Richard Gomez excited about pairing up anew with Dawn Zulueta in teleserye; enjoys game show stint with TV5

Richard Gomez on former love team partner Dawn Zulueta: "Basta ang masasabi ko, masarap na katrabaho si Dawn. Magaling na artista. Very professional."


Nakakatuwang makitang muling magkasama sina Richard Gomez at Dawn Zulueta.

Sila ay isa sa mga naging magkapares na nag-host ng katatapos na 25th Star Awards For Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC) noong Martes, Nobyembre 22, sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila.

Kasama rin nilang nag-host sina Piolo Pascual at Shamcey Supsup.

REUNITED. Matatandaang ang tambalang Richard at Dawn ang isa sa mga pinakamainit na loveteams noong 1990s.

Mula sa tambalang pampelikula ay tuluyan na ngang humantong sa pag-iibigan ang relasyon ng dalawa, simula noong gawin nila ang pelikulang Hihintayin Kita Sa Langit noong 1991, na idinirehe ni Carlitos Siguion-Reyna.

Hindi man nagkatuluyan sina Richard at Dawn, napanatili nila ang magandang samahan bilang magkaibigan magpa-hanggang ngayon, kahit na may kanya-kanya na silang pamilya.

Nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Richard noong mismong gabi ng Star Awards, naikuwento nito ang pananabik niya sa pagbabalik-tambalan nila ni Dawn sa pinakabagong teleserye ng ABS-CBN.

"Next week, we’re starting to tape na sa ABS-CBN yung Walang Hanggan," panimula ni Richard.

"Working again with Dawn? It’s nice.

"It brings back memories. Oo.

"Basta ang masasabi ko, masarap na katrabaho si Dawn. Magaling na artista. Very professional.

"At saka ang haba rin ng pinagsamahan namin ni Dawn, e.

"No’ng first time na nag-meet kami... parang story conference ’yon. It was nice. It was nice to see her again.

"Kasi no’ng nag-separate kami noon ni Dawn, magkaibigan kami, e."

Ano ang una niyang naramdaman noong sinabihan siyang makakatrabaho niyang muli si Dawn?

"Na-excite ako!" ani Goma.

Ano naman ang naging reaksiyon ng kanyang asawang si Congresswoman Lucy Torres-Gomez sa muling pakikipagtrabaho niya kay Dawn?

"Si Lucy, kaibigan naman niya si Dawn, e.

"At saka ’yong asawa ni Dawn—si Anton Lagdameo—magkatrabaho rin sila ni Lucy sa Congress.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi Congressman na rin ang asawa ni Dawn," paliwanag ng aktor.

BEST OF BOTH WORLDS. Sa TV5, katatapos lang din niyang gawin ang bagong show niyang The World’s Biggest Game Show, at kakagaling lang niya sa Malaysia para mag-taping.

"I am very fortunate that I was able to work for both stations. Basta hindi lang conflicting ’yong shows," masaya niyang sabi.

Wala siyang exclusive contract sa TV5 o sa ABS-CBN, so puwede pa rin kaya siyang gumawa ulit ng project sa GMA-7 kung may offer?

"Hindi ko iniisip ngayon ’yon. Kasi I’m very busy with ABS and TV5, e," pag-amin ni Richard.

Aware ba siya na may isyung hindi raw siya kuntento sa TV5 kaya tumanggap siya ng project sa ABS-CBN?

"E, alam mo naman ang ibang tao, may masabi lang.

"Basta ako, I’m very happy with what I’m doing now," diin niya.

Bukod sa kanila ni Dawn, sino pa ang ibang artistang makakasama nila sa Walang Hanggan?

"Sina Susan Roces, Eddie Gutierrez, Helen Gamboa... Tapos, sina Coco Martin, Paulo Avelino... Melissa Ricks.

"Sa story, ano kami ni Dawn... hindi kami mag-asawa, pero nagkaanak kami."

Bukod sa nabanggit na teleserye ay mayroon pa ring ginagawang pelikula si Richard.

Aniya, "May tinatrabahong script ngayon. Hindi ko alam kung kakayanin kong gawin, e.

"Kasama ko si Piolo [Pascual] do’n, si Dingdong [Dantes]... sa production ito ni Erik Matti.

"Parang good guys, bad boys ang tema ng pelikula. It’s a police story."

POLITICS. Tungkol naman sa politics, wala raw planong tumakbo si Richard sa susunod na eleksiyon.

"Ando’n na si Lucy, e.

"Lucy is doing very well sa trabaho niya.

"When Lucy won, yung rating namin sa distrito doon sa buong region... we were No. 14.

"In one year’s time, naging number one yung district ni Lucy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ayon sa DPWH, ha!" pagmamalaki niya.

Dagdag pa ni Goma, "And masaya na akong tumutulong kay Lucy."

Kailan naman niya maiisip na muling tangkaing pumasok sa pulitika?

"Hindi natin alam kung kailan. Kung mabigyan tayo ng pagkakataon.

"But for now, si Lucy muna. May three terms naman, e.

"And next time na manalo si Lucy, senior member na siya ng House.

"Kasi ngayon ano na siya, e, assistant majority leader na si Lucy.

"Ang bilis!

"She’s doing very, very well sa Congress.

"And alam ko, masipag naman talaga siya, e.

"And she’s really enjoying her work sa Congress."

NEXT BABY? Halos dalagita na ang unica hija nila ni Lucy na si Juliana. At hanggang ngayon ay talagang nahihirapan pa rin sila na masundan ito.

"Oo nga, e," iling niya.

"We’ve been wanting to have another one. Kaya lang, natatagalan, e."

Gaano kadalas ba kasi ang intimacy nila ni Lucy?

"Intimacy? E, gabi-gabi, katabi ko si Lucy, e!" natawang sabi ng aktor.

Pero hindi pa rin nga sila makabuo?

"Wala, e. Hindi pa ibinibigay ng Diyos.

"Maghihintay na lang. In God’s time."

CHRISTMAS PLANS. Ano naman ang plano nila for Christmas?

Saad ni Richard, "Dahil congresswoman si Lucy, definitely we’ll be there sa distrito niya sa Ormoc, Leyte.

"Mahirap talaga na maging public servant.

"But the good thing about it, nakikita mo talaga na kapag nakakatulong ka sa tao, lalo na doon sa Ormoc na ang daming mahirap na tao at mga walang trabaho.

"So, kung ano ’yong kayang gawin namin, ibinibigay namin sa kanila."

Normal na sa karamihang politicians ang makatanggap ng death threats. Si Lucy ba’y nakaka-experience din ng gano’n?

"Wala," sagot ni Richard.

"Mabait naman kami. Hindi kami nang-aaway ng tao.

"Basta kung ano ’yong trabaho at mga tungkuling dapat gawin, iyon lang ang sa amin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN