Governor ER Ejercito clarifies "misunderstanding" with Robin Padilla over their MMFF entries

Governor ER Ejercito on his agreement with Robin Padilla regarding their MMFF entries: "Ang pag-uusap namin ay isang malalim na pag-uusap ng isang magkaibigan."

"Ang exact na sinabi n’ya sa akin ay magsasakripisyo, ’yun ang exact word n’ya, siya’y magsasakripisyo para sa pelikula ko."


Inihayag ni Governor ER Ejercito na tiyak nang pasok ang kanyang pelikulang Manila Kingpin: The Untold Story of Asiong Salonga sa darating na Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre.

Ang pahayag ay naganap nang maging special guest ang Laguna governor sa ika-59 anibersaryo ng National Press Club (NPC), na ginawa sa Bulwagang Plaridel, National Press Club Building, Intramuros, Manila.

Isang plaque of appreciation ang tinanggap ni Governor ER mula sa pangulo ng NPC na si Jerry Yap dahil sa pagsuporta ng gobernador sa mga miyembro at proyekto ng NPC.

Matapos ang pagtanggap ng kanyang plaque ay nagpaunlak ito ng panayam sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) para ipaliwanag ang mga naglalabasang isyu tungkol sa kanila ni Robin Padilla.

Ang usap-usapan ay tungkol sa kanilang mga pelikulang pang-Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ayon kay Governor ER, sinabi ng producer niyang si Mylene Enriquez, ng Scenema Concepts International., na tatlong pelikula ang nag-back-out sa MMFF: Hototay, Mr. Wong, at isa pang hindi nito mapangalanan.

Kaya tiyak na raw na makakapasok ang kanilang pelikulang Asiong.

"Ibinalita nga sa akin ni Ms. Mylene na, ’Good news, Gov!

"Kasi tatlong pelikula pa ang hindi nagsu-shooting, malamang may mag-back-out at maipasok tayo!’

"Sa ngayon, napaganda pa.

"Rati walo ang entry, ngayon pito na lang. Bale anim sila, tapos napasok ang Asiong, so pito.

"Ang sabi ng MMDA sa amin, more theaters for the seven movies. So, instead of eight, magiging pito na lang ang entry," paliwanag ni Governor ER.

Ang Metro Manila Development Authority ang nag-oorganisa ng taunang MMFF, kung saan tanging mga pelikulang Pilipino ang maaaring ipalabas sa mga sinehan ng Metro Manila.

Malaking bagay ang MMFF para sa mga local producers, na mas madalas ay hindi nakakabawi ng kanilang puhunan sa kabuuan ng taon.

Dahil naiisang-tabi ang foreign films, lalo na ang mga Hollywood films na patok dito, nagkakaroon ng audience ang local films tuwing Disyembre 25 paakyat sa unang linggo ng Enero.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ibinalita rin ng Governor ER na ipapasok din niya ang Asiong sa Berlin Festival, na ang last submission of entries ay sa November 30.

NO CONFLICT WITH ROBIN. Ukol naman sa umano’y pagkakaroon nila ng hidwaan ni Robin Padilla, dahil sa pag-atras o pagbibigay-daan ng huli para makapasok ang pelikulang Asiong, sinabi ni ER na imposibleng magkaroon sila ng away ni Robin.

"Ito’y isang malalim na usaping magkaibigan, dahil sabay nga kaming nag-artista noong 1983.

"At sabay kaming tinulungan noon ni Direk Deo Fajardo.

"Hanggang sa, ayun, malalim pa rin ang aming pagkakaibigan."

Pagkukuwento pa niya, "Para kaming magkapatid ni Robin dahil iisa lang ang aming iniidolo, si James Dean, at ang isa pang idol namin ay si Bruce Lee."

Inamin ng aktor/gobernador na nagkausap sila noon ni Robin ukol sa mga entries nila sa MMFF ng taong ito.

"Ang pag-uusap namin ay isang malalim na pag-uusap ng isang magkaibigan.

"Ang exact na sinabi n’ya sa akin ay magsasakripisyo—’yun ang exact word niya—siya’y magsasakripisyo para sa pelikula ko.

"Personal na usapan namin sa telepono.

"Matagal ang pag-uusap namin at sinabi sa akin sa telepono na personal na siyang magsasakripisyo para sa pelikula.

"At nabanggit ko naman sa kanya na, ’Pare, actually ang mga nabanggit ng MMFF thru the MMDA sa aking mga producer ay ganito: tatlo pa raw ang hindi nagsu-shooting.’

"Out of the 13, walo lang ang napili at pang-siyam ang Kingpin, at doon sa walo, ayon sa producer ko, tatlo pa roon ang hindi nagsu-shooting.

"So, sabi ng producer sa akin na malamang kapag may nag-back-out, papasok ang pelikula ko.

"At nabanggit nga sa akin ni Robin na magsasakripisyo na siya sa akin sa pelikula ko.

"Hindi na naman importante ’yon sa akin. Ang importante sa akin ngayon, nakapasok na ang pelikula ko."

ROBIN HAS NOT BEGUN FILMING. Idinagdag pa ng gobernador na sinabi sa kanya ni Robin na hindi pa talaga ito nakakapag-umpisang mag-shooting.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi niya, hindi pa siya nagsu-shooting, pero ayos na ang script, may mga artista na raw.

"Tinatanong ko, ’Sino ba ang mga leading lady mo?’

"Sabi niya hindi nga raw puwede sina...may mga leading lady na hindi puwede.

"Ang pelikula raw ay tungkol sa anak niya, si Kylie Padilla at kay Aljur Abrenica.

"Kaya ko naman naitanong iyon kay Robin, kasi nababalitaan ko na may mga problema nga sa mga artista, e.

"May problema siya sa availability ni Anne Curtis at saka ni Angelica Panganiban."

So, ang tunay na dahilan ni Robin ay hindi pa nakakapag-shooting ang pelikula niyang Mr. Wong? At hindi siya talaga nagbigay-daan para sa Asiong?

"Hindi ko alam talaga ang tunay na sitwasyon.

"Pero ang pagkakaalam ko, hindi pa nga makapag-umpisa.

"So, it doesn’t matter kung Robin would back out or not, kasi tatlo ’yung hindi makakapasok, hindi ba?

"Ito nga ’yung sa Regal na Hototay, ’yung kay Robin na Mr. Wong, at may isa pa raw.

"Kaya kahit mag-back-out o hindi si Robin, pasok pa rin ang pelikula ko, kasi walo ang kailangan, e."

ROBIN’S INTERVIEW. Sa interview ni Robin para sa kanyang bagong TV show sa ABS-CBN, ang Toda Max, ang pagkakaintindi ng marami ay sinasabi ni Robin na pinangunahan siya kaya nagbigay-daan siya.

"Ay hindi, wala akong pinangungunahan doon," paglilinaw ni ER.

"Ang binanggit ko sa kanya noong nag-escort ako kay Nora Aunor sa Star Awards for Music noong gabing iyon ay tatlo pa ang hindi sigurado.

"Pero nabalitaan ko, nagsu-shooting na ang Yesterday, Today and Tomorrow, pati ’yung kay Judy Ann Santos, Panday, Enteng ng Ina Mo, at mayroon pang dalawa para mahustong pito."

So hindi totoo ang mga sabi-sabing kinausap ni ER si Robin para kusang magbigay-daan ang huli sa Asiong?

"Ay hindi, hindi! Hindi ko siya kinausap kasi madi-disqualify kami!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala dapat internal arrangement na ganoon.

"Bawal po ’yun sa MMFF.

"Wala dapat na ganoon, dahil may kalakihan nga po ang performance bond.

"At saka pareho kami ni Robin na gustong maibalik ang action.

"Lahat naman ng action star gustong ibalik ang action dahil matagal nang walang action film.

"Tulad nina Bong Revilla, Cesar Montano, Phillip Salvador, Robin, at ako nga—lahat kami gustong ibalik ang action.

"Ngayon, kung maghahati kami sa pelikula, sa fans, e hindi naman masyadong makakaapekto sa amin ’yon.

"Dahil si Robin, isang icon na ’yan, e.

"Siya’y sumikat bilang isang action star at marami nang pinagbidahan.

"E ako, napunta sa larangan ng pulitika."

Sa mga pananalita ni ER, mukhang walang namumuong hidwaan sa kanila ni Binoe?

"Wala, wala! E, may mga taong nasa paligid lang na pinag-aaway kami.

"E, hindi kami mag-aaway."

Marami rin kasi ang nagsasabing iba ang datíng ng salita ni Robin sa isa niyang prescon kamakailan.

Tingin pa ng ilang nakarinig, maaaring mayroon daw itong kinikimkim na sama ng loob.

Sagot ni ER: "E, ganoon talaga magsalita si Robin. Ganoon talaga.

"Baka nami-misinterpret lang."

Minsan pa ay inulit niya, "Hindi kami puwedeng mag-away ni Robin dahil para kaming magkapatid. Imposibleng mag-away kami."

P500,000 PERFORMANCE BOND. Tungkol naman sa usaping performance bond na P500,000 na ibinibigay sa MMDA ng prodyuser na gustong magpalabas ng pelikula sa MMFF, sinabi ng Laguna governor na maibabalik pa iyon kay Binoe.

"Iyong nabanggit sa akin ni Pareng Binoe na P500,000 ay ’yun ay ibabalik sa kanya.

"Sa pagkakaalam ko ay ibabalik iyon ng MMDA. Iyon ay performance bond.

"Walang problema. Kung ’yun ang problema, bakit hindi ako tutulong?

"Kung talagang hindi ibabalik ng MMFF, pero alam ko ibabalik, kung hindi ibabalik, walang problema.

"Ako ang magbabalik!

"Walang problema kung hindi maibabalik ng MMFF. Ako ang magbabalik.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Minsan lang naman tayo mabuhay sa mundong ito, na ang gusto e mapasaya ang tao.

"E, kung ang kaibigan natin e pinapakiusap akong ibalik, kung hindi ibabalik ng MMFF—ako ang magbabalik, walang problema.

"Ako ang magbabalik kapag na-forfeit, ha.

"Pero alam ko hindi mapo-forfeit ’yon."

Iginiit pa ni Governor ER ang isang dahilan kung bakit kumpiyansiya siyang imposibleng magkaroon sila ng alitan ni Robin: Kasama rin daw ang aktor sa isa pang pelikula ni ER—ang El Presidente.

"Siya’y nagsabi na sasama siya sa El Presidente bilang si Andres Bonifacio.

"’Di ba sabi ko nga sa mga interview ko, ’Pare, may bonus ka sa akin, basta gagandahan pa namin ang role mo bilang Andres Bonifacio.’"

So, walang makasisira ng friendship niyo ni Robin?

"Ay wala, wala.

"Inaanak ni Robin ang dalawang anak ko, sina Julia at Jericho.

’Kahit ’yung manager niyang si Betchay [Vidanes], hindi ko rin makakagalit iyon, kasi matagal ko ring nakasama iyon sa Viva [Entertainment].

"Kapag nag-uusap kami niyon, nag-aasaran pa kami!" paglalahad pa ni Governor ER.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN