Karl Tiuseco goes daring in debut indie film

Karl Tiuseco on why he chose the indie path to stardom: "Nag-indie ako, kasi gusto ko na makilala ako na hindi dinidikit yung pangalan niya. Gusto ko makilala at tumayo sa sarili kong pagsisikap." Ang "niya" na tinutukoy ni Karl ay ang kapatid na si JC Tiuseco.


Sumabak na rin sa pag-aartista si Karl Tiuseco, ang panganay na kapatid ng hunk actor na si JC Tiuseco.

Si Karl Tiuseco ay isa sa mga pangunahing bida sa sexy indie film na Id’nal (Mapusok) ng Ecstatic Entertainment Productions.

Ito ay idinirehe ni G.A Villafuerte.

Mapapanood ang special advance screening nito sa UP Diliman Film Center sa Nobyembre 11, 2011, ika-7 ng gabi.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Karl sa mini-presscon ng nasabing pelikula noong Nobyembre 7, sa Skarlet Jazz Kitchen, sa may Timog Avenue, Q.C.

Ayon kay Karl, alam ni JC at pati na rin ng kanyang mga magulang na may ginagawa siyang indie film—pero hindi raw nila alam na medyo sensuwal ang gagampanan niyang papel dito.

"Bale first film ko ’tong Id’nal, pero nakapag-guest na ako sa iba’t-ibang TV shows kasama si JC.

"Pero hanggang guesting-guesting lang ako noon.

"Alam ng family ko, pati si JC, na may ginagawa akong indie film, pero hindi nila alam na sexy film yung ginagawa kong pelikula.

"Kami kasi ni JC, hindi kami nag-uusap kung ano yung mga ginagawa namin.

"Like yung mga project niya sa TV, tapos sa akin naman yung sa indie film ko."

Malapit ba ang dalawa gaya ng karamihang magkakapatid sa showbiz?

"Sobrang close kami pati yung isang kapatid namin.

"Bale tatlo kasi kami, kaya lang hindi talaga kami palakuwento sa isa’t isa sa mga ginagawa naming activities.

"Si JC rin kasi sobrang busy niya sa bagong soap na ginagawa niya ngayon, yung Kokak.

"Tapos ako naman, nagshu-shooting ng Id’nal, kaya minsan paggising ko wala na siya, pumunta na siya’ng taping.

"Tapos, ako naman pupunta na rin ng shooting, so wala talaga halos time na nagtatagpo yung oras namin.

"Pero pag may mga time na hindi kami busy, pumupunta kami sa bedroom nila mommy, tapos doon kaming lahat nagkukuwentuhan at nagtatawanan— bonding ng pamilya namin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kampante naman si Karl na hindi ikakagulat ng pamilya niya ang pagpapa-sexy sa pelikula.

"Hindi naman siguro, kasi sinabihan naman ako ng mommy ko ng mga bagay na hindi ko dapat gawin sa paggawa ng indie film.

"Alam ko rin naman kasi yung limitations ko, at naiintindihan din naman yun ng producer at direktor ko sa Id’nal."

Marami tuloy ang nai-intriga sa mga lumalabas na mga litrato at teaser hango sa pelikula.

Hanggang saan nga kaya ang pagpapakitang gilas ni Karl sa kanyang unang sabak?

"Kung ano yung hinihingi ng script at director namin, yun yung ginawa ko... yung kaya ko lang.

"’Tsaka kung ano yung ginawa ko dito, trabaho lang yun, at hindi si Karl yun kundi yung role na ginagampanan ko.

"Basta panoorin niyo na lang kung ano yung ginawa ko.

"Basta alam ko na I did my best at napaka-challenging ng role ko dito."

Ayon kay Karl, wala namang dahilan para di niya imbitahin ang kanyang pamilya upang panoorin ang Id’nal.

" Why not! Kung hindi sila busy at gusto nila panoorin, even si JC kung gusto niya manood, okey lang sa akin.

"Bahala na kung ano yung magiging reaksiyon nila pag napanood nila yung film. Ha ha ha!"

ALL THE WAY? Sa taglay niyang lakas ng loob na magpa-sexy, di kaya malayong tuluyan na siyang mag-all-the-way sa mga susunod pang indie films?

"Depende... Siguro kung maganda yung script, magaling yung director, at kung may kapupulutang aral yung pelikula, why not?

"Pero dahil baguhan pa lang ako sa ganitong klaseng pelikula sa ngayon, siguro hinay-hinay muna."

Bukod sa sensuwal na aspeto ng pelikula, ipinagmamalaki naman ni Karl ang iba pang bentahe ng kanyang debut film.

"Bentahe? Siguro yung mga mapupusok at maiinit na eksena dito.

"’Tapos yung istorya, kasi maganda yung istorya ng Id’nal at yung pagkakagawa ng pelikula."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

STANDING ON HIS OWN. Dahil ba nasa mainstream si JC kaya mas gusto niyang makilala sa indie films ?

"Hindi naman dahil nasa mainstream yung kapatid ko kaya nag-indie ako."

Pero pag-amin ni Karl: "Nag-indie ako, kasi gusto ko na makilala ako na hindi dinidikit yung pangalan niya.

"Gusto ko makilala at tumayo sa sarili kong pagsisikap.

"Maraming beses kasi na napagkakamalan akong si JC, pero sinasabi ko na, ’Hindi po ako yun... kapatid ko yun, ako po si Karl.’

"’’Tsaka alam naman natin na marami ang magkakapatid na artista na nasa isang network at nagkakaroon ng comparison.

"Kaya ayoko naman na lagi kaming ikukumpara, kaya nag-indie ako.

"Para maiba naman—sa mainstream siya, tapos sa indie naman ako.

"Mas gusto ko kasi talagang makilala na ako at hindi yung sasabihin nilang ’Si Karl, yung kapatid ni JC’ kung hindi ’Si Karl Tiuseco yun!’"

OPEN TO TV OFFERS. Kung bibigyan daw siya ng pagkakataon, malamang na tanggapin niya ang offer na maging bahagi ng isang TV network.

"Why not, nandito na rin lang kasi ako, ba’t hindi ko naman subukan?

"Pero mas gusto ko sa ABS CBN or TV 5, kasi nasa GMA 7 na si JC.

"Kaya naman gusto ko sa ABS CBN naman ako o sa TV 5.

"Pero kung mas maunang mag-offer ang GMA 7 or TV5, if ever na interesado silang kunin ang serbisyo ko, siguro doon na lang ako.

"Basta kung sino ang unang kukuha sa akin, dun ako."

Payag din daw si Karl kung sakaling makatrabaho ang nakababatang kapatid.

"Oo naman! Kapatid ko yun e.

"Siguro kung mag-GMA ako, makakatrabaho ko siya, pero kung sa ibang network ako mapupunta, baka malabo.

"Pero gusto ko siyang makatrabaho. Kasi, magandang makita na magkasama kami sa isang proyekto."

WISHFUL THINKING. Sino naman kayang artista ang gustong tularan ni Karl balang araw?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, "Wala naman, pero gusto ko yung mga role na napupunta kay Gerald Anderson, very challenging at patok sa tao."

Mabilis namang sumagot ang binata nang tanungin kung sino ang pinapangarap niyang maging leading lady.

"Si Bea Alonozo, kasi bukod sa maganda siya, magaling pang umarte.

"Alam kong madadala ako sa galing niyang umarte kapag nakapareha ko siya," patapos niyang sabi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN