Lorna Tolentino on having a new relationship: "Tama na, kasi hindi na rin naman sa edad ko nararapat na lumandi pa."

Lorna Tolentino says she really cannot predict if another man will come into her life. However, she says, "Kung ako ang masusunod, sana ’yon, tama na, kasi hindi na rin naman sa edad ko nararapat na lumandi pa."


Muling nilinaw ng award-winning actress na si Lorna Tolentino na hindi na niya iniinda kung anuman ang nangyari sa kontrata niya sa ABS-CBN.

Sinabi niya rin na maayos ang kanyang pag-alis sa Kapamilya network bago siya nagdesisyong pumirma ng one-year exclusive contract sa TV5.

"Wala, paikut-ikot lang naman tayo [sa iba’t ibang network]," sabi ni Lorna nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media sa set visit ng Glamorosa kahapon, Oktubre 11, sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.

Ang teleseryeng Glamorosa ang unang proyekto ni Lorna sa TV5.

Makakasama niya rito sina Alice Dixson, Zoren Legaspi, Tonton Gutierrez, Martin Escudero, Ritz Azul, at Celeste Legaspi. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Eric Quizon.

Ayon kay Lorna, bagamat pareho lang ang magiging talent fee niya, mas mainam daw ang kanyang kontrata sa TV5 dahil mas maraming araw ng trabaho ang nakapaloob dito.

"Sa kabila kasi [ABS-CBN], ’yong 85 [working days] is only one show.

"Dito, actually, kung gusto nilang pahabain ang soaps nila, which is hindi pa sila sanay, pwedeng makatatlo ako." (CLICK HERE to read related article.)

Sa kanyang paglipat sa ABS-CBN mula sa GMA-7, nakagawa siya ng tatlong teleserye—Dahil May Isang Ikaw, Momay, at Minsan Lang Kita Iibigin.

Nagkaroon din siya ng guest roles sa Maalaala Mo Kaya at May Bukas Pa.

CHALLENGING ROLE IN GLAMOROSA. Sa tagal na ni Lorna sa industriya, iba’t ibang karakter na ang kanyang nagampanan.

Gayunman, itinuturing niyang isang challenging role ang kanyang gagawin sa Glamorosa.

Dito, gagampanan niya ang karakter ni Natalia Herrera, isang cosmetic surgeon.

"’Yong science side of it [ang challenging]," sabi ni Lorna.

"Pero lahat naman [ng istorya] umiikot lang, ’di ba?

"’Yong pagiging ina, ninakawan ng anak, nawala ’yong anak, mga gano’n lang naman all the time.

"Pero ’yong line of work, kung papaano ’yong character mo, minsan doon lang nag-iiba.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Minsan parang bugoy-bugoy ka, minsan naman fighter ka."

Sa istorya ng Glamorosa, siya ang aapihin ng karakter ni Alice Dixson na si Paulina Valdez.

Pero sabi ni Lorna, hindi siya magiging tipikal na inaapi sa teleserye.

Kuwento niya, "Sa makabagong panahon, ang mga inaapi ngayon, hindi na lang basta nagpapaapi.

"’Yong mga mababait, hindi na nakakaisa ang mga kontrabida sa kanila.

"Pwedeng namang palihim, patago, pero kapag harapan na, palaban na.

"Ngayon, hindi na rin papayag ang audience natin sa TV na parang, ’Ay, ano ba ’yon, walang kamatayang pang-aapi sa kanya!’"

ON HER LOVELIFE. Samantala, nang mabalo si Lorna sa pagpanaw ng kanyang asawa na si Rudy Fernandez, may ilang nagtatanong kung magkakaroon pa ng pagkakataong makapag-asawa ulit ang aktres.

Sa ngayon, ayon kay Lorna, hindi niya iniisip ang bagay na ito.

At bilang paglilinaw sa ilang nasulat na bukas siya sa ideyang ito, sinabi ng aktres, "Hindi lang ako nagsasalita ng tapos.

"Kasi, ang hirap magsalita ng tapos dahil baka mamaya subukan ka ni Lord."

Pero diin niya, "Pero kung ako ang masusunod, sana ’yon, tama na, kasi hindi na rin naman sa edad ko nararapat na lumandi pa.

"Pero ngayon, hindi talaga masabi.

"Pero sa ngayon, hindi ako [interesado]. We’re talking about now."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN