KC Concepcion flies to Paris to find herself; gives short but intriguing answers when asked about Piolo Pascual

"Sa dinami-rami ng nangyari, or nangyayari, siguro ano lang, kailangan ko lang mag-isip talaga. Kailangan ko lang ng konting time na mapag-isipan lang yung mga nangyayari and para lang mahanap ko ang sarili ko ulit," says KC Concepcion about her trip to Paris.


Muli na namang nabuhay ang usap-usapang break na raw sina KC Concepcion at Piolo Pascual.

Ilang blind items kasi ang nagsilabasan noong nakaraang linggo na diumano’y patungkol sa dalawa.

Ito ay sa kabila ng mga naging pahayag nina KC at Piolo noon na nagkausap na sila hinggil sa anumang pinagdadaanan ng kanilang relasyon.

Pero nagulat ang crew ng The Buzz team nang makita nila si KC sa Ninoy Aquino International Airport noong Miyerkules ng gabi, October 5. Lilipad pala papuntang Paris, France ang TV host-actress.

Ano ang dahilan ng kanyang pag-alis ng bansa?

"Kailangan ko lang ng oras para sa sarili ko," makahulugang sagot ng TV host-actress sa panayam sa kanya ng The Buzz.

Dagdag niya, "Sa dinami-rami ng nangyari, or nangyayari, siguro ano lang, kailangan ko lang mag-isip talaga.

"Kailangan ko lang ng konting time na mapag-isipan lang yung mga nangyayari and para lang mahanap ko ang sarili ko ulit.

"Siyempre, comfort zone ko yung Europe, ’di ba? Tamang-tama na nandoon ang mga childhood friends ko."

Sa Paris nag-aral ng kolehiyo si KC.

Dugtong pa niya, "Maganda rin na kasama ko rin yung mga matagal ko nang kaibigan. At saka, makapunta rin sa mga lugar na makakapagpasaya rin sa akin."

Naikuwento rin ni KC na bukod sa gusto niyang balikan ang kanyang tinatawag na "comfort zone," may ilang okasyon din daw siyang pupuntahan habang nasa Europe.

"Meron din mga events na mangyayari, like yung mga kaibigan ko, may wedding yung isa kong kaibigan.

"Gusto rin nilang mag-sidetrip to Paris. So, isinama nila ako kasi gusto nilang makaikot sa mga lugar na hindi masyadong alam ng mga turista."

Saad pa niya, "Parang kailangan ko lang ng ilang araw para huminga ng konti.

"Kailangan ko lang po talaga ang time na ito para makapag-isip ako.

"Para lang... para lang maklaro ang utak ko. Para lang... alam mo yun, bumabalik ako na buo pa rin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Buo pa rin yung ako."

Kapansin-pansin naman na biglang nahirapang sagutin ni KC ang tanong kung nagpaalam siya sa boyfriend niyang si Piolo Pascual.

"Hindi ko alam," ang maikli ngunit makahulugan niyang tugon.

Si Piolo ba ang dahilan ng kanyang desisyon na pumunta muna ng Paris?

"Hindi ko alam. Hindi ko alam," nakangiti ngunit naiiling niyang sabi.

Sabi pa ni KC, "Basta kailangan ko lang ng time na mag-isip lang talaga."

Nang tanungin naman kung sila pa rin ba ni Piolo, ganun pa rin ang naging sagot ni KC: "Hindi ko po alam."

Pagkatapos nito ay nakangiti na siyang umiwas at pumasok na ng airport.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN