Shaina has left for America, Kuya Germs confirms on his radio program

Ayon kay Kuya Germs, tama daw ang naging desisyon ni Shaina Magdayao (above) na mangibang-bansa para makapag-isip-isip ito, makapagpahinga at makaiwas muna sa intriga.

"Pag nandito kasi siya sa Pilipinas mapipilitan siyang magsalita, alam naman natin na habang may nagsasalita, mas nagiging kumplikado ang lahat-lahat," he says.



Kinumpirma mismo ni Kuya Germs Moreno sa kanyang radio program sa dzBB na lumipad na patungong Amerika ang young star na si Shaina Magdayao para magbakasyon ng kung ilang linggo.


Kuwento ni Kuya Germs nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na hindi niya nakausap nang personal si Shaina bago ito umalis.

Ayon kay Kuya Germs, tama daw ang naging desisyon nito na mangibang-bansa para makapag-isip-isip ito, makapagpahinga at makaiwas muna sa intriga.



"Pag nandito kasi siya sa Pilipinas mapipilitan siyang magsalita, alam naman natin na habang may nagsasalita, mas nagiging kumplikado ang lahat-lahat.


"Imbes na magka-ayos-ayos mas nagkakagulo, dahil na rin sa pagpapalitan ng salita. Mamaya iba yung iparating ng mga tao kay John Lloyd at iba rin ang iparating kay Shaina.


"Mabuti na lang nga at mas pinili ni Shaina na tumahimik na lang at pumunta muna sa Amerika. At least doon, may peace of mind siya at malayo sa intriga," ang sabi ni Kuya Germs.


Ang rason ba ng pagpunta niya sa Amerika ay para na rin tuluyang makalimutan si John LLoyd?


"Hindi natin masasabi yan, pero siguro, kung ano man ang gustong mangyari ni Shaina, siya lang ang magdedesisyon.


"Kung maayos pa nila yung gusot sa pagitan nila at puwede pa silang magkabalikan muli, sila lang ang nakakaalam. Pero kung hindi na, sana maging magkaibigan pa rin sila kahit papaano."


Ilang linggo o buwan ba siyang mawawala sa bansa?


"Hindi ko alam, pero baka ilang linggo lang siya doon. Ang mahalaga kasi ngayon ay makapagpahinga si Shaina at makapag-isip-isip."


Nagulat nga daw si Kuya Germs sa bilis ng pangyayari, dahil nakita pa nito ang dalawa na masayang dumalo sa selebrasyon ng kanyang kaarawan.



"Nakakagulat talaga kasi, magkasama pa sila nung magguest sa birthday ko. Mahal ko pareho yang mga batang yan, wala akong kinakampihan sa kanila, sana lang maayos nila kung ano man ang problema nilang dalawa.


"Dahil sayang naman yung pinagsamahan nila. Nakita ko naman kung papaano nila minahal ang isa’t-isa. Marahil isang pagsubok lang ito sa kanilang pagsasama.


"Ano man ang kanilang maging desisyon, wala na tayong magagawa dun, pero nandidito lang ako para magbigay ng advice sa kanila pag kailangan nila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Alam ba ni Kuya Germs ang tunay na rason ng paghihiwalay ni Shaina at John Lloyd?



"Yung totoo, hindi talaga. Kasi hindi ko pa naman nakakausap si Shaina tungkol dun. Maraming lumalabas na balita, pero ayoko namang paniwalaan na lang yun basta-basta nang hindi nakakausap either si Shaina o si John Lloyd.



"Kung ano man ang hindi pinagkakaunawaan, sana maayos. Kung hindi na puwedeng maayos pa, mas magandang maghiwalay sila nang magkaibigan pa rin.



"Maliit lang kasi ang industriya magkikita’t-magkikita sila, mas maganda na kapag nagkita sila, magkaibigan pa rin sila at puwedeng mag-usap at magkamustahan."



Anong maipapayo ni Kuya Germs kay John Lloyd at Shaina?



"Umiwas muna sa pag papa-interview kasi habang nagsasalita sila, mas lalong nagiging magulo. Minsan kasi iba yung nagiging interpretasyon sa gusto nilang sabihin, imbis na mapabuti, napapasama pa.



"Magpahinga sila, mas maganda kasing makapag-isip-isip sila. Tapos pag okey na sila pareho at kaya na nilang humarap sa isa’t-isa, pag usapan nila kung ano ang naging problema nila.



"Para ng sa ganun malulutas kung ano man ang pinag-ugatan ng problema nila, pero kung hindi na talaga puwedeng magka-ayos pa sila, tanging panahon na lang ang magsasabi kung kailan sila magiging okey muli," pagtatapos ni Kuya Germs.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN