Top 3, di yung top three networks na pinuntahan namin, yung bawat lipat na ’yon—9, 2, and 7!

"Pangit namang sabihin ko na ’We’re looking forward to seeing you on Channel 4, Channel 5, and the rest of the numbers!’" natatawang sabi ni Joey.

Tanong ng PEP.ph, may posibilidad nga bang maikot nila lahat ng giant networks sa Pilipinas?

Natawang muli si Joey at sinabing, "You know, ang possibility, maikot na lang namin ang mundo tulad ng Paris tsaka London!

"Pero mahirap ’yon, ha! Pambihira ka, uugod-ugod na kami no’n!"

Ilang presidente na ba ang pinagdaanan ng Eat Bulaga!?

"Sabi nga ni Tito, anim. Seven kung i-include mo si FPJ!" sagot niya.

Ang tinutukoy ni Joey ay ang paniwala ng marami, lalo na ngayong naglalabasan ang mga testimonies ng witnesses, na ang talagang nanalo noong 2004 presidential elections ay si Fernando Poe, Jr.

Hindi si Gloria Macapagal-Arroyo.

Hindi ba nila naisip maging co-producer ng Eat Bulaga! sa tagal na nila rito?

"Hindi, e. Barkada lang talaga ito, e.

"Ang Bulaga, naging extension na lang ng kusina at living room, pati bedroom."

Dito na rin sila nakapag-asawa, nagka-anak, at nagka-apo.

"Marami kaming nalaman na gusto ng mga tao... Wala, nagre-relax na lang kami.

NO COMPETITION FROM OTHERS. Sa bilang ni Joey, nasa "25, more or less" na ang nakatapat na programa ng Eat Bulaga!.

Sa lahat ng mga programang ito, may isa man lang ba na masasabi niyang nakalapit o nakadikit sa kanila?

"Meron, marami...Lunch Date, Wowowee—’yan ang mga pinakadikit," sagot na prangka ni Joey.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang Lunch Date ang noontime show ng GMA-7 noong nasa ABS-CBN pa ang Eat Bulaga!.

Ilan sa mga naging hosts ng Lunch Date ay sina Randy Santiago, Tina Revilla, Toni Rose Gayda, Ai-Ai delas Alas, at Willie Revillame. Tumagal ito sa ere mula 1986 hanggang 1993.

Ngunit umiikot talaga ang mundo. Nang lumaon, naging host ng Eat Bulaga! si Toni Rose Gayda.

Ang Wowowee naman ang noontime show ni Willie Revillame sa ABS-CBN na tumagal sa ere mula 2005 hanggang 2010.

Mataas ang ratings nito, ngunit nakansela ito dahil na rin sa mga kontrobersiyang kinasangkutan ni Willie.

Sabi pa ni Joey, "Kasi, pareho ang kini-cater mo, e—mga masa talaga. Yung mga ’yon.

"Yung iba, e, malayo masyado. May malapit."

Ngayon ba ay kinakabahan pa sila kapag may bagong noontime show na tumatapat sa kanila?

"Wala...Kasi nga, sabi namin ano na, e, hindi ka basta iiwanan nung nagkaanak na, nagkaapo na sa show mo, e.

"Sisilip ka lang sa kapitbahay...hindi ko na tinatawag na competition—kapitbahay. Tapos, babalik din sa iyo ’yon."

Pero bakit sa palagay niya ay hindi makuha o makopya ng ibang shows ang formula ng Eat Bulaga!?

"E, yun ang importante diyan, e—yung patagalan. Nando’n ang labanan niyan, sa patagalan.

"Kaya ngayon, lalo naming hindi inaano, dahil ang tagal na namin, nag-ugat na kami. So, mahirap na."

Hindi na nila minu-monitor ang katapat na programa?

"Hindi na, hindi na... hindi na namin mina-mind ngayon.

"Thirty-three years, hindi mo na papansinin ’yon. Tuluy-tuloy na lang.

"Enjoy na lang.

"Sana ganun din sila, yung nag-e-enjoy kami, naglalaro lang.

"Kasi alam ko, they work harder. Kami, ini-enjoy na lang namin," sabi ni Joey.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN