Tween Hearts’ Teejay Marquez wins Best New Male TV Personality at Star Awards for TV; dedicates "unexpected" victory to grandma who raised him

Teejay Marquez on winning Best New Male TV Personality at Star Awards for TV: "Bigla akong nanlambot at hindi ko alam ang gagawin ko, nablanko talaga ako. Kung ano na lang yung nasa isip ko, yun yung lumalabas sa bibig ko. Kumbaga, lahat nung pinagpaguran ko ng seven months...sulit sa nakuha kong award."


Hindi napigilang mapasigaw ng "wow!" ang young actor na si Teejay Marquez nang tawagin ang kanyang pangalan bilang isa sa nanalo sa kategoryang Best New Male TV Personality sa 25th Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC).

Naka-tie ni Teejay si Derrick Monasterio, na kasamahan niya sa Best Youth-Oriented Show winner na Reel Love Presents Tween Hearts.

Sabi ni Teejay sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng awards night, hindi siya umasang manalo dahil sa lineup ng kanyang mga co-nominees—sina Alden Richards, Luigi Revilla, Diego Loyzaga, Hiro Magalona, at si Derrick nga.

Kuwento niya, "Grabe po! Until now, hindi pa rin ako makapaniwala na nanalo ako dahil sobrang bibigat ng mga kalaban ko.

"Ang lakas nga nung sigaw ko ng ’wow!’

"Kasi nung tinawag yung pangalan ko, nakatalikod ako, humahalik ako noon kay Kuya Germs, kasi nakita ko siya sa unahan.

"Bumati ako kina Ma’am Charo Santos at mga kasama niya.

"Galing kasi kaming stage kasi nanalo yung Tween Hearts, tapos kasunod na palang ia-announce yung Best New Male TV Personality.

"Kaya nung unang tawagin yung pangalan ko, hindi ko talaga narinig.

"Si Kuya Germs lang yung nagsabi sa akin na, ’Nanalo ka, akyat ka na.’

"Sabi ko nga sa sa kanya, ’Kuya Germs, panalo ako, wow, panalo ako!’"

UNEXPECTED. Patuloy na kuwento ni Teejay: "Nung umakyat nga ako, nanginginig ako, kasi hindi ko talaga alam na mananalo ako.

"Hindi na nga ako nag-ready ng speech kasi hindi na talaga ako umaasa.

"Kasi sina Derrick at Alden yung matunog ang pangalan na mananalo.

"Pero lagi kong ’dinadasal sa Ina ng Laging Saklolo sa Baclaran at kay Padre Pio na sana manalo ako.

"Hanggang nung gabi bago mag-Star Awards, pumunta ako kay Padre Pio sa Eastwood at hiniling ko sa kanya na sana manalo ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero sabi ng manager ko, if para daw sa akin yung award, ibibigay ni Lord...

"Pero if hindi daw, siguro may ibang plans sila para sa akin.

"Kaya nga nung awards night, hindi talaga ako nag-e-expect.

"Naka-set na sa mind ko na if mananalo ako, kaloob ng Diyos. If not, alam kong may ibang plans Siya sa akin."

Ayon pa kay Teejay, dumalo siya sa awards night dahil nominado siya at ang programa nilang Tween Hearts sa kategoryang Best Youth-Oriented Show.

"Kumbaga, handa na ako na manalo man o matalo, at least pinahalagahan ko yung nominasyong ’binigay ng PMPC sa akin.

"Yun kasi ang sabi ni Kuya Germs, ’Kapag nominado ka, um-attend ka. Manalo ka man o hindi, at least nandun ka.’

"Kaya nga nung nanalo ako, iba yung feeling, grabe talaga!

"Para aking nanalo sa lotto!" tawa niya.

Dagdag pa ni Teejay, "Bigla akong nanlambot at hindi ko alam ang gagawin ko, nablanko talaga ako.

"Kung ano na lang yung nasa isip ko, yun yung lumalabas sa bibig ko.

"Kumbaga, lahat nung pinagpaguran ko ng seven months...sulit sa nakuha kong award.

"Sabi nga nila, minsan ka lang dadaan sa Best New... Pag di ka nanalo, Best Actor na yung next na puwede kang ma-nominate at manalo.

"Kaya nga sabi ko, ma-nominate lang ako, happy na ako, at bonus na pag nanalo ako.

"And with God’s will, nanalo po ako, kaya sobra-sobrang pasasalamat ko."

FOR TEEJAY’S LOLA. Bukod sa mga taong may kinalaman sa kanyang career, pinasalamatan din at inaaalay ni Teejay ang kanyang unang award sa kanyang lola.

Hindi nga raw naiwasang maluha ni Teejay nang tawagan niya ang kanyang lola para sabihing nanalo siya, dahil naiyak daw ang lola niya habang kausap siya.

Saad ng binata, "Naiyak ako kasi narinig ko umiiyak yung lola ko sa sobrang saya, kasi nanalo ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa kanya ko kasi inaalay yung award ko at lahat ng magagandang nangyayari sa career ko.

"Siya kasi ang nag-alaga sa akin simula bata pa lang ako hanggang ngayon.

"Yung lola ko kasi yung buhay ko, kasi sa kanya ko naramdaman ang pagmamahal.

"Kasi, siya ang naging gabay at kasama ko sa paglaki ko.

"Kapag may maganda kasing nangyayari sa career ko, yung lola ko ang unang sumasaya.

"Lagi niyang sinasabi sa akin na mahalin ko yung trabaho ko at mga taong tumutulong at nagmamahal sa akin, kasi pagtanaw daw yun ng utang na loob.

"Matanda na yung lola ko kaya gusto ko siyang maging masaya.

"Gusto ko na sa bawat success na makukuha ko ay kasama ko siya.

"Siya na kasi ang naging nanay at tatay ko at lola pa, kaya naman mahal na mahal na mahal ko siya."

LINEUP OF PROJECTS. Sa kasalukuyan ay napapanood si Teejay sa tatlong programa ng GMA-7: Tween Hearts, Ikaw Lang Ang Mamahalin, at Walang Tulugan With The Master Showman.

Nakatakda rin siyang magbida sa isang malaking musical play.

Pero ayon kay Teejay, "Ayaw ko po muna sabihin yung title ng musical play at kung sino-sino yung makakasama ko hangga’t hindi pa kami nagre-rehearse baka kasi ma-preempt."

Gagawa rin si Teejay ng isang international film kung saan makakasama naman niya ang ilang foreign actors.

"Ipapalabas yun dito at sa abroad, at makakasama ko yung ibang mga artistang Pinoy at mga foreign artist.

"Pero dito sa Pilipinas gagawin yung shooting," banggit niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN