Biggest Loser winner Larry Martin wants to resume police service as a health and fitness advocate

Larry Martin, a former senior police officer, expresses his desire to help other policemen concerning health and fitness.


Gustong bumalik sa serbisyo ng pagkapulis ang kauna-unahang The Biggest Loser Pinoy Edition grand winner na si Larry Martin.

Ito ang ipinahayag ni Larry sa kanyang live interview kay Boy Abunda para sa "Ikaw Na" segment ng late-night news program ng ABS-CBN, ang Bandila, na napanood kagabi, October 10.

Bago ang live interview, naunang ibinalita sa Bandila ang tungkol sa pagbisita ni Larry sa Camp Crame.

Personal siyang nakipagkita kay Philippine National Police Chief Director General Nicanor Bartolome para iparating ang kanyang pagnanais na ituloy ang kanyang serbisyo sa PNP.

Dating police officer (PO1) sa Bicol ang ngayo’y 36-anyos na si Larry. Ang pinakahuling assignment niya ay sa drug enforcement unit ng Pasig police.

Noong March 2000, umalis siya sa serbisyo dahil sa matinding katabaan.

Nagtangkang bumalik sa serbisyo si Larry noong Hulyo 2002. Pero dahil malaki pa rin ang katawan, nabinbin ang kanyang application for reappointment.

Kaya laking pasasalamat ni Larry nang mapasama siya sa reality show ng ABS-CBN na The Biggest Loser Pinoy Edition.

Sa loob lang kasi ng apat na buwan, mula sa 255 pounds ay bumaba ang kanyang timbang sa 154 pounds.

Ang beywang niya na dating 48 inches ay 29 inches na lang ngayon.

Ang nabawas niyang 101 pounds, o katumbas ng 39.61 weight percentage ang naging batayan para hirangin si Larry bilang Pinoy Biggest Loser.

Kasama ng titulo ay napanalunan niya ang mga premyong isang milyong piso, brand new condominium unit mula sa DMCI Homes, Vespa scooter, lifetime membership sa Fitness First, 40" Sony Bravia Internet TV, at Whirlpool appliances.

Siya rin ang magiging cover ng November 2011 issue ng Men’s Health magazine.

Pinag-aaralan na ng PNP ang pagbalik ni Larry, partikular sa posibleng unit reassignment niya.

Ayon nga kay Dir. Gen. Bartolome, "Titingnan nating mabuti kung papaano matutulungan si Larry.

"Alam naman natin na yung ipinakita niya ay napakaganda para sa amin sa Philippine National Police.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yung determinasyon na ipinakita niya, para sa amin ay isang inspirasyon."

INSPIRE AND HELP. Sa interview naman ni Boy, muli ngang kinumpirma ni Larry ang kagustuhan niyang bumalik sa pagkapulis.

Pero nakarating kay Boy na ayaw na umanong balikan ni Larry ang dati niyang ginagawa. Ano ba ang gusto niyang maging assignment?

"Ayaw ko na talaga doon. Ang gusto ko po ay makatulong sa kapwa ko pulis sa health and fitness program," sabi ni Larry.

Pag sinasabing pulis, ang imaheng naiisip ng ilan ay "kotong at kurakot."

Ngayong siya ay sikat na, sa palagay niya, paano siya makatutulong para ma-improve ang image ng kapulisan?

"Siguro po, dapat po turuan sa pananamit lalo na sa aspeto ng katawan."

E, kung maganda naman ang damit mo, tapos ay nangungurakot ka pa rin?

"Disiplina po talaga ang kailangan. Yun ang unang-una."

FAITHFUL HUSBAND. Ngayong may isang milyong piso na siya, may kontrata, may career na siya at may posibilidad pang mag-artista, marami ang babaeng lalapit sa kanya at aaligid.

Paano niya mapapanatili na faithful siya sa kanyang asawa?

"Ako naman po, simula’t sapul kahit noong mataba pa ako, faithful talaga ako sa asawa ko," sagot niya.

Ngayon ba ay wala naman siyang nararamdaman na umaaligid sa kanya?

"Wala naman po."

Kapag sumisikat at yumayaman ang isang tao kadalasang sinasabi na nadadagdagan ang mga nagpapakilalang kamag-anak. Handa na ba siyang dumami ang kanyang kamag-anak?

"Hindi na po maiiwasan yun!" natatawang sabi ni Larry.

Kung ang nawala sa kanya ay 101 pounds, ano naman ang nadagdag sa kanya?

"Yung pagmamahal po sa pamilya. Yung respeto sa sarili at respeto sa ibang tao."

Sa mga taong nagnanais na magbawas ng timbang, anong maipapayo niya sa kanila?

"Yung proper exercise po at saka sa pagkain. At saka disiplina pa rin."

Sino ang pinakamahigpit niyang kalaban sa Biggest Loser?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Si Art [Mendoza] po. Kasi, siya po yung isa sa pinakamalaki po sa amin."

Ano ang konsepto niya ng macho?

"Mabait, tapos magaling makisama."

SEX LIFE. Medyo naging personal ang usapan nina Boy at Larry nang mapadako sila sa usapin ng sex. Noong siya ay mataba, apektado ba ang sex life nilang mag-asawa?

"Hindi po. Kasi, nung pumasok ako sa Biggest Loser camp, nasundan agad yung hindi pa nagwa-one year na anak ko, e," pag-amin ni Larry.

So, hindi hadlang ang pagiging mataba?

"Hindi po."

So, hindi totoo na nababawasan ang sexual urge pag mataba?

"Hindi naman po siguro kasi napatunayan ko."

Siya ba ay better father than a husband, o better husband than a father?

"Parehas po."

WHAT’S IN A WORD. Sumunod naman ay may mga salitang binanggit si Boy at sasabihin ni Larry ang unang bagay na pumasok sa isip niya.

Adobo: "Masarap."

Ginataang isda: "Masarap pa rin."

Bicol express - "Lalong masarap."

Dinuguan: "Nakaka-miss."

Paksiw na isda: "Nakaka-miss din."

Lechon - "Minsan ayaw ko po."

Pansit: "Palagi ’yan sa amin."

Fried rice: "Para sa lechon."

Pinaka-sexy na babae sa Pilipinas - "Angel Locsin."

Pinaka-sexy na lalaki: "Robin Padilla."

Kung mero’n siyang ipababago sa kanyang mukha, ano yun at bakit?

"Yung dito ko po sa leeg, " pagmuwestra niya sa lumaylay na balat dahil sa malaking nabawas na timbang.

Boxers or briefs?: "Brief."

Lights on, or lights off?: "On na lang po."

Kampupot o gumamela?: "Gumamela."

Umaga o gabi?: "Umaga."

Puti, o itim?: "Puti."

Matangkad o maliit?: "Matangkad."

Mahaba ang buhok o maikli ang buhok?: "Mahaba ang buhok."

Mestiza o morena?: "Morena."

Smart o pretty?: "Smart."

Kung ikaw ay isang awitin, ano ka?

"’Gold’ [by Spandau Ballet]."

At bilang pagtatapos ng kanilang panayam ay pinakanta ni Boy kay Larry ang ilang linya sa nasabing awitin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN