PEP EXCLUSIVE Vice Ganda on Praybeyt Benjamin’s earnings of P200 million in eight days: "Alam kong maghi-hit ang movie, pero hindi ganung kalala!"

"Sa simula pa lang, sinasabi ko na, ’I-claim na natin ang victory, i-claim na natin ang success, i-claim na natin lahat, todo. Sabi ko, wag na nating sabihing, ’Sige, okey na hanggang ganito lang, wag na.’ Kasi baka mamaya, marinig ng Diyos, yun na lang ang ibigay. Basta ang feeling ko, kakabog talaga ang movie na ’to," enthuses Vice Ganda about his movie Praybeyt Benjamin.


Biro ng komedyante at talent manager na si Ogie Diaz sa alaga niyang si Vice Ganda, kung sakaling kabugin nga ng Praybeyt Benjamin ang kasalukuyang Philippine all-time box-office movie na No Other Woman, malamang na may "este" sa title na ibibigay kay Vice ang Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation (GMMSF).

Ang GMMSF ang organisasyon na nagbibigay-parangal sa mga artista ng pelikulang kumita nang malaki sa loob ng isang taon.

"Meron ng ’este’ sa title niya sa Guillermo. ’The New Box-Office Queen Este King," sabi ni Ogie sa pamamagitan ng text sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Maya-maya pa, nang katanghalian ay nakausap na ng PEP si Vice Ganda mismo sa pamamagitan ng cellphone at hiningan ng reaksyon tungkol sa nakakagulat na pagtabo sa takilya ng pelikula niya.

Ayon kasi sa report na na-publish sa spot.ph (CLICK HERE for story), naka-P200 million na ang Praybeyt Benjamin sa unang walong araw pa lang nito.

Maaari raw tuloy malagpasan pa ng Praybeyt ang No Other Woman, kung saan bida ang TV co-host niyang si Anne Curtis, si Cristine Reyes, at ang leading man na si Derek Ramsay.

Kumita ng P282 million ang No Other Woman matapos ang isang buwang pagpapalabas nito.

"Sa simula pa lang, sinasabi ko na, ’I-claim na natin ang victory, i-claim na natin ang success, i-claim na natin lahat, todo.’

"Sabi ko, wag na nating sabihing, ’Sige, okey na hanggang ganito lang, wag na.’

"Kasi baka mamaya, marinig ng Diyos, yun na lang ang ibigay.

"Basta ang feeling ko, kakabog talaga ang movie na ’to," simula muna ni Vice.

Pero inasahan ba niyang puwedeng maging top-grossing movie sa history ng Philippine Cinema ang pelikula niya?

"Honestly, hindi. Alam kong maghi-hit ang movie, pero hindi ganung kalala!"

Nakakagulat daw na sumobra sa expectations nila ang Praybeyt Benjamin, na noo’y inaasahan niya lang na malagpasan ang nauna niyang pelikulang Petrang Kabayo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa international movie monitoring database na imdb.com, ang Petrang Kabayo ay kumita ng P115,494,375 sa loob ng anim na linggo na pagpapalabas nito.

"Sobra-sobra talaga yung P200 million plus. Sobra!

"Kaya halos sumabog ang puso ko sa pasasalamat," sabi pa ni Vice.

KING OR QUEEN? Kung malagpasan nga ng movie niya ang kinita ng No Other Woman, handa na ba siyang umakyat sa stage sa GMMSF Box-Office Awards Night para i-claim ang korona? At bilang ano?

Box-Office Queen o Box-Office King?

"Ay, kahit ano!

"Pero, siyempre, kung saka-sakaling mangyari yan, manginginig ako sa pag-akyat sa stage!

"Sobrang proud, kasi hindi naman lahat ng bakla nabibigyan ng ganitong chance.

"O lahatin na natin, na hindi lahat ng artista nabibigyan ng ganitong chance.

"Sobrang magandang experience itong pinaparamdam nila sa akin. Kaya talagang super thankful lang ako.

"At kung talagang mangyari yun [pag-akyat sa stage ng Box-Office Awards night], baka mag-retire na ako... Tsarot!" biro sa huli ni Vice.

"Kasi, tuluy-tuloy e, di ba?

"Ano pa ba ang ini-expect ko after pa nun? Kung highest grossing movie of all time?

"Ano pa ba ang puwede kong ipagdasal?

"Yun nga lang, nakaka-stress din.

"Kasi will I be able to sustain o malagpasan yung kikitain ng next movie ko, di ba?

"Yung pressure din at saka yung mataas na standards, parang ako rin ang nag-set para sa sarili ko.

"Parang kalaban ko rin ang sarili kong record. Parang ang hirap din noon, di ba?"

Dagdag pa ni Vice, overwhelming lahat ng na-e-experience niya.

SETTING RECORDS. Matapos kasing gumawa ng record bilang unang hayag na bakla na pumuno ng Araneta Coliseum nung 2010 sa concert niyang May Nag-Text, Yung Totoo! Vice Ganda sa Araneta, heto’t gumagawa na naman siya ng isa pang record bilang unang openly gay box-office actor.

Sabi ni Vice tungkol sa kanyang career: "Lahat ng turn of events, sobrang overwhelming.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Actually, hindi ko naman ini-expect na bobongga nang sobra-sobra.

"Ang alam ko lang, bobongga ang career ko, pero hindi ko ini-expect talaga na bobongga talaga nang todo.

"Maski siguro nanay ko, hindi niya ini-expect!"

NOT THE ASKING TYPE. Hindi raw nakakalimutan ni Vice na ibigay sa Diyos ang credit sa lahat ng nangyayari sa kanyang buhay.

Kaya rin daw siguro mabait sa kanya ang Panginoon ay hindi siya pala-hiling at ipinagpapasa-Diyos na lang ang lahat sa kanyang buhay.

"Sabi ko nga sa Kanya, ’Sa sobrang ginhawa ng buhay ko, sa sobrang sarap ng buhay ko na ibinibigay Mo sa akin, na ipinapahiram Mo sa akin, bahala Ka na kung ano ang gusto Mo.’

"Siya na ang bahala. Lahat ’to plano Niya, lahat ’to Siya ang may gusto. Hindi ko hiningi.

"Sabi ko nga, kung ano ang ibigay Niya, kailangan tanggapin ko nang buong puso. Kahit na ano.

"Sobrang dami ng blessings, e. Nakakahiya nang humiling.

"Baka sabihin Niya, ’Sobrang dami na nga ng ibinigay ko sa iyo, hiling ka pa rin nang hiling. Ako na lang ang bahala,’ sabi Niya."

RELATIONSHIP WITH HIS MANAGER. Bago magtapos ang interview, tinanong ng PEP si Vice sa status ngayon ng relasyon nila ni Ogie Diaz bilang talent-manager.

Kamakailan kasi’y iniintriga sila ni Ogie at natsismis pang magpapalit na siya ng manager.

"Okey naman kami ni Ogie. Phone niya nga itong gamit ko, e," natatawang sambit ni Vice.

"Natural lang yung nangyari sa amin ni Ogie. Ang masama, kung napabalitang wala kaming pagtatalo.

"Parang lumalabas nun, pareho lang kaming alipin. Walang kumukuwestiyon sa mga desisyon.

"Demokrasya kaming dalawa ni Ogie. Nagkakaintindihan kami.

"Yung isyu pinalala lang naman ng mga nang-iintriga, at naiintindihan ko naman yun.

"Natural lang naman yun sa business na ito," pagwawakas ni Vice.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN