Ramona Bautista leaves taped message; tells her version of the night brother Ramgen Revilla was killed

Ramona Bautista: "Lahat po ng akusasyon sa pamilya ko ay walang katotohanan. Kasinungalingan lang po lahat ng ito. Pinapaikut-ikot po nila ang katotohanan at binabaliktad nila po kami. Dinidiin po nila ang aming pamilya. Kami na ang naagrabyado, kami pa po ang tinuturong suspect. Niloloko po nila ang justice. They’re misleading the facts."


Marami ang nalilito sa pabagu-bagong statements na ibinibigay ni Ramona "Mara" Bautista kaugnay ng nangyaring pagpaslang sa kanyang kapatid na si Ramgen Revilla.

Sa testimonya ni Ramona sa pulisya noong October 29, sinabi nitong dinukot siya ng mga pumatay sa kanyang kapatid. Nangyari ang krimen ng October 28.

Pero sa panayam niya sa ANC noong Biyernes, Nobyembre 4, binawi niya ito at inaming nagsinungaling siya. (CLICK HERE to read related story.)

Sabi ni Ramona, "Iniwan ko lang po sila dun na mamatay. Hindi ko naman po alam na buhay pa po sila. Ang alam ko po wala na po sila. Ang gusto ko lang po iligtas ang sarili ko."

Bagamat itinanggi niyang may kinalaman siya sa krimen, bigla naman siyang lumipad papuntang Hong Kong sakay ng Cathay Pacific Airlines noong Biyernes ng gabi. (CLICK HERE to read related story.)

Ikinagulat ito ng half-brother ni Ramona na si Senator Bong Revilla, Jr. at kinondena ang pag-alis nito.

Pahayag ni Senator Bong sa phone-patch interview sa kanya ng Bandila noong Biyernes ng gabi: "This is a sign of guilt. Bakit siya tatakbo in the first place kung talagang wala siyang kasalanan?

"Hindi namin siya mapapatawad dahil ang namatay dito ay kapatid namin.

"Kahit na kapatid namin siya, dapat niyang panagutan ito."

(CLICK HERE to read related story.)

TAPED MESSAGE OF THE "TRUTH." Ngayon, may panibagong statement na naman si Ramona.

Bago umalis ng bansa ay naghanda siya ng isang recorded statement.

May sampung minuto tumakbo ang pahayag ni Ramona na eksklusibong ibinigay ng kanyang kampo sa ABS-CBN News.

Ipinalabas naman ang taped message ni Ramona sa TV Patrol Weekend noong Sabado, November 5.

Ipinakilala muna ni Ramona ang kanyang sarili sa simula ng kanyang taped message.

"Ako po si Maria Ramona Belen Bautista, 22 years old, married.

"And nakatira po ako sa No. 4 President’s Avenue, Phase 6 BF Homes, Parañaque.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"And dumadalaw rin po ako at the same [time], kasi po I’m married and I live in a different country."

[Sangayon sa mga balita, maaaring Turkey ang tinutukoy ni Mara. May asawa siya roon.]

"Eto po, nagsasalaysay po ako ng pawang katotohanan.

"Na-witness ko po ang napaka-brutal na pagkamatay ng aking kapatid."

RAMONA’S STORY. Dito sinimulan ni Ramona ang kanyang iniwang salaysay.

Wala raw silang kasalanan ng kapatid na si Ramon Joseph o RJ, na ngayo’y nakakulong bilang suspek sa pagkamatay ng kuyang si Ramgen.

Ayon kay Ramona, umakyat siya sa kuwarto ng kanyang kapatid na si Ramgen, para kunin ang video recording para sa isa pang kapatid na nasa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio.

Kasama naman ni Ramgen sa kuwarto ang girlfriend nitong si Janelle Manahan.

Sabi ni Ramona, "Ready na po akong umalis noon.

"Nung makita ko po na may lalaking nakamaskara na nakatayo sa pintuan ng kuwarto ng kapatid ko...

"Hindi ko po iniwang bukas yung pinto. Hindi po ako ang nagbukas.

"Si Janelle po ang katabi ng pinto. Dapat siya po ang mag-lock.

"Hindi ko po trabahong i-lock ang pinto dahil hindi ko naman po alam yun, e.

"Hindi ko po inaasahan ang pangyayari. Ang alam ko po kukunin ko lang ang video at aalis na po ako.

"Tapos po, nandun na po yung lalaki sa pintuan. Nagulat po ako.

"Pero mas nagulat po ako nung bigla pong si Janelle... may pumutok po na parang hangin na napakalakas.

"Tapos si Janelle, bigla pong gumanun, nakatungo. Tumungo po siya.

"Tapos tumayo po si Ramgen.

"Sabi niya, ’Sino ka? Sino ka? Sino ka?’

"Tapos sinugod niya po yung lalaki. Tapos nakipaglaban-laban po siya."

THE BLOODY SCENE. Pagpapatuloy ni Ramona sa kanyang salaysay, "Hindi ko na po alam kung ano ang nangyari, basta nakakita na lang po ako ng dugo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos, tina-try ko pong mag-dock kasi baka rin po ako masaktan.

"Pero nakita ko po yung pangyayari.

"Tapos, nung ang dami-dami na po niyang dugo na nawawala...yung sa floor po...

"Umatras-atras po siya. Umatras po siya papasok ng kuwarto.

"Kasi yung lalaki po, never po siyang pumasok ng kuwarto.

"Tapos, pumasok po siya [Ramgen] sa kuwarto.

"Tapos, sinara niya po yung pinto yung buong lakas ng katawan niya.

"Tapos, po naipit po yung kamay nung lalaki.

"Pagkaipit po nung kamay ng lalaki, siguro by instinct, hindi ko po alam, natanggal niya po.

"Pagkatapos po na-lock po ni Ramgen yung pinto.

"Yun po talaga yung nangyari."

RAMGEN SAVED HER LIFE. Ayon kay Ramona, sinagip siya ng kanyang kuya.

Lahad niya, "Habang po palaglag si Ramgen sa pinto, tinawag niya po yung pangalan ko. Sabi niya, ’Mara!....’

"Sinagip po ng kapatid ko yung buhay ko.

"Hindi ko po kayang saktan ang kapatid ko.

"Yun lang po ang nangyari.

"Sigaw lang po ako nang sigaw the entire time.

"Sabi ko, ’Ramgen! Ramgen! Ramgen!...’

"Tapos, tumayo na po ako. Tinatawag ko si Ramgen at saka si Janelle.

"Nilapitan ko po si Janelle. Si Janelle po nakakapagsalita pa dahil si Ramgen hindi na po nagsasalita.

"Tapos sabi ko, ’Janelle, Janelle, ang dami mong dugo. You’re bleeding, you’re bleeding, Janelle.’

"Yung mukha ang dami-daming dugo.

"’Tatakluban ko yung mukha mo dahil baka mag-bleed out. Tatakluban kita.’

"Tapos, tinakluban ko po siya.

"Sabi niya po sa akin, ’Mara, huwag, huwag, hindi ako makahinga.’

"Tapos sabi ko, ’Anong gagawin ko Janelle? Sinong tatawagan ko? Hindi ko alam yung tatawagan ko.’

"’O sige, sige, akin na yung susi ng kotse, ida-drive kita.’

"Tapos, sigaw na po ako nang sigaw noon.

"Tapos, wala pong umaakyat sa kuwarto.

"Nandun po yung tatlong yaya sa baba.

"At saka po yung security ni Ramgen sa baba lang po ng kuwarto niya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LEAVING RAMGEN & JANELLE. Nag-panic daw si Ramona nang mawalan ng ulirat sina Ramgen at Janelle. At doon na raw siya umalis.

Aniya, "Hindi ko po alam yung gagawin ko.

"Tapos, after nung ilang seconds, si Janelle hindi na po nagsasalita.

"Akala ko po wala na po siya kasi ilang beses ko po siyang kinausap.

"Sabi ko, ’Janelle, Janelle...’ Tapos, hindi niya po ako sinasagot.

"Akala ko po nawala na rin po siya.

"So, ang ginawa ko po, pinakinggan ko po kung may tao pa sa labas.

"After po noon, lalo po akong natakot. Kasi hindi po niya [Janelle] ako kinakausap.

"So, lalo po akong nag-panic.

"Sabi ko, ’Anong gagawin ko? Anong gagawin ko? Anong gagawin ko?’

"Tapos, binuksan ko po yung pinto. Tapos, tiningnan ko po.

"Tapos, bigla na lang po akong bumaba sa baba.

"Tumakbo na lang po ako. E, bukas po yung front door namin."

Akala raw ni Ramona ay patay na si Janelle.

Nang makausap daw ang iba pang kapatid sa telepono, nalaman niyang buhay pa si Janelle.

Doon daw siya medyo nahimasmasan.

"MALIIT NA STORY." Ayon kay Ramona, nahiya siyang aminin na iniwan niya ang kapatid.

Sabi ni Ramona, "Nahihiya po ako sa sarili ko.

"Kaya po sabi ko, ’Iwan n’yo na lang ako sa may pulis. Ako na lang ang pupunta doon.’

"Ang ginawa ko po, gumawa na lang po ako ng maliit na istorya."

Ang "maliit na istorya" na tinutukoy ni Ramona ay ang pagkidnap daw sa kanya ng pumatay sa kanyang kapatid at pag-iwan sa kanya sa isang mall sa Las Piñas.

Sa panayam sa kanya ng ANC noong Biyernes, Nobyembre 4, inamin na niyang hindi siya kinidnap.

Paliwanag ni Ramona, "Kasi nahihiya po ako na isipin ng tao na iniwan ko lang basta yung kapatid ko.

"Sinagip niya po yung buhay ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung hindi, patay na rin po ako ngayon kundi niya na-lock yung door.

"Yun lang po ang ikinahihiya ko that time.

"Wala naman po akong gustong itago.

"Sinagip niya lang po ang buhay ko.

"Kaya ko po nagawa yun.

"Pero yun po ang totoong pangyayari, lahat-lahat. Yun lang.

"Tapos, ngayon sinisisi po nila yung kapatid kong maliit [RJ].

"E, wala din naman kinalaman din yun. Wala po siyang alam.

"Hindi niya po kayang gawin yun."

NO SIBLING RIVALRY. Pagkatapos isalaysay ang aniya’y totoong bersiyon ng mga pangyayari, isa-isa namang sinagot ni Ramona ang mga bintang sa kanya at kay RJ.

Pakiramdam raw ni Ramona, hindi patas ang imbestigasyon sa kanilang kaso at biktima sila ng pambabaligtad ng mga pangyayari.

Aniya, "Lahat po ng akusasyon sa pamilya ko ay walang katotohanan. Kasinungalingan lang po lahat ng ito.

"Pinapaikut-ikot po nila ang katotohanan at binabaliktad nila po kami. Dinidiin po nila ang aming pamilya.

"Kami na ang naagrabyado, kami pa po ang tinuturong suspect.

"Niloloko po nila ang justice. They’re misleading the facts."

Ayon kay Ramona, wala silang sibling rivalry ni Ramgen.

"Gusto ko rin po makuha at magkaroon ng katarungan ang pagkamatay ng aking kapatid.

"For the record, wala pong any sibling rivalry sa amin.

"Kung mayroon man po, napakaliit na bagay.

"Kung sino magda-drive ng kotseng ito, sinong magsusundo sa maliliit ko pong kapatid, anong ulam ang kakainin, sino ang gagawa nito. Iyon lang po."

Masama ang loob ni Ramona dahil hindi man lang daw siya nakapagluksa.

"Ni hindi nga po kami binigyan ng chance para makapag-mourn sa kapatid namin," sabi niya.

RAMGEN’S P.A. SHOULD BE THE SUSPECT? Ayon pa kay Ramona, imbes na sa kanila ni RJ, dapat ituon ang imbestigasyon sa personal assistant ni Ramgen na si Ronald Ancajas at sa kanilang tatlong kasambahay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nasa bahay rin daw ang mga ito nang maganap ang krimen noong Oktubre 28.

Pahayag ni Ramona, "Kung mayroong capability magpapasok ng ibang tao o ng killer sa bahay namin, si Ronald yun.

"Siya iyong pinaka-confidante ni Ramgen. Alam niya lahat ng moves ni Ramgen, lahat-lahat.

"Alam niya kaka-boxing lang ni Ramgen noon. Alam niya kung ano ang ginagawa ni Ramgen.

"Alam niya walang tao sa bahay. Alam niya po lahat.

"Siguro po hindi niya inaasahan na nandoon ako sa kuwarto kasi dapat talaga nasa Baguio ako.

"Tapos, sabi po ng maliit kong kapatid, may parang droplets ng blood papunta sa kitchen, papunta po sa kuwarto ng driver."

Sa pangyayaring ito, biktima rin daw sila ni RJ.

"Ang hanapin n’yo po yung totoong pumatay sa kapatid ko. Huwag n’yo naman po kami idiin.

"Mahal na mahal ko pa rin si Ramgen.

"Gusto ko pa rin makuha yung katarungan para sa kanya.

"At katarungan din naman po para sa maliit kong kapatid.

"Wala pong ginagawa si Joseph."

INCONSISTENCIES. Samantala, sa report ng TV Patrol Weekend kagabi, November 6, inilantad ang sinasabing iba pang inconsistencies sa mga pahayag ni Ramona.

Kasama rito ang pabagu-bagong statements na ibinigay niya sa pulis, sa ANC interview, at sa kanyang taped message.

Kagaya na lang ng hindi malinaw kung ano ang talagang ginawa niya matapos mabaril si Ramgen.

Sa interview ni Ramona sa ANC, sinabi niyang, "Tapos, tumakbo na po ako sa kotse. Hindi na po ako lumingon ng bahay.

"Tapos, ang nangyari po noon, ang inisip ko na lang po ay magpapakalayo na lang ako sa bahay namin.

"Yung killer po nandun. Hindi ko po alam kung nandun o wala na."

May kaunting kaibhan ang bersiyon niya sa kanyang taped message.

Aniya, "Tapos, dumating na po yung mga kapatid ko. Sumakay na po ako sa kotse. Tapos, nanahimik na nga po ako doon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin malinaw kung ano ang ginawa ni Ramona pagpasok ng mga suspek sa kanilang bahay.

Sa statement niya sa pulis, sinabi niya na, "Nagtago ako sa ilalim ng aircon kasi natakot ako, baka bigla rin akong barilin."

Iba naman ang sinabi niya sa taped message, "Tina-try ko pong mag-duck kasi baka rin po ako masaktan."

Ibinunyag din ng TV Patrol ang ibang bahagi ng taped message na hindi ipinalabas noong una.

Ipinakita rito ang bahagi ng pag-ulit ni Ramona sa kanyang sinabi dahil siya’y nagkamali.

"Dumiretso na po... Ay, wait. Habang... Wait, kailangang kong ulitin tito."

Sa isang bahagi ay napamura pa siya nang magkamali, "Anong number ang tatawagan ko? Tapos... uhmm... shit, nawala ako."

Nagkaiba-iba man ang bersyon sa salaysay ni Ramona simula nang mangyari ang krimen, iisa lang ang paninindigan ni Ramona:

"Hindi po ako directly or indirectly involved or nag-participate sa krimen na ito."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN