Eugene Domingo reports that Ang Babae sa Septic Tank has been screened in Hollywood and "it was received very well"

Masayang ikinuwento ni Eugene Domingo ang karanasan niya nang dinala nila sa Oscars ang pelikulang Ang Babae sa Septic Tank. Pinuri raw ang pelikula pagkatapos nitong panoorin ng members of the Hollywood Foreign Press Association.


Inilahad ni Eugene Domingo na hiningi niya kay Mother Lily Monteverde ang isang episode ng Shake, Rattle & Roll 13.

Sa pictorial na ito ng Regal Films entry sa nalalapit na Metro Manila Film Festival, na ginanap sa studio ni Edward dela Cuesta noong Nobyembre 19, kinuwento ng comedienne/TV host kung paano napunta sa kanya ang naturang project.

Ayon kay Eugene, "Natutuwa naman ako pinagbigyan ako ni Mother Lily.

"Sabi niya sa akin, gumawa raw ako ng pang-MMFF. Sabi ko Mother, baka puwede niyo po ako isali sa Shake, Rattle & Roll.

"Gusto ko talaga. Kasi lumaki ako [diyan] at inaabangan ko talaga ’yan tuwing Pasko.

"Maraming magagandang episode tulad yung kay Herbert Bautista, kay Janice de Belen.

"Every year, kasama na talaga sa tradisyon ’yan tuwing Pasko."

"Sabi ko sa kanya, puwede po ba drama?

"’Sige sige,’ sabi niya. Hindi siya nagdalawang-isip.

"Sabi niya, ’Sino ang gusto mo?’

"Sabi ko, ’Puwede po ba si Chris Martinez?’

"Pinagbigyan naman niya ako, so excited kami ni Direk Chris Martinez dahil after mga comedy films na ginawa namin this year, this is very new," dagdag pa niya.

Isa sa episode ng Shake, Rattle & Roll 13 ay pinamagatang "Rain, Rain Go Away" na kuwento tungkol sa isang pamilya na nasalanta ng bagyong Ondoy.

"Napapanahon naman ang tema ng pelikulang ito dahil nangyari ito nung panahon ng Ondoy.

"May dahilan kung bakit sila kinukunsensya at pinapatay ng kanilang guilt," kuwento ni Eugene.

Hirap na hirap nga raw sila sa shooting dahil lagi silang nababasa.

"Basang-basa kami dito sa episode na ito, dahil ang gusto talaga ni Direk Chris Martinez live ang effects.

"So, laging nandiyan ang lahat ng bumbero, lunod kung lunod. Pag pumunta ka sa set, alam mong mababasa ka."

SEPTIC TANK AT THE OSCARS? Samantala, marami raw dapat ipagpapasalamat si Eugene ngayong 2011 dahil sa maraming blessings na natamo niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Napakayaman ng 2011 pagdating sa karanasan para sa akin, lalo na sa aking career bilang artista."

Lubos ang kanyang saya noong nagkaroon ng screening sa Hollywood ang pelikula: "It was received very well."

"Ang naisip ko lang bilang artista, may advocacy na dapat hindi ka na selfish, na hindi na lang sarili mo ang iniisip mo," pahayag nito.

Masayang ikinuwento ng aktres ang karanasan niya nang dinala nila sa Oscars ang pelikulang Ang Babae sa Septic Tank.

Pinuri raw ang pelikula pagkatapos nitong panoorin ng members of the Hollywood Foreign Press Association.

"Sabi nila sa akin, ’See you in January.’ Sabi ko, ’Why see you in January?’

"Sa palagay ko hindi naman sila nambobola. Hindi naman ako ganun kaganda para bolahin.

"Hindi naman mayaman ang producer namin para bolahin. Simple lang ang pinakain namin.

"I think, napaka-genuine ng reaction nila sa pelikula namin.

"Let us pray na sana after our very successful screening sa L.A., sa January na po ang susunod na tatahakin namin papuntang U.S."

Ikinuwento rin ni Uge ang di niya makakalimutang karanasan, nang nabigyan ito ng pagkakataong makapag-tour sa building ng Oscars.

"Nakapasok na ko sa Oscars building. Nakapasok na ko sa AMPAS [Academy of Motion Picture Arts and Sciences], ti-nour kami ng awards’ coordinator.

"Ang daming Oscars statue na nakita ko, pinagyayakap ko lahat. Takbo ako nang takbo, para akong nag-field trip talaga.

"Parang nagustuhan nila ang gesture na nagbigay-pugay kaming mga
Pilipino, na nagdala kami ng pelikula.

"Sabi ko, ’I hope you will remember our movie.’

"’Who will forget your movie? Your title Septic Tank?’ sabi niyang ganun.

"Aba, okay na ’to, nakaharap namin ang awards’ coordinator mismo ng Oscars."

Kaya dasal ni Eugene na sana makabalik sila doon sa January, na ang ibig sabihin ay posibleng makapasok ang pelikula sa limang nominado.

"Pag pumasok tayo sa five nominees [for best foreign film], dun na tayo hihingi ng suporta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero wala naman kaming ilusyon.

"Pumasok lang sa nominees, napakalaking bagay na iyun.

"Pero suntok sa buwan.

"Baka mas malala pa sa suntok ni Manny Pacquiao," masayang pahayag ni Eugene.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN