Angeline Quinto understands delay of launching movie with Coco Martin; laughs off lesbian rumor about her

Angeline Quinto on finding love: "Kung sakaling darating yung lalake na para sa akin, e, di gora! Pero kung wala, e, di wala. Focus muna ako sa trabaho."


Naging maganda ang 2011 para sa singer na si Angeline Quinto, at positibo rin siya sa pagpasok ng taong 2012.

Pagkatapos niyang manalo sa singing search na Star Power, sunud-sunod ang mga proyektong ibinigay sa kanya ng ABS-CBN.

Marami rin siyang tinanggap na awards mula sa iba’t ibang award-giving bodies dahil sa kanyang husay sa pagkanta.

Saad ni Angeline, "Ang 2011 ang masasabi ko talaga na ito yung taon na para sa akin.

"Dun nag-umpisa ang lahat, dun ako nanalo sa Star Power.

"Naramdaman ko na tuluy-tuloy ang blessings ko.

"Nag-start yung movie ko with Coco [Martin], dun ko nalaman na may talent ako sa pag-arte.

"Marami akong natanggap na awards...sampu yata—Song of the Year, Best New Female Artist, etc.

"So, sobrang thankful ako for 2011.

"For 2012, nilu-look forward ko na sana mas marami pa akong awards na makuha kasi gustung-gusto ko talaga ang nakakatanggap ng awards.

"Sana mas marami pang projects ang dumating para mas lalo ko pang mapabuti ang pag-arte.

"Gusto ko talagang mahasa ang pag-arte ko."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Angeline sa backstage ng ASAP 2012 noong Linggo, January 8.

MOVIE WITH COCO. Gaya ng nabanggit ni Angeline, isa sa tinatapos niyang proyekto ay ang pelikulang pinagtatambalan nila ni Coco Martin, ang You Light Up My Life.

Pero balitang nahinto raw muna ang shooting nito dahil abala ngayon si Coco sa seryeng Walang Hanggan, na magsisimula na sa Enero 16.

Tinanong ng PEP si Angeline tungkol sa pagkakaantala ng pelikula nila ni Coco.

Aniya, "Naiintindihan ko naman yun kasi yun ang bagong teleserye ng ABS ngayong 2012.

"Nag-usap naman kami ni Coco tungkol diyan, pero sana matuloy na yung movie namin this summer."

Hindi ba siya kinakabahan na baka makaapekto sa pagtanggap ng publiko sa team-up nila ni Coco ang pakikipagtambal ng aktor kay Julia Montes sa Walang Hanggan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Regarding kay Julia, hindi ko iniisip yun.

"Alam ko na pag-arte ang isa sa mga pinakamahal ni Coco kaya iniintindi ko na lahat trabaho yun.

"Saka desisyon yun ng ABS-CBN," saad ni Angeline.

Hindi ba siya nakakaramdam ng selos, lalo’t nali-link din ngayon si Coco kay Julia? Open kasi si Angeline sa pagsasabing crush niya ang mahusay na aktor.

Sabi ng singer, "Gaya ng sinabi ko, trabaho yun.

"Kung ako ay magseselos nang ganun-ganun, ng walang dahilan, marami ang magagalit sa akin."

Kinumusta rin namin kay Angeline ang friendship nila ni Coco, at kung binigyan ba siya ng regalo ng aktor noong nakaraang Pasko.

"Mabuti naman," nakangiting sabi niya.

"Nung New Year, nag-greet naman kami sa isa’t isa.

"Kaya lang nung Pasko, hindi ako naka-greet sa kanya kasi medyo nagpapahinga ako.

"Wala siyang gift sa akin at okay lang yun."

"BABAE PO AKO." Sa kabila ng pagiging bukas ni Angeline sa malalim na paghanga niya kay Coco, may intriga namang kumukuwestiyon sa gender ng singer.

Bagay na pinagtawanan lamang ni Angeline.

Aniya, "Alam naman ng mga tao na babae naman talaga ako.

"Kung napapansin nila na medyo boyish ako, ganun lang talaga ako.

"Hindi ko naman ikinahihiya na laking-Sampaloc ako at laki din ako sa kalye.

"Siguro yung iba, nami-misinterpret nila ako, pero hindi ko ikinahihiya kung saan ako nanggaling."

Bukas din daw si Angeline sa tawag ng pag-ibig, pero hindi siya nagmamadali.

"Kung sakaling darating yung lalake na para sa akin, e, di gora!" pabakla niyang sabi.

Dagdag pa niya, "Pero kung wala, e, di wala. Focus muna ako sa trabaho."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN