Jaya leaves GMA Records and moves to Universal Records; launches new revival album

Jaya on OPM: "Ayokong sabihin na patay na. Siguro, kumbaga sa tao, may pinagdadaanang problema lang na malalagpasan din. Of course, kahit ako, sa bawat album ko na iniri-release ay andun yung kaba at takot na baka hindi bumenta. Pero alam ko naman na andiyan pa rin yung mga taong tumatangkilik sa aming musika at bumibili ng mga albums namin."


Nasa bakuran na ng Universal Records ang Queen of Soul na si Jaya.

Ang naturang recording company ang napili ng singer pagkatapos ng apat na taong pamamalagi niya sa GMA Records.

Naging maganda naman daw ang paghihiwalay nila ng landas ng dati niyang recording company at walang naging problema sa paglipat niya sa bago niyang tahanan.

GMA RECORDS. Pero nilinaw pa rin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jaya ang isyu na kaya siya lumipat sa Universal Records ay hindi na raw siya masaya sa GMA Records.

Ayon kasi sa lumalabas na reports, hindi raw siya nabigyan ng tamang atensiyon at nakukulangan daw siya sa promo at ingay kapag may album siyang inire-release ng GMA Records.

Isa-isa itong sinagot ni Jaya nang makausap namin siya sa opisina ng Universal Records.

Sabi ni Jaya, "Me ganun ba?

"Lahat naman ng mga recording company na pinagtrabahuhan ko ay naging maganda at maayos ang working relationship namin.

"Bago ako napunta sa GMA Records ay natsismis din ako dati, nung umalis ako sa Viva Records, na kesyo lumaki ang ulo ko.

"At may nabalitaan pa nga ako noon na wala raw akong utang na loob, etc., etc.

"Siguro sa tagal ko na rin sa industriya, hindi ko na pinapansin yung mga ganyan. Sanay na ako.

"Basta, sinasabi ko sa inyo ngayon, okey kami ng GMA Records.

"In fairness naman sa kanila, naalagaan naman ako at wala kaming naging problema.

"Palagay ko naman, naibigay naman nila yung best nila sa akin nung nasa kanila pa ako.

"At ipinagpapasalamat ko ng malaki na naging malaking part sila ng recording career ko."

Pinakalamaking sales ng album ni Jaya sa GMA Records, na umabot sa platinum mark, ay ang Cool Change na na-release noong 2007. Nakapaloob dito ang hit single niya na "Is it Over?"

ELEVENTH STUDIO ALBUM, FIRST WITH UNIVERSAL. All Souled Out naman ang 11th studio album ng singer at unang album niya sa Universal Records (UR).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naglalaman ito ng 12 tracks na puro revival songs.

Dito ay bubuhayin muli ng Queen of Soul ang mga awiting pinasikat nina Patti Austin, Dianne Reeves, Roberta Flack, Gladys Knight, Aretha Franklin, at marami pang iba.

Pangatlo na itong cover album ni Jaya at dito ay tumingkad nang husto ang pagiging R&B and jazz artist niya.

Bakit ang UR ang napili niya at hindi siya bumalik sa Viva Records na nagbigay ng malaking pangalan sa kanya sa music scene?

Saad ni Jaya, "Mabilis ang pangyayari, e.

"Nung inalok ako na gumawa sa UR ay napa-oo agad ako.

"May offer naman sa akin ang iba, pero napakabilis talaga ng UR at nagkasundo ang both parties sa mga gusto namin.

"Kaya ayun, pumirma agad kami ng manager ko na si Maristel Fernandez ng two-year contract.

"Tsaka isa rin sa dahilan kung bakit sa UR, kasi ang ganda-ganda ng reputasyon ng kumpanya.

"At halos lahat na yata ng big names sa music industry ay nasa kanila na—like Regine Velasquez, Gary Valenciano, Ogie Alcasid, Jose Mari Chan, Christian Bautista, Jed Madela, Nina...marami pa.

"Ang sarap ng pakiramdam na kasama mo sila, yun bang, wow, puro sila magagaling at tinitingala, tapos eto ako at ka-join na rin."

THE STATUS OF OPM. Aminado si Jaya na nakakaramdam din siya ng takot sa kahihinatnan ng bago niyang album.

Aware ang tinatagurian ding Soul Diva sa patuloy na pagbaba ng sales ng mga album ngayon. Kahit mga sikat at established singers na ay nakakaranas din ng sobrang tamlay ng benta ng kanilang mga album sa record bars.

Naniniwala kaya ang singer na isa ito sa dahilan kaya marami ang nagsasabi na patay na ang music industry sa Pilipinas?

"Ayokong sabihin na patay na.

"Siguro, kumbaga sa tao, may pinagdadaanang problema lang na malalagpasan din.

"Of course, kahit ako, sa bawat album ko na iniri-release ay andun yung kaba at takot na baka hindi bumenta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero alam ko naman na andiyan pa rin yung mga taong tumatangkilik sa aming musika at bumibili ng mga albums namin.

"Maaaring naghahanap lang sila ng magandang tiyempo o kaya naman yung magandang ihahain namin sa kanila.

"Pero definitely, hindi sila nawala at sobrang naniniwala ako na babalikan nila ang mga awitin namin.

"Ang Pinoy pa, mahilig sa musika ’yan kaya kapit lang.

"May pag-asa pa at malaki pa."

DROPPING ALBUM SALES. Pero sa palagay niya, bakit kaya biglang nanguluntoy at bumagsak ang sales ng mga album sa Pilipinas?

"Siyempre, isa na riyan yung napakabilis na paraan para magkaroon ka ng kanta na gustung-gusto mo, yung i-download mo lang sa Internet, may kopya ka na agad.

"Tapos, talamak pa rin ang piracy hanggang ngayon.

"Isa pa, andun pa rin yung colonial mentality.

"Mas malaki pa ang sales ng album ng mga foreign artist kesa sa OPM artist.

"Sa mga concerts pa nga lang dito sa atin, mas tinatao ang foreign acts kesa sa local acts.

"Gumagawa naman ng paraan ang gobyerno natin.

"At maski ang OPM [Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit] sa pangunguna ni Ogie [Alcasid] ay panay naman ang kampanya para tangkilikin at mahalin ang sariling atin.

"Meron lang talagang problema.

"Siguro, talagang huwag munang mawalan ng pag-asa.

"Gaya nga ng sinasabi ko, may hope pa para manumbalik muli ang sigla ng OPM sa kabuuan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN