Another sibling of the murdered Ramgen Revilla implicated by one of the murder suspects

Gail Bautista, sister of Ramgen Revilla, is now also being implicated in the murder of her brother. According to Glaiza Visda, a suspect in the crime, Gail was the sibling who hired a gunman to kill Ramgen.


Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa Ramgen Revilla murder case.

Pero habang tumatagal ay tila lalong nadidiin ang mga kaanak ng napatay na aktor bilang mastermind diumano sa krimen.

Kung noong una’y ang dalawang kapatid ni Ramgen na sina Ramona at Ramon Joseph Bautista ang isinasangkot sa pagpatay, ngayon ay nadagdagan pa ang itinuturong mastermind.

Ito ay ang isa pa nilang kapatid na si Maria Ragelyn Gail Bautista.

Si Gail, 20, ang pangatlong anak ni dating Senator Ramon Revilla, Sr. sa dating aktres na si Genelyn Magsaysay.

Matatandaang naiulat dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na si Gail ang kapalitan ng text messages ni Ramgen noong huling dalawang araw bago napatay ang aktor nung Oktubre 28.

Nakasaad nga sa text messages ang alitan sa pamilya, gayundin ang tungkol sa awayan sa pera.

(CLICK HERE to read related story.)

Sa report ng late-night news program ng ABS-CBN, ang Bandila, na napanood kagabi, Nobyembre 21, ibinunyag ni Glaiza Visda na mga kapatid daw mismo ni Ramgen ang nagpapatay dito.

Si Glaiza ang isa sa mga suspek sa krimen.

Ayon sa salaysay ni Glaiza, "Yun pong mga kapatid ang nagpapapatay... at saka may mga Revilla din daw pong nagpapapatay."

Lumalabas din sa pahayag ni Glaiza na ang pananakit ni Ramgen sa kanyang mga kaanak ang dahilan ng pagpapapatay rito.

Sabi ng suspek, "Nanggugulpi daw po ng nanay [si Ramgen], pati daw po yung mga kapatid [ginugulpi].

"Tapos po, addict daw po yun. Binubugbog sila.

"Hinahampas daw po ng baril sa ulo yung mga bata."

Itinanggi naman ni Glaiza na may kinalaman sila ng nobyong si Norwin dela Cruz, isa rin sa mga suspek, sa pagpatay kay Ramgen.

Kasalukuyan nang hawak ng pulisya sina Glaiza at Norwin.

IS GAIL THE MASTERMIND? Ayon pa kay Glaiza, si Ryan Pastera—alyas Bryan, na kasama raw niya sa fraternity—ang kumuha sa kanilang mag-nobyo para sumama sa plano.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mula sa pahayag ng mga testigo at suspek, sinasabing si "alyas Bryan" ang contact ng mga mastermind at mga nagsagawa ng krimen.

Sabi rin ni Glaiza, nalaman niya na si Gail ang mastermind nang makipagkita ito kay Ryan.

"Galit na galit na nga daw po sa kanya [Ryan]... yung sina Gail, dahil nga raw ano na ang nangyayari, nauubos na yung pera.

"Tapos hindi naman daw namamatay si Ram.

"’O, bakit nandito pa ’to? Akala ko ba patay na ’to.’ Ganyan. ’Ba’t nakauwi pa ’to?’"

Salaysay pa ni Glaiza, Oktubre 29 daw nang tawagan siya ni Ryan at sabihing patay na si Ramgen.

Ang pumatay raw ay isang dating militar na inupahan nina Gail.

POSSIBLE STATE WITNESS. Sa Huwebes, Nobyembre 24, ay nakatakdang sumipot sa piskalya sina Glaiza at Norwin para isumite ang kanilang sinumpaang salaysay.

Ang sinumpaang salaysay ni Glaiza ang hinihintay ng Parañaque police para matukoy kung dapat nga ba nilang sampahan ng kaso si Gail.

Ayon kay Chief Inspector Enrique Sy, head ng Task Force Ramgen, "Wala pa po kaming kopya noon. Hindi pa po siya [Gail] maituturing na suspect."

Ayon naman sa abugado nina Glaiza at Norwin na si Atty. Claire Castro, dapat maging state witness daw sa kaso ang kanyang mga kliyente.

"Wala silang participation. Parang nagkaroon lang sila ng information tungkol sa plano because naikukuwento sa kanila," sabi ni Atty. Castro.

Tumanggi namang magsalita ang kampo ng mga Bautista/Revilla tungkol sa mga ibinunyag ni Glaiza hangga’t hindi pa naisusumite ang sinumpaang salaysay nito at ng nobyong si Norwin.

Panawagan naman ng pulisya, sumuko na sana si Ryan, o alyas Bryan, upang mas malinawan ang kaso at makumpirma ang mga inihayag ni Glaiza.

"ALYAS BRYAN" IS GAIL’S FRIEND. Sa report naman ng primetime news ng GMA-7, ang 24 Oras, na napanood din kagabi, maging ang social networking site na Facebook ay ginagamit na rin ng pulisya sa pag-iimbestiga sa kaso.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa isang fanpage sa Facebook—na hindi kilala ang gumawa at namamahala—naka-post ang video ni Gail nang ikasal kay Hero Furoyama nitong June 23.

Ayon sa Task Force Ramgen, isa sa mga bisita sa naturang kasal ang pinaghahanap pa ring suspek na si Ryan Pastera, o alyas Bryan.

Sinasabing malapit na kaibigan daw nina Hero at Gail si Ryan.

Kinumpirma naman ni Chief Inspector Ferjen Torred ng Task Force Ramgen na si Ryan, o alyas Bryan, nga ang nasa video.

Aniya, "Si Ryan nandidiyan. Oo, nandidiyan sa video."

Dagdag naman ni Senior Superintendent Billy Beltran, malaking tulong ang video sa pag-a-identify kay "alyas Bryan."

Sabi ni Senior Superintendent Beltran, "Very helpful because mas clear ang images ng mga taong maaaring... hindi ko masabing involved, but can be helpful as a reference din talaga.

"And we will see kung gaano siya ka-material as we progress in the imbestigation."

Ayon naman sa personal assistant ni Ramgen na si Ronaldo Ancajas, hindi dumalo ang yumaong aktor sa kasal nina Gail at Hero dahil sa alitan ng magkakapatid.

May ilan ding hawak na litrato ang Task Force Ramgen na isinumite sa piskalya.

Dito ay kinilala ng testigong si Ruel Puzon si Ryan bilang si alyas Bryan.

Sa litrato, kasama ng ilang magkakapatid na Bautista si alyas Bryan.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN