Ritz Azul is flattered about being compared to Heart Evangelista

Ritz Azul on comments comparing her to Heart Evangelista: "Siyempre, sobrang flattered po ako and masaya na masabihang kahawig ko si Heart. And... hindi naman nga siguro maiiwasan kung mangyari na ma-compare kami sa isa’t isa."


Ang daming mga galos at pasa ni Ritz Azul.

Ito kaagad-agad ang napansin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nang makakuwentuhan ito matapos siyang mag-guest sa Paparazzi noong Linggo [October 30] sa TV5.

Mero’n siyang sugat sa kaliwang tuhod.

Nakuha raw niya ito sa mga nakaraang taping days ng Glamorosa, ang bagong serye ng TV5, kung saan tampok din sina Lorna Tolentino at Alice Dixson.

"Siguro dahil sa kagustuhan kong mapagbuti nang husto ang acting ko kaya may mga scene na totohanan na ngang nasasaktan na ako," aniya.

"Masaya ako na binigyan ako ng ganitong role na sobrang kakaiba at challenging talaga."

Paano na ang maputi at flawless pa naman niyang kutis?

"Maaayos pa naman po siguro," natatawang sagot ng dalaga.

"Konting sugat, mga pasa, at galos lang naman. Siguro konting cream, okey na," bungisngis niya.

"Yung sugat ko sa tuhod? Nakuha ko ito sa scene with Tito Noni Buencamino and Ms. Lotlot de Leon.

"Habang binubugbog nila ako sa eksena, parang nadapa ako. Kaya nagkasugat ang tuhod ko."

Ano ang koneksiyon ng character niya sa role ng bidang si Lorna Tolentino?

"Iyon po ang dapat abangan ng lahat. Kung paano magtutugma ang landas ng character ko as Giselle at ni Natalia na ginagampanan ni Ms. Lorna Tolentino.

"Kung paano ’yong koneksiyon nilang dalawa."

Magiging glamorosa rin ba siya sa istorya ng nasabing serye?

"Opo. Kung paano, abangan na lang po ninyo.

"Ayoko po munang magkuwento ng mga detalye ng story para ma-excite ang viewers."

SUITORS LEFT AND RIGHT? Isa siya sa mga baguhang artista sa ngayon na may magandang mukha. Tiyak na marami ang umaaligid sa kanya. Kumusta ang lovelife niya?

"Wala po.Wala rin pong nanliligaw, o nagpaparamdam.

"Ewan ko nga po kung bakit wala, e," tawa pa niya.

"NBSB [no boyfriend since birth] po ako.

"Tinatanong nga rin po ako ng parents ko, ’Bakit walang nanliligaw sa ’yo?’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko naman, ’E, sa wala pa po, e. At saka ayoko pa.’"

Wala rin daw kabuhay-buhay kung social life niya ang pag-uusapan dahil hindi siya palalabas ng bahay.

Bibihira rin daw siyang mayayang gumimik ng kanyang mga kaibigan.

"Taong-bahay lang talaga ako, e. Kapag walang work, mas gusto kong mag-stay na lang sa house namin."

MART OR VICTOR? Sa Glamorosa, dalawang aktor ang magsisilbing love interest ni Ritz Azul.

Sa istorya ay may love triangle sila nina Mart Escudero at Victor Silayan.

Between Mart and Victor, sino ang mas may dating sa paningin niya?

"Parehas naman silang may dating, e. Magkaiba lang.

"Si Victor, may dating ’yong pangangatawan niya. Na... grabe! Lalakeng-lalake, ’di ba?

"Si Mart naman, ’yong ugali niya ang gusto ko. Tahimik, na minsan palabiro.

"’Yong gano’n kasi ang gusto ko sa lalake."

HER TYPE OF MAN? Ano pa ba ang ibang mga qualities na hanap niya sa isang guy?

"Gusto ko rin sa lalake ’yong may takot sa Diyos.

"’Tapos ’yong tahimik lang, pero may itinatago sa loob na parang sense of humor.

"And siyempre, gusto ko ’yong mas matangkad sa akin—5’ 6" kasi ako.

"So, siguro mga 5’ 7" o 5’ 8" puwede na sa akin."

Alin ang mas gugustuhin niyang maging boyfriend: showbiz o non-showbiz guy?

"Hindi ko po masasabi. Kasi, hindi mo naman talaga mapi-predict kung kanino ka mai-inlove."

Kadalasan sa mga artistang nagkakapareha sa trabaho, kalaunan ay nadi-develop o nagkakagustuhan.

Paano kung halimbawa, sa katagalan ng taping nila ay dumating ang panahong magparamdam sa kanya sina Mart at Victor?

"Ewan ko lang," nangiting sabi ni Ritz.

""Siguro... hindi muna. Work muna ako ngayon. Career muna.

"Siyempre, kasi bata pa ako ngayon. I’m just 17.

"So, more on career muna ’yong focus ko.

"At saka marami po akong balak gawin sa buhay ko.

"Ang feeling ko, kapag nagkaroon ako ng boyfriend, parang mahahati na ’yong atensiyon ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

HEART LOOK-ALIKE? Marami ang nagsasabi na may hawig si Ritz Azul kay Heart Evangelista.

"Siyempre, sobrang flattered po ako and masaya na masabihang kahawig ko si Heart.

"And... hindi naman nga siguro maiiwasan kung mangyari na ma-compare kami sa isa’t isa.

"Huwag lang siguro ’yong magkakaroon ng intriga."

Halos isang taon na rin siya sa showbiz, at nagpapasalamat daw si Ritz na wala pa siyang nakakaharap na matinding intriga.

"Nagkaroon lang dati ng isyu na nag-aaway daw kami ni Ate Arci (Muñoz) noon sa Nagbabagang Bulaklak (seryeng pinagsamahan nila dati).

"Parang nagulat lang ako kung bakit mero’n gano’n.

"Kasi wala namang katotohanan. And talagang totoong magkapatid naman ’yong turing namin kasi."

May nagiging intriga rin sa kanilang dalawa ni Eula Caballero, ang winner ng Star Factor kung saan si Ritz ang naging first runner up.

May obserbasyon kasi na parang mas siya ang nabibigyan ng break at mas inaalagan ngayon ng Kapatid Network.

"Hindi naman po. Pareho lang naman kaming bini-build up ng TV5.

"Siyempre, masaya lang po ako na nabibigyan ako ng ganitong projects.

"Ang akala ko kasi noon, after ng Star Factor, wala na talaga.

"Sa aming dalawa naman ni Eula, friends naman kami. Hindi kami dapat maintriga."

TOO YOUNG TO GO SEXY. Maraming mga young actresses na wholesome at sweet ang image sa umpisa, pero nagsi-shift sa medyo sexy na packaging.

Karamihan ay nagiging game sa pagpu-pose ng sexy sa mga men’s magazine kalaunan. Siya kaya?

"Hindi ko pa po masabi. Kasi 17 [years old] pa lang nga po ako ngayon.

"Siyempre, wala pa ako do’n sa legal age. Sa ngayon kasi, parang ang hirap sagutin ng ganyang tanong."

Pero, sexy daw ang dating niya sa paningin ng kalalakihan?

"Siyempre, masaya ako na mero’n ang tingin sa akin ay sexy ako," medyo natawa niyang sagot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May mga artista ring nagpaparetoke. Given a chance, mero’n bang parte ng katawan niya na gugustuhin niyang ipa-enhance?

"Wala po. Kasi, sobrang contented na ako kung anuman ang mero’n ako.

"Kasi, sabi nga ng iba, wala nang gaganda pa sa isang babae kundi ’yong natural.

"Kung mero’n man po akong gustong gawin, ito ay ang magbawas ng timbang. ’Yon lang," napabungisngis na sabi pa niya.

BEAUTY QUEEN MATERIAL? Hindi pa rin daw nawawala sa isip niya ’yong planong pagsali sa isang beauty contest. Dream din daw niya kasi ito.

"Opo. Totoo po iyon. Siguro, mga after two or three years, balak ko pong sumali.

"Bata pa po ako, pangarap ko na rin ang sumali sa mga national pageant at mai-represent ang Philippines sa isang international beauty contest.

"If ever, gusto ko pong maging representative sa Miss Universe.

"Feeling ko kasi, ang miss Universe ang pinaka-prestigious na international beauty pageant, e.

"And matagal na ring wala pa ulit nananalong Miss Universe na Pinay.

"Dream ko lang naman po iyon na sana mangyari," nakangiting sabi pa ni Ritz.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN