Sheena Halili denies rumored on-the-set rift with Rochelle Pangilinan; still on getting-to-know-each-other stage with Rocco Nacino

Sheena Halili on status of her career: "Ang importante sa akin, hindi ako pinapabayaan ng GMA. Matapos at magkaroon ng bagong show, nandiyan at nandiyan ako, binibigyan nila ako, naiisip pa rin nila ako para sa show na ito, ’O, ilagay natin diyan si Sheena.’ Yung hindi ka lang nila nakakalimutan, sobrang masayang-masaya na ako. Kasi aanhin mo naman yung bibigyan ka ng sarili mong show, pero pagkatapos no’n, wala na, ’di ba?&


Halatang apektado si Sheena Halili sa lumabas na blind item sa isang daily showbiz talk show na tumutukoy sa kanila ng kanyang Amaya co-star na si Rochelle Pangilinan.

Ayon sa blind item, may iringan daw ang dalawang female stars ng isang primetime series dahil insecure daw ang isang dancer-actress sa mas batang aktres na kasama niya sa show na close sa bida.

Naringgan din daw na sinabi ng mas batang aktres na "mukhang tatay" na ang boyfriend ng dancer-actress.

Nang malaman ni Sheena na siya at si Rochelle ang tinutukoy sa blind-item report na ito sa thanksgiving presscon ng Amaya kagabi, October 13, sa 17th floor ng GMA Network Center ay nabahala siya nang husto.

Paliwanag ni Sheena sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Alam n’yo naman po ako, hindi ako talaga sanay sa mga ganyan.

"Sa totoo lang, hindi talaga ako nagkaka-isyu ng negative.

"Sabi nila, part daw ito ng trabaho ko, pero mas pinipili ko pa rin talaga na tahimik lang, yung nagtatrabaho lang ako.

"Pero yung pakikipag-ano ko sa ibang tao, saka yung personal kong buhay, hindi ko na inilalapit kasi.

"Mahirap, hindi kasi ako sanay, saka hindi ako yung klase ng tao na... parang hindi ko kaya yung gano’n.

"Mas lalo akong nagiging weak."

Iginiit ni Sheena na walang iringang namamagitan sa kanila ni Rochelle sa set ng Amaya.

"Wala, ano ba ’yan?!" bulalas niya.

Kumusta ba sila ni Rochelle?

"Okay lang po, okay lang po," sagot niya.

"Basta ako, wala po akong issue sa kanya.

"Nag-uusap kami, nagha-hi ako sa kanya. Minsan nagkukuwentuhan naman kami."

Pero magkaibigan ba sila?

"Casual lang. Pero hindi kami close, hindi kami talaga yung, ’O, ano na?’

"Yung nagkukuwentuhan kami sa personal na buhay, hindi kami gano’n.

"Parang hi-hello lang, tungkol lang sa Amaya. Ganun lang."

Wala raw siyang ideya kung paano nagsimula ang blind item na yun sa kanila ni Rochelle.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siguro nandun din [sa set ang nagsabi]. Pero ako, wala talaga akong isyu sa kanya," diin niya.

Ang tinutukoy namang "mukhang tatay" na boyfriend sa blind item ay si Arthur Solinap, na siya ngang kasintahan ngayon ni Rochelle.

Para naging magkatambal din sina Sheena at Arthur sa Marimar at Bantatay.

Ayon kay Sheena, kung may insidente raw na nangyari sa pagitan nila ni Arthur, ito ay biro lamang daw.

"May karapatan naman siguro akong makipagbiruan sa kanya bilang kaibigan," sabi niya.

Pero dagdag niya, "Wala akong matandaan. Kung meron man siguro, nanghihingi ako ng sorry kasi joke lang ’yon."

AMAYA. Nang ibahin namin ang topic ng usapan, hindi pa rin makapag-concentrate sa tanong si Sheena na halatang hindi pa rin nahihimasmasan sa narinig na isyu sa kanila ni Rochelle.

Pero masaya naman daw siya na nagkaroon na naman ng extension ang Amaya, na mapapanood pa hanggang January 2012.

At kung ang ibang mga kasama nila sa cast ay hindi na kasama dahil sa pinatay na ang mga karakter na ginagampanan nila, si Sheena ay patuloy pa ring mapapanood bilang Ahak, ang uripon (alila) na matalik na kaibigan ni Amaya (Marian Rivera).

Ani Sheena, "Maraming nagbago, maraming nawala. Maraming bago sa cast.

"Masaya ako kasi kasama pa rin ako ni Amaya, kasama pa rin niya si Ahak.

"Happy ako dahil part pa rin ako ng blessing na ibinigay ni Lord para sa Amaya."

ROCCO NACINO. Matagal nang nali-link si Sheena sa kapwa niya Kapuso at StarStruck graduate na si Rocco Nacino.

Pero nilinaw ng young actress na hindi pa sila ng binata.

Paliwanag niya, "Ayan na nga, kaya hindi natin matatawag na lovelife ’yan kasi parehas naman kaming busy.

"Ayaw naming madaliin, ayaw naming... Hindi naman siguro maganda na parehas kaming busy...

"Ano, text-text na lang ba kami? Ganun na lang, ’di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Maganda pa rin siguro makilala pa namin yung isa’t isa.

"Kasi kahit matagal na kaming naiisyu, yung tagal naman na ’yon ay hindi naman palagi kaming nagkikita.

"So, parang kung pagsama-samahin mo, maikling panahon pa lang talaga."

Ano na ang estado ng relasyon nila ngayon?

"Lumalabas kami, oo, ’yon. Kinikilala namin yung isa’t isa.

"Sinasabi nga nila, lagi ganito yung sinasabi ng mga artista, pero ’yun talaga. ’Yun ang totoo talaga ngayon.

"Na kinikilala muna namin ang isa’t isa. Nirerespeto namin yung isa’t isa bilang may trabaho siya, may trabaho ako, at dedicated kami pareho sa akung anong meron kami."

Ano ang madalas nilang gawin sa mga kokonting oras na nagkakasama sila?

"Nagko-coffee kami, or kumakain kami sa labas... Nakapag-Ocean Park na kami... dinala niya ako do’n.

"Tapos, ano pa ba... pumupunta siya ng Pampanga," banggit ni Sheena.

Nakilala na rin daw nila ang pamilya ng isa’t isa.

Ano ang mga katangian ni Rocco na nagugustuhan niya?

"Mapagmahal siya sa family niya. ’Tsaka parehas kaming Christian.

"’Tsaka alam niya ang mga priorities niya sa buhay. Mahal niya ang trabaho niya.

"Ano siya, matalino, masarap kausap. Hindi kami nauubusan ng pinag-uusapan.

"’Yon, hindi ako nabu-bore na kausap siya," paglalarawan niya sa Time of My Life actor.

May pag-asa ba o posible bang tumuntong sa next level ang kanilang relasyon?

"Ayokong sagutin ’yan kasi parang pinangunguhan ko naman yung mga pwedeng mangyari.

"Saka parang sinabihan ko naman siya na, ’Ipagpatuloy mo lang, sasagutin kita,’ ’di ba, pag sinabi kong magni-next level kami?

"Hayaan lang natin kung anong mangyari.

"Siguro, gusto ko, kung mangyari man ’yon, sa amin munang dalawa ’yon.

"Ayun, ’yun lang. Tama, ’di ba?" saad niya.

Hindi raw nila pinag-uusapan ang mga posibleng mangyari sa kanilang relasyon.

"Kasi, parang awkward na ’yon pag pinag-usapan, ’di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pag magkasama kami, enjoy lang, gano’n lang," sabi niya.

THE FIRST BATCH OF STARSTRUCK. Produkto ng reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck si Sheena.

Kasama siya sa unang batch, na kinabibilangan din ng Ultimate Survivors na sina Jennylyn Mercado at Mark Herras; ang runners-up na sina Yasmien Kurdi at Rainier Castillo; at ang mga kapwa niya Avengers na sina Nadine Samonte, Dion Ignacio, Katrina Halili, Christian Esteban, Jade Lopez, Tyrone Perez, Anton dela Paz, Alvin Aragon, at Cristine Reyes.

Masasabing karamihan sa kanila ay maganda naman ang kinapuntahan ng kani-kanilang career, at iilan lang sa kanila ang hindi na aktibo ngayon.

Sina Jennylyn, Mark, Yasmien, Dion, at Katrina ay patuloy pa ring napapanood sa mga show ng Kapuso network; samantalang si Cristine ay isa na sa pinakamainit na stars ng ABS-CBN, kung saan din kabilang na si Tyrone; habang sina Nadine at ang ex-boyfriend ni Sheena na si Rainier ay kapwa nasa TV5 na.

Natutuwa naman si Sheena na halos lahat sila ay aktibo pa rin sa showbiz at nakagawa na rin ng kani-kanilang pangalan.

Pero naitanong namin kay Sheena kung kuntento na siya sa kanyang career ngayon.

"Sa akin, ang lagi ko namang sinasabi... Sinasabi nila na, ’Okay lang ba na lagi ka na lang nasa likod? Lagi ka na lang best friend?’

"Ang importante sa akin, hindi ako pinapabayaan ng GMA.

"Matapos at magkaroon ng bagong show, nandiyan at nandiyan ako, binibigyan nila ako, naiisip pa rin nila ako para sa show na ito, ’O, ilagay natin diyan si Sheena.’

"Yung hindi ka lang nila nakakalimutan, sobrang masayang-masaya na ako.

"Kasi aanhin mo naman yung bibigyan ka ng sarili mong show, pero pagkatapos no’n, wala na, ’di ba?" saad niya.

Pero gusto rin ba niyang magkaroon ng sariling show na siya talaga ang bida?

"Sa ngayon, hindi ko yata kaya yung pressure saka hindi ko yata kaya na...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siguro isa na lang ako sa bibigyan ng... sa istorya na ’yon, isa na lang ako do’n sa may istorya dun sa buong show.

"Okay pa ako do’n. Ako siguro yung kapatid or, siguro kung tatlong bida, isa ako sa tatlo.

"Yung ganun na lang."

Dagdag ni Sheena, "Hindi ko kaya yung ako. Malaking pressure ’yan.

"Kasi ayoko na pag binigyan ako ng GMA ng... siyempre ayokong mapahiya, ayokong ma-disappoint sila sa akin."

Paano kung bigyan siya ng lead role, halimbawa sa Pinoy adaptation ng hit Koreanovela na Coffee Prince?

"Kung ibibigay ’yon sa akin, kung ipagkakatiwala sa akin ng GMA ’yon, bakit naman ako tatanggi sa isang blessing, ’di ba?

"Lahat naman siguro tayo kapag binigyan tayo, kahit gaano pa kaliit, basta blessing ’yan, tatanggapin at tatanggapin mo ’yan," sagot niya.

Gusto rin ba niyang si Rocco ang maging leading man niya kung saka-sakali?

"Hindi ko sinasabing gusto ko, pero oo, pwede, pwede.

"Pero hindi ko rin sinasabi na kailangan, siya.

"Okay lang ako kahit kanino," sabi ni Sheena.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN