Susan Roces is willing to work with anybody, even Lovi Poe

"Nung nagsimula akong mag-artista, wala namang kapwa artista ko na tumanggi na makasama ako. Hindi ko gagawin yun [pagtanggi] sa kapwa artista ko," says Susan Roces about the possibility of working with Lovi Poe.


Malapit sa puso ni Susan Roces ang pagkakahirang sa kanya bilang bagong endorser ng pharmaceutical brand na RiteMed.

Sa presscon ng nasabing pharmaceutical brand na ginanap sa Annabel’s Restaurant sa Morato, Quezon City, kahapon, October 10, sinabi ng tinaguriang "Reyna ng Pelikulang Pilipino" na itinuturing niyang pagkakawang-gawa ang pagiging "ambassador" ng brand na ito ng generic drugs.

Pagpapatuloy lamang daw ito ng naudlot na gawain ng yumao niyang asawa na si Fernando Poe, Jr.

"Kapag pala ang isang tao ay nauulila ng mahal niya sa buhay, hindi lamang ang mga ari-arian niya ang iyong minamana. Minamana rin ng naiwan ang kanyang mga kawang-gawa. Ang kanyang mga mabubuting sinimulan," nawika ng 70-year-old na veteran actress.

Matapos daw kasing mailibing na si FPJ, tinanong niya ang sarili kung ano na ang gagawin niya sa mga naiwan ng kanyang asawa.

"Sa edad kong ito at semi-retired na ’ko, papa’no ko mapapalawig ang kabuhayang iniwan niya para sa akin. At the same time, papa’no ko patuloy na matutulungan ang mga taong naglingkod sa kanya, naglingkod sa amin, ang mga kasamahan namin sa industriya."

Sa pamamagitan ng pagpapaalala na may mas mura pang gamot na pwedeng mabili, sa kahit maliit na paraan ay nakakatulong daw siya sa mga hindi gaanong nakakagaan na mga kababayan natin.

STILL MISSING FPJ. Kahit pitong taon na ang nakararaan mula nang yumao si FPJ, aminado ang aktres na nananatili siyang nagluluksa sa pagkawala ng kanyang asawa.

"Akala ko, habang tumatagal ay tapos na. Pero katulad nito, darating na naman ang November first, may okasyon na nagpapaalala sa akin. Darating na naman ang [kanyang] death anniversary...may Pasko..."

Pagkasabi nito’y natigilan muna ang aktres at bahagyang pinangiliran ng luha ang mga mata.

"Pero we must learn to make our lives pleasant, peaceful, happy," pigil sa pagbuhos ng emosyon na pagpapatuloy ng aktres na minsa’y binigyan ng titulong "the face that refreshes" ng showbiz reporters nung araw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod sa mga taong nagmamahal sa kanya—mga kamag-anak at kaibigan—ang pagtatrabaho rin daw ang nakapag-aalis sa kanyang kalungkutan.

Nagpapasalamat na nga lang daw siya’t may mga proyektong naibibigay sa kanya katulad ng natapos nang Babaeng Hampaslupa sa TV5 at ito ngang bago niyang endorsement.

Pero nang tanungin kung may pag-asa pa bang muling bumukas ang kanyang puso para sa bagong pag-ibig, nagliwanag ang mukha ng aktres at umamin na bukas naman siya para rito.

"Okey lang. I’m a very romantic person. Especially, I’m an artist. So talagang wala naming pinipiling edad.

"Katulad ng mga artista, kapag ini-internalize mo yung role mo, ’di siya na yung pinakaguwapo, siya na yung pinaka-Adonis kahit na ano ang itsura niya.

"Pero bukod sa pagmamahal na ganun, ay meron pang ibang pagmamahal. Pagmamahal sa kaibigan, pagmamahal sa anak, sa kapwa tao. Lahat tayo, we’re all hungry for affection, we’re all hungry for love.

"Isang yakap na mahigpit, isang halik, isang papuri, isang kumusta, isang text... lalo na kung unli," natawa pagkatapos na nawika ng aktres.

A "KAMAG-ANAK." Nabanggit na rin lang ang trabaho, tinanong din si "Tita Swanie" kung totoo ang usap-usapan na hindi na siya isang Kapatid talent at muling babalik sa Kapamilya network.

"Katulad ng madalas kong sabihin, ako po ay hindi exclusive na under contract sa iisang network.

"Ako po ay freelancer. Kaya paminsan-minsan, Kapamilya ako, Kapuso, Kapatid.

"Kaya sa maikling pananalita, tawagin n’yo po akong ’Kamag-anak.’

"Kaya kahit saang ’tahanan’ puwede akong bumalik, at wini-welcome naman ako.

"I’m very thankful to Channel 5 dahil maganda yung proyektong ginawa namin, Babaeng Hampaslupa. Masaya. Salamat at maganda ang pagtanggap ng mga viewers.

"Meron silang proyekto na nilalaan para sa akin. Pero ang mga kasamahan ko para sa proyektong iyon ay may mga tinatapos pang ibang serye. At ang aming mga schedules ay hindi pa magkita-kita. Gayunpaman, handa na ang istorya at detalye tungkol sa proyektong iyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya minabuti ko na tanggapin ang alok ng Channel 2. Maganda ang proyekto nila, at handa sila, kumpleto na sila," paliwanag pa ni Susan.

Isang karangalan daw sa kanya na may pribilehiyo siyang makapagtrabaho sa iba’t ibang network, dahil marami pa siyang mga artistang hindi pa nakakasama at mga gustong makatrabaho, baguhan man o kahit na yung mga kapanahunan pa niya.

"Kaya I look forward to working with all three networks."

Nang tanungin ng veteran reporter na si Mario Bautista kung ang remake nga ba ng Hihintayin Kita sa Langit na pagbibidahan diumano ni Coco Martin ang gagawin niya sa Dos, sinabi ng beteranang aktres na hindi pa siya sigurado sa detalye hangga’t hindi pa sila nagsisimula ng taping.

"Baka naman it’s too presumptuous of me na magbigay ng pangalan, pati titulo hindi ko pa rin alam.

"This is scheduled for taping within this year, the remaining months of the year, and to be aired first quarter of the [next] year."

WORKING WITH LOVI. Nabanggit na rin lang niya na marami pa siyang hindi nakakatrabaho na artista, tinanong ang biyuda ni Fernando Poe, Jr. kung handa ba itong maka-trabaho si Lovi Poe.

Si Lovi ay anak ni FPJ sa dating commercial model na si Rowena Moran. Nakapareha rin ni FPJ ang ina ng My Neighbor’s Wife at Aswang star sa 1987 action movie nito na Kapag Puno Na Ang Salop.

"Kahit na sinong artista ang mai-cast sa isang proyekto, basta trabaho, hindi ko tatanggihan," sagot ng aktres tungkol kay Lovi.

"Nung nagsimula akong mag-artista, wala namang kapwa artista ko na tumanggi na makasama ako. Hindi ko gagawin yun [pagtanggi] sa kapwa artista ko," dagdag pa ng beteranang aktres.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN