Paolo Ballesteros on being typecast in gay roles: "Okay lang, kasi maganda naman ako!"

"Ang dami nang dumating, ang dami nang nawala, pero ayun, awa ng Diyos, nandito pa rin. Isipin mo, ten years... Actually, yung years ko sa showbiz, sa TV... dito ako nag-start," says Paolo Ballesteros on being part of Eat Bulaga!.


Na-late ng dating si Paolo Ballesteros sa launch ng coffee table book ng Eat Bulaga!, Ang Unang Tatlong Dekada, noong Huwebes ng gabi, October 6, sa Whitespace Chino Roces Avenue Extension, Makati City.

"Hindi natuyo yung gown ko. Hinintay kong matuyo!" biro ni Paolo nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung ano ang dahilan ng kanyang pagiging late.

Pero ang totoo raw, "Hindi, kasi coding kasi ako. So, umaalis ako ng bahay mga before 7 [p.m.]. Medyo na-traffic lang."

Hindi na nga naabutan ni Paolo ang programa kung saan nagbalik-tanaw ang mga dati at bagong hosts ng Eat Bulaga! sa unang tatlong dekada ng longest-running show sa bansa.

Sa kaso ni Paolo, nagsimula raw siya sa Eat Bulaga! ten years ago. Twenty-one years old lang daw siya noon.

Kuwento niya, "Nag-start ako no’n as host ng isang competition na ginagawa nila outside studio, remote.

"Ayun, twice-twice lang ’yon before, tapos nung natapos yung contest, nawala.

"Tapos nung binalik ulit yung contest, ayun, kinuha nila ulit ako. Hanggang sa...

"Ang ending ko, remote pa rin ako hanggang ngayon!"

Ang tinutukoy ni Paolo ay ang popular segment ng Eat Bulaga! na "All For Juan, Juan For All." Dito ay binibisita nina Jose Manalo at Wally Bayola ang ilang mga barangay sa Pilipinas upang magpamudmod ng kaligayahan at papremyo.

Ano ang pakiramdam na bahagi siya ng longest-running at highest-rating show sa Pilipinas, na ngayon ay nasa ika-33 taon na?

"Ay, siyempre masaya. Alam mo yun?

"Ayan o, pag nakikita ko yung mga pictures namin, ano, masaya.

"Saka ang dami nang dumating, ang dami nang nawala, pero ayun, awa ng Diyos, nandito pa rin.

"Isipin mo, ten years... Actually, yung years ko sa showbiz, sa TV... dito ako nag-start," saad niya.

Ano ang pinakamalaking bagay na nagawa sa kanya ng Eat Bulaga!?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre ano, araw-araw na trabaho ’yan, e. Kumbaga, hindi kami nabakante ng trabaho for ten years.

"Araw-araw kang nakikita sa TV. Ayun, nakapagpatayo ako ng bahay...

"Saka yung mga kasama mo na nabuo, yung friendship na nabuo sa ten years.

"Isipin mo, ten years kaming kumakain ng lunch magkakasama, gano’n."

BEAUTY QUEEN. Bukod sa paghu-host ng Eat Bulaga!, nakilala rin si Paolo dahil sa kanyang pagdadamit-babae tuwing may "beauty contest" sa show.

Una sa Miss Bebot, at nito lang nakaraan ay sa Miss EB Universe 2011, kung saan ginawan nila ng spoof ang Miss Universe 2011.

Si Paolo ang kumatawan kay Miss Philippines bilang si "Shamcey Tsup Tsup."

Marami ang natuwa kay Paolo, hindi lamang sa kanyang "ganda" kundi pati na rin ang kanyang kopyang-kopyang "tsunami walk" ni Shamcey Supsup.

"Alam mo naman tayong mga Pinoy, basta pageant, talagang parang big deal sa atin talaga, e.

"So, ayun, e, nagkataon namang naaliw sila sa pagsa-Shamcey ko.

"May nagge-guest na nga sa akin as Shamcey, e, hindi as Paolo!" tawa pa ni Paolo.

Ang nakatutuwa pa, hindi lamang sa Eat Bulaga! ngayon nagsusuot ng damit-pambabae si Paolo kundi maging sa mga teleserye ng GMA-7, kunsaan gumaganap siya bilang bading.

Una sa Zaido, na sinundan ng I ♥ You Pare, at ngayon sa afternoon soap na Kung Aaagawin Mo Ang Langit.

Ano ang masasabi ni Paolo na "in demand" siya sa mga ganitong klaseng roles?

"Okay naman kasi bihira yung artista na pwedeng magbakla, pwedeng mag-lalake.

"So, sa akin, okay lang kasi at least wala ako masyadong ano... Pag gusto nila ng bakla, ’A, puwede si Paolo diyan.’"

Okay lang bang ma-typecast siya sa gay roles?

"Okay lang, kasi maganda naman ako!" bulalas ni Paolo.

"Tsaka okay lang ’yon kasi kahit puro bakla, basta maraming shows.

"Ang mga show, hindi nawawalan ng bakla!"

Hanggang kailan siya magtatagal sa Eat Bulaga!?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hangga’t may bata, may Eat Bulaga!. Ako, hangga’t may bakla!" tawa ni Paolo.

CUSTODY FIGHT. Nadako naman ang usapan namin sa custody fight sa anak ni Paolo sa dating girlfriend niya na si Kaye Nevada.

May panahon kasing ayaw ipakita o ipahiram ang kanilang anak ng lola nito at ina ni Kaye.

Dahil dito kaya lumapit sina Paolo at Kaye sa korte upang mabawi ang kanilang anak.

Sa ngayon ay nahihiram na ni Paolo ang kanyang anak mula sa lola nito.

"Fifteen days sa akin, 15 days sa lola," banggit niya.

"Actually, kakagaling ko lang ng Baguio kahapon. Kahapon sinundo ko siya. Nasa bahay siya ngayon."

Si Kaye naman daw ay bumalik na sa Chicago kunsaan ito nagtatrabaho.

Nagkaayos na ba sila ng lola ng kanyang anak?

"Okay lang. Bati naman kami nun, e," sabi niya.

Pero ano ang dahilan ng lola kung bakit ayaw ipakita o ipahiram sa kanila noong una yung bata?

"Ay, yun ang hindi ko alam. ’Yan din ang tinatanong ko. Kayo po, baka lam n’yo!" biro niya sa amin.

Hindi man lang ba ipinaliwanag sa kanila kung bakit niya ito nagawa?

"Siguro baka napamahal na rin sa kanya talaga... Ewan ko. Yun din ang tinatanong namin," sabi ni Paolo.

Pero wala naman daw hostility o sumbatan na nangyari sa pagitan nila ng lola ng kanyang anak.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN