Maricel Soriano returns to the big screen after two years

Maricel Soriano on working with a new breed of stars: "Masyado talaga akong sinusuwerte dahil sa lahat ng nakatrabaho ko, at itong nakatrabaho ko ngayon na mga baguhan, ngayon ko lang ulit makakatrabaho—silang lahat, talagang very dedicated sa trabaho nila. Kaya ako, I feel blessed."


Pagkatapos ng dalawang taon ay muling mapapanood si Maricel Soriano sa pinilakang tabing.

Ito ay sa pamamagitan ng Metro Manila Film Festival 2011 entry ng Regal Films na Yesterday Today Tomorrow, kung saan makakatambal niyang muli si Gabby Concepcion.

Ang huling pelikulang ginawa ni Maricel ay ang T2 (Tenement 2) para sa Star Cinema, na ipinalabas noong 2009 at idinirehe ni Chito Roño.

Mayroon ding nagawang pelikula si Maricel noong 1986 na ang titulo ay Yesterday Today & Tomorrow, pero nilinaw ng aktres na ibang-iba ang ginagawa nilang pelikula ngayon sa direksiyon ni Jun Lana.

Sa pictorial ng Yesterday Today Tomorrow noong Linggo, November 13, sa Valencia compound, ikinuwento ni Maricel sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press kung ano ang tatakbuhin ng istorya ng kanilang pelikula.

"I’m the wife of Gabby... si Gary siya rito sa pelikula. Ako si Mariel.

"May anak kami sa pelikula, pero sa opening pa lang ng film, nagkahiwalay kaming dalawa.

"Medyo successful ako dito na babae, pero divorced na."

Sabi pa niya, "Ibang-iba na ito sa original na Yesterday Today & Tomorrow.

"Parang trilogy ito na nag-intertwine yung tatlong istorya sa isa.

"It’s a story of love and betrayal."

Siya ba ang na-betray rito?

"Naku, hindi lang ako! Basta, maganda ang istorya.

"Ako ang sa umpisa ang dating parang mataray, pero actually, ako yung... Nasaktan kasi siya.

"Ipapaliwanag, e. May rason kung bakit. Makikita na, ’A, ganoon pala,’" dagdag niyang paglinaw.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nakatrabaho ni Maricel si Direk Jun Lana, na naging sikat ding scriptwriter.

"Sa Gawad Kalinga yung una naming pagtatrabaho," banggit ni Maricel.

NEW BREED OF STARS. Karamihan ng mga kasama ni Maricel sa Yesterday Today Tomorrow ay maituturing na new breed stars—gaya nina Lovi Poe, Carla Abellana, Solenn Heussaff, Paulo Avelino, Eula Caballero, at Dennis Trillo.

Nang makausap namin ang ilan sa kanila, nandoon ang tuwa sa kanila na makatrabaho ang Diamond Star.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa parte ni Maricel, kumusta naman ang pakikipagtrabaho niya sa mga batang artistang kasama sa pelikula?

"Ako, palagi kong sinasabi at napag-usapan namin ni Direk Jun Lana, I feel so blessed sa mga baguhan na nakakasama ko.

"Sa dami, through the years, sa tagal ko na sa industriya... By the way, this is my fortieth year in the industry.

"Sabi ko kay Direk Jun, masyado talaga akong sinusuwerte, at blessed na blessed kaming dalawa, dahil sa lahat ng nakatrabaho ko, at itong nakatrabaho ko ngayon na mga baguhan, ngayon ko lang ulit makakatrabaho—silang lahat, talagang very dedicated sa trabaho nila.

"Kaya ako, I feel blessed.

"Kagaya ng anak ko, si Eula, alam mo, ang husay-husay ng bata, kaya I feel blessed na talagang ang galing," patuloy niyang pagpuri.

Hindi ba niya nararamdaman na tila naiilang sa kanya ang mga baguhang co-stars niya?

Ayon kay Maricel, "Hindi, wala, wala.

"Ang galing nilang lahat, actually, lahat sila na naka-eksena ko."

Pinuri rin ni Maricel si Carla Abellan na aniya’y magaling.

Natuwa nga raw siya na mula sa ama ni Carla na si Rey "PJ" Abellana, ang anak naman nito ang kasama niya ngayon.

"Kaya nga ako natuwa. Imagine, from the dad, and now, sa anak naman.

"Ang ganda ng mga eksena namin," sabi ni Maricel.

REUNION WITH GABBY. Natuwa rin daw si Maricel nang makita niya sa shooting ang naging leading man niya rin noon na si Gabby Concepcion.

"Naku, ang nasabi ko na lang, ’Pepe, ako si Pilar. Naaalala mo pa ba ako?" natatawang turan ng aktres.

"Napag-usapan nga namin, reunion ng Pepe and Pilar."

Isa sa mga pelikulang pinagtambalan noon nina Maricel at Gabby ay ang Pepe En Pilar (1984).

Saad pa ni Maricel tungkol sa balik-tambalan nila ni Gabby, "Masaya. Masaya ang paggawa namin.

"Ito yung gumagawa kami ng drama, pero masaya kami sa set."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MARICEL’S RETURN. Paano siya nakumbinsi na gumawa ulit ng pelikula?

"Sino ba ang hindi kayang papayagin ni Mother?" sagot ni Maricel, na ang tinutukoy ay ang matriarch ng Regal Films na si Lily Monteverde.

"Lahat tayo, kayang sabihan ni Mother ng, ’Umupo ka riyan. Anak, gagawa ka sa akin.’

"Siyempre, hindi tayo makaka-hindi kay Mother. Iisa lang si Mother Lily."

Matagal kasing nawala sa sirkulasyon si Maricel kaya marami ang nagulat nang malamang tinanggap niya ang pelikulang ito ng Regal.

"Parang multo ang dating, hindi nagpapakita?" natatawa niyang sabi.

"Hindi naman, medyo may dumating lang na konting unos sa buhay natin.

"Ayun nga, nagpaalam ang mommy ko [Rosalinda Dador Martinez]. Hindi ko kinaya.

"Yun ang isang trahedya na naman sa buhay ni Maria.

"Pero bawat unos daw na nadadaanan natin na pagsubok sa buhay, meron din namang kapalit," saad ng aktres.

Kumbaga, yesterday na yun?

"Oo, yesterday na yun. Today na tayo."

Singit naman ni Mother Lily, na nasa tabi ni Maricel sa kabuuan ng interview, "And there’s still tomorrow."

Kumusta si Maricel ngayon?

"Okay naman ako. Very okay," nakangiting sagot niya.

Masasabi ba niyang masaya na siya ngayon?

"Hindi ba halata?" sambit niya.

STORM IN HER LIFE. Sa pakikipag-usap ni Maricel sa press, hindi niya itinanggi na may mga pinagdaanan siya sa buhay at nagpakatotoo lang siya.

Nang direktang tanungin kung ano ang mga pinagdaanan niya, ito ang sinabi ni Maricel:

"General ko na lang sinabi. Mahaba, e. Yun na yun.

"Sa buhay natin, marami talagang dadaanang pagsubok."

Masasabi ba niyang may mga nagawa rin siyang mali?

"Marami yun...marami. Marami tayong dadaanang mali.

"Kaya natin masasabing mali, dahil napagdaanan na natin.

"Kaya marami naman tayong maituturo sa mga kaibigan natin, mga anak natin, mga kapatid natin para maitama ang mga mali.

"At sa lahat ng ito, isa lang ang kakapitan natin—si Papa God."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa mga panahong hindi siya napagkikita masyado, ang mga anak lang daw niya na sina Marron at Sebastien ang kasama at pinagkaabalahan ni Maricel.

COLD CHRISTMAS. Naisingit din kahit paano ang tungkol sa lovelife. Pero ayon kay Maricel, wala siya nito ngayon.

"Yeah, parang sleeveless!" pagbibiro pa niya.

Malamig ang Pasko niya?

"Malamig!" natatawang sabi ng 46-year-old actress.

Sa huli, may mensahe si Maricel sa mga fans niya na talagang nakaka-miss sa kanya.

"Siyempre, pagkatapos ng medyo matagal na panahon na nawala ako, or hindi napagkikita, pero nandito lang naman ako.

"Hindi naman ako nawala.

"Abangan ninyo ang maraming mangyayari."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN