Coco Martin recalls his roots and gives back; misses doing indie films

"Nagsimula rin naman ako sa wala, nagsimula rin ako sa mga taong hindi sa akin naniniwala. Pero sa pagpupursigi at pagtitiyaga, yung mga taong dating hindi naniniwala at hindi naman bilib, ngayon, dumarating ang point na, ’Magaling ka naman palang umarte, marunong ka naman pala.’ Siyempre, hindi naman lahat ng tao mapapabilib mo. Pero ngayon, natutuwa lang ako," says Coco Martin.


Noong November 1 ay nagdiwang ng kanyang 30th birthday ang isa sa pinakaimportanteng male stars ngayon ng Kapamilya network—si Coco Martin.

Pero dahil na rin sa sobrang kaaabalahan ng aktor, kahapon, November 15, lang natuloy ang kanyang birthday press conference.

Ginanap ito sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon city.

Matagal na raw itong pinaplano ni Coco at ng kanyang manager na si Biboy Arboleda para sa ilang miyembro ng entertainment press.

COCO’S SUCCESS STORY. Hindi naman lingid sa lahat na isa si Coco sa maituturing na success stories sa showbiz.

Nagsimula sa paglabas-labas sa indie films, heto’t kinikilala na siya hindi lamang bilang Prince of Indie Films kundi bilang King of Teleserye ng ABS-CBN.

Bukod sa acting awards na napanalunan na ni Coco sa iba’t ibang award-giving bodies, naitaas ni Coco ang kanyang antas bilang isa sa pinagkakatiwalaang endorsers ngayon.

Nang sabihin ng press sa kanya na marami na siyang naungusan sa hanay ng male stars sa Kapamilya network, halatang nahihiya pa rin si Coco kapag nakakarinig ng mga direktang papuri.

"Grabe rin naman po kasi ang pinagdaanan ko sa showbiz," nakangiti niyang sabi.

"Hindi naman po ako sumali sa isang popularity contest and then nanalo.

"Dumaan din po ako sa butas ng karayom.

"Lahat ng masasakit na salita, lahat ng mga panlalait, rejections, naranasan ko pong lahat yun.

"Pero sabi ko nga, hindi ko ginagawang baggage yun sa akin. Ginagawa ko pong inspiration yun.

"Kaya ngayon, lahat po ng mga dumarating na blessing sa akin, naa-appreciate ko.

"Kasi, alam ko kung paano ko pinaghirapan yun kung nasaan man ako ngayon, or kung anuman ang mga blessing na dumarating sa akin ngayon.

"Alam ko yun pahalagahan.

"Kaya kung anuman po ang meron ako ngayon, pinag-iingatan ko.

"Kaya rin po naisip din namin na magkaroon ng ganito, kasama kayo, kasi po matagal ko na rin pong gustong makapagpasalamat lalo na sa mga press."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

FAMILY FIRST. Nang magsimula raw gumanda ang career ni Coco, hindi niya nakalimutang ayusin at ibahagi kung anumang blessings ang meron siya ngayon sa kanyang pamilya.

"Sabi ko nga po, mahabang proseso naman ang bawat bagay, lalung-lalo na ang pamilya," muling paliwanag ni Coco.

"Siyempre, sabi ko, hindi ako nagsimula sa perpektong pamilya.

"Ang parents ko, hiwalay. Kaming magkakapatid, magkakahiwalay din.

"’Yan ang mga proseso.

"Minsan kapag manonood, ang sarap panoorin na ng artista.

"Pero sa totoong buhay niya, hindi naman ganoon kaayos.

"Lalo na sa amin, ako ang tumatayong breadwinner, ako ang nag-aayos.

"Inayos ko ang mga kapatid ko, lima kami, tapos yung parents ko.

"Kaya mahaba-habang proseso pa.

"Pero ngayon, siyempre nakikita ko ang improvement.

"Gusto ko, kahit man lang ako, maayos ko ang mga kapatid ko.

"Ayokong danasin ng mga kapatid ko kung anuman ang mga dinanas ko."

Patuloy pa ni Coco, "Minsan nga may nagtatanong, ’Bakit yung mga kapatid mo, hindi ba nila gustong mag-artista?’

"Ako na ang sumagot na honestly, ayoko.

"Alam ko ang hirap na pinagdaanan ko at hindi basta-basta ang trabaho na pinasok ko."

Ang isang kapatid ni Coco ay nag-aaral upang maging caregiver, ang isa naman ay kumukuha ng Culinary Arts.

May isa naman daw na tinutulungan niya sa computer shop nito.

Siya rin daw ang nagpapaaral sa stepbrother at stepsister niya.

Ayon kay Coco, "Hindi ko itinuturing na disadvantage yun.

"Sabi ko nga, baka kung hindi ako nanggaling sa hirap, baka hindi ako nagpupursiging maghanapbuhay...kung meron akong masasandalan.

"Pero dahil wala naman akong masasandalan, sabi ko nga, hindi ako puwedeng magkamali.

"Kung ako ay magkakamali pa, paano pa ang pamilya ko?"

BIRTHDAY WISH. Nasimulan na rin daw itayo ang pangarap na bahay ni Coco para sa sarili.

Nagsimula raw ang construction nito noong March at hopefully ay matapos sa simula ng 2012.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagpapasalamat din si Coco dahil halos lahat ng mga birthday wish niya ay natutupad.

"Sabi ko nga, tutal hindi naman ako nag-celebrate ng birthday ko, nasa bahay lang ako, bakit hindi ko ibahin.

"Kumbaga, bilang pasasalamat.

"Tapos ayun, yung mga birthday wishes ko po, honestly, lahat naman natutupad.

"Sobra, sobra...palagi kong inuulit, everytime na pumupunta ako sa Quiapo, from 1 to 10, baka 11 pa ang natutupad.

"Lahat talaga ng hinihiling ko natutupad.

"Kasi, sabi ko nga, nagsimula rin naman ako sa wala, nagsimula rin ako sa mga taong hindi sa akin naniniwala.

"Pero sa pagpupursigi at pagtitiyaga, yung mga taong dating hindi naniniwala at hindi naman bilib, ngayon, dumarating ang point na, ’Magaling ka naman palang umarte, marunong ka naman pala.’

"Siyempre, hindi naman lahat ng tao mapapabilib mo.

"Pero ngayon, natutuwa lang ako.

"Lalung-lalo na yung mga kaibigan ko sa indie, nakikita at naa-appreciate nila kung paano ako magtrabaho."

GOING BACK TO HIS ROOTS. Hindi naman daw sa pag-aangat ng sariling bangko, pero masayang ikinuwento ni Coco na kahit paano’y naibabalik niya ngayon ang tinatamasang tagumpay sa mga kasamahan niya sa indie.

"Share ko lang, hindi naman sa pag-aano, minsan kapag nagsu-shoot ako ng indie, nagugulat sila kung bakit palagi akong nagpapabili ng pagkain.

"Hindi sa pagyayabang, e. Gusto kong i-share sa kanila kung anuman ang meron ako ngayon.

"Gusto kong i-share sa kanila na kung anuman ang meron ako ngayon, tayo ’to, tayo ang magkasama rito," seryoso niyang saad.

Pero napapansin din ni Coco na hindi na siya masyadong kinukuha ngayon sa indie films simula nang gumawa siya ng mainstream projects.

Aniya, "Nalulungkot nga ako kasi, feeling ko, hindi na ako kinukuha.

"Kasi ako naman, never akong nag-ask na magkano na ang talent fee ko.

"Basta ang sa akin lang talaga, ano ba ang role ko, ano ba ang pelikula."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero may time pa ba siyang gumawa ng indie movies kung saka-sakali?

"Honestly, ako naman kapag may time, maraming paraan.

"Kapag ayaw, maraming dahilan.

"Sobra kong nami-miss.

"Iba ang nakamulatan ko do’n and, at least, gusto kong panghawakan pa rin yun," pangwakas niyang pahayag.

Marami ang natuwang press na dumalo press conference ng aktor dahil ito na raw yata ang masasabing "pinaka-madaldal" na Coco Martin na nakausap nila.

Umamin naman ang aktor na noong baguhan pa lang siya ay may takot pa siya sa press. Pero kahapon ay relaxed na relaxed si Coco sa pagsagot.

Pero natawang inamin din ni Coco na nakatulong ang red wine na iniinom niya sa pagiging madaldal niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN