Nadia Montenegro files another libel case against Annabelle Rama

Amidst all these court cases, Nadia Montenegro wishes one thing from Annabelle Rama: "Sana tumahimik na muna siya, dahil hangga’t meron siyang sinasabi against me at hindi totoo, hindi rin ako titigil na. Siyempre, hahanapin at hahanapin ko ang hustisya para naman ipagtanggol ko ang sarili ko."


Muling nagsampa ng kasong libel at unjust vexation si Nadia Montenegro laban kay Annabelle Rama, kahapon, Nobyembre 15, sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Matatandaang naunang isinampa ni Nadia ang kasong child abuse at oral defamation laban kay Annabelle noong Setyembre 30.

Ito’y kaugnay sa diumano’y pagpapasuot ni Annabelle ng mga seksing damit sa dalawang anak ni Nadia na sina Alyanna Asistio, 17, at Annika Asistio, 15.

(CLICK HERE for related artcle.)

Kasong falsification and use of public documents naman ang sumunod na kasong isinampa ni Nadia laban pa rin kay Annabelle noong Oktubre 21.

Dinoktor daw kasi ni Annabelle ang pirma niya upang makapagsumite ng dalawang talent management contracts sa GMA Films, at sinabing talent niya ang dalawa pang anak ni Nadia na may edad anim at limang taong gulang.

(CLICK HERE for related article.)

Nasundan pa ito muli ng kasong libel at unjust vexation noong Oktubre 28, dahil sa mga diumano’y pasaring ng talent manager kay Nadia sa pamamagitan ng Twitter account nito.

(CLICK HERE for related article.)

Ayon sa report ng ABS-CBN News na lumabas ngayong araw, Nobyembre 16, ang ikalawang libel and unjust vexation case na isinampa ni Nadia kahapon ay nag-ugat sa TV appearances ni Annabelle sa StarTalk TX noong Oktubre 22 at TV Patrol noong Nobyembre 4.

"HINDI KO ALAM ANG PANGALAN NG MGA ANAK MO!" Ang panayam kay Annabelle noong Oktubre 22 sa StarTalk TX ay upang hingan siya ng reaksyon sa isinampang kaso na falsification and use of public documents laban sa kanya ni Nadia.

Dito’y itinanggi ng talent manager ang mga akusasyong ito.

Sabi pa ni Annabelle, "Hindi ko alam ang pangalan ng mga anak mo, ang hahaba!

"Paano ko mame-memorize ang pangalan ng mga anak mo, ’day?"

Giit pa ni Annabelle, ang dating aktres mismo ang may gusto na ipa-audtion sa ilang network ang kanyang mga anak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At tsaka ikaw, Nadia, ikaw ang pumirma ng kontrata, lima sila.

"Inaapura mo pa ako na ipa-audition sa kabilang studio ’yong maliit mo, ’yong four years old.

"Sabi ko, ’Nads, maawa ka naman, pag-aralin mo muna ang mga anak mo.’

"Remember sinasabihan kita? ’Yong mataba mong anak, ’yong pangalawa, sabi mo cute na cute, i-audition ko na kamo sa GMA-7.

"Sabi ko, ’Nads sa TV5, sa kabilang istasyon hindi nakapasa sa audition, hindi marunong umarte, huwag mo nang pilitin ’yong bata.’"

Dagdag pa ni Annabelle, kung titingnang maigi ay tugma ang mga pirma ni Nadia sa kontrata at sa iba pang dokumentong pinirmahan nito.

Sa kabila ng mga pasaring na ito ni Annabelle ay nanatiling tahimik ang kampo ni Nadia.

"BAKIT NAGALIT KA?" Noong Nobyembre 4 ay lumabas naman ang report ni Mario Dumaual sa news program ng Kapamilya network na TV Patrol.

Dito’y nakapanayam niya si Annabelle, at hiningan ng reaksyon tungkol sa kasong libel at unjust vexation na isinampa laban sa kanya ni Nadia.

Muli, itinanggi ni Annabelle ang alegasyon at nilinaw na, "Lahat ng account ko sa Twitter is all blind item.

"E, kung nagke-claim siya na siya ’yon, e, siya ’yon.

"Kine-claim niya, e, wala naman akong pangalang sinasabi, e.

"Ang sabi ko nga, ’Bato-bato sa langit, ang tamaan huwag magalit.’ Bakit nagalit ka?"

Dagdag pa niya, isang beses lang niya binanggit ang pangalan ng aktres sa mga tweets niya.

"Sabi ko, ’Nadia Montenegro, bayaran mo ang utang mo sa akin at saka ’yong kumakain ka doon sa office ko, halos every day nagte-takeout ka pa, hindi mo binabayaran, ayun."

Sa huli’y nagbigay pa ng mensahe si Annabelle kay Nadia.

Aniya, "Panindigan ko lahat ng sinasabi ko, Nadia. Tandaan mo ’yan.

"Baka nakalimutan mo, magkasama tayo lagi dati. Hindi mo ako matatakot, ’day, marami akong alam sa ’yo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Maglabasan tayo ng baho, okay lang sa akin."

NADIA SPEAKS UP. Martes naman ng sumunod na linggo, Nobyembre 8, naglabas na rin ng pahayag si Nadia.

Hindi raw siya natatakot sa mga "baho" na maaaring ilabas ni Annabelle tungkol sa kanya.

"Wala naman akong kinatatakutan sa mga pasabog, e," pahayag ni Nadia.

"Lahat ng pasabog na ’yan, alam naman natin gawain na niya ’yan noon pa, e.

"So, hindi na ako naaaninag sa mga gano’n, hindi na."

Giit pa ni Nadia, dinedepensahan niya lang ang kanyang mga anak na hindi pa kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.

"Kaya nga dinadaan ko sa ganito, e, kasi ’yong dalawang anak ko, hindi naman nila kayang ipaglaban yung sarili nila, e, ako siyempre ang lalaban.

"I’m doing my job as their mother na kailangan ko namang protektahan sila," diin niya.

Kaya naman sa gitna ng labanan nila sa korte ni Annabelle, isa lang daw ang hinihiling ni Nadia:

"Sana tumahimik na muna siya, dahil hangga’t meron siyang sinasabi against me at hindi totoo, hindi rin ako titigil na.

"Siyempre, hahanapin at hahanapin ko ang hustisya para naman ipagtanggol ko ang sarili ko."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN