Senator Bong Revilla’s camp denies having Ramona Bautista in his custody

Nilinaw ng kampo ni Senator Bong Revilla ang report na nasa kustodiya pa nito ang kapatid na si Ramona Bautista (in photo). Pero nang maaresto ang kapatid nilang si Ramon Joseph Bautista ay hindi na rin daw nila nasilayan si Ramona.


Nilinaw ng kampo ni Senator Bong Revilla na wala sa kustodiya nito si Ramona "Mara" Bautista, taliwas sa lumabas na report na nasa pangangalaga niya ito.

Si Mara, nakababatang kapatid ng senador, ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa isa pa nilang kapatid na si Ramgen "Ram" Revilla.

Sina Mara at Ram ay magkapatid na buo, samantalang si Senator Bong ay kapatid nila sa ama—si dating Senator Ramon Revilla, Sr.

Matatandaang pagkatapos ng pagpatay kay Ram noong Biyernes ng gabi, Oktubre 28, sinabi ni Ramona na tinangay siya ng mga suspek at iniwanan sa isang mall sa Las Piñas.

Ayon kay Las Piñas Chief Police Senior Superintendent Romulo Sapitulan, humingi noon ng permiso si Senator Bong sa awtoridad upang dalhin si Ramona sa ospital. (CLICK HERE to read related story.)

Iminungkahi ng actor-politician na ipatingin sa doktor si Ramona dahil posibleng may "trauma" pa ito sa pagkakatangay sa kanya at sa pagpatay sa kapatid.

Pinayagan ng pulisya ang kahilingan ng senador.

Hindi pa suspek noon si Ramona sa pagpatay kay Ram.

Nung unang araw ng burol ni Ram noong Sabado, Oktubre 29, ay nakita pa si Mara na iyak nang iyak.

Pero nung hinuli ng mga pulis si RJ noong Martes, Nobyembre 1, hangang sa libing ni Ram kahapon, Nobyembre 2, ay hindi na nasilayan ng publiko si Mara.

Base sa imbestigasyon ng Parañaque police, sina Mara at RJ ang magkasabwat sa planong pagpatay kay Ram.

Ngayon, sinasabi ng kampo ni Senator Bong na wala silang ideya kung nasaan na si Mara.

Ayon sa kanila, maaaring ang ina ni Ramona na si Genelyn Magsaysay ang nakakaalam ng kinaroroonan ng anak nito.

Ayon naman sa abugado ng pamilya Bautista na si Atty. Dennis Mananzal, nasa pangangalaga ng mga kaanak si Ramona.

Ayaw na ring magsalita ni Senator Bong sa ngayon dahil gusto na niyang iwan ang kaso sa mga imbestigador.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hangad lang daw niya na masusi at tama ang imbestigasyon para harapin ito ng tunay na salarin.

Nakatakda sanang umalis papuntang Amerika si Senator Bong at asawang si Congressman Lani Mercado, pero hindi na nila itinuloy dahil ayaw raw nilang iwan ang kaso ni Ram.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN