Lani Mercado keeps mum on status of son Jolo Revilla’s relationship with Kris Bernal; will take a break after Amaya

Lani Mercado on her children’s lovelife: "Mabuti yung ipinapakilala. May mga times na itinatago. May times na ipinapakilala. Basta, pinapayuhan lang namin sila na huwag na munang masyadong seryoso."


Naging abala ang actress-politician na si Lani Mercado sa pagtatapos ng 2011.

Bukod sa pagiging congresswoman niya sa Cavite, naging abala rin si Lani sa naging entry ng Imus Productions sa Metro Manila Film Festival 2011 na Panday 2, kunsaan bida ang mister niyang si Senator Bong Revilla.

Pero hindi nagtapos sa taong 2011 ang pagiging busy ni Lani dahil pagpasok ng 2012, sunud-sunod naman ang taping niya para sa magwawakas na epic-serye ng GMA-7 na Amaya.

Kahapon, January 10, ang last taping day ng Amaya na hanggang sa Biyernes, January 13, na lamang mapapanood.

May sampung buwan ding tumakbo ang primetime series na ito ng Kapuso network.

Hindi na rin nakasama si Lani sa pagbabakasyon ni Senator Bong sa ibang bansa dahil sa commitment niya sa Amaya.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainemnt Portal) at iba pang press si Lani sa taping ng Amaya sa Marilao, Bulacan, noong January 6.

Aniya, "Heto, busy kami.

"Ang akala ko, makakaalis ako ng January 5. E, hindi pala ako makakaalis ng January 5.

"Sasama sana kami kay Sen [Bong] para magbakasyon.

"Kaya lang nga, paano ba naman magbabakasyon, tinatapos ito [Amaya].

"Tapos, kailangan ko rin hintayin si Jolo para sa pagpapa-check-up niya.

"Isa pa, si Yna, manganganak ng a-treinta.

"So, obligado akong nandoon.

"So, paano ko magagawa ang mga bagay-bagay na ’yan?" natatawang sabi niya.

Sina Jolo at Yna ang dalawa sa natitirang anim na anak nina Bong at Lani.

Lalake raw ang second baby ni Yna at ng asawa nitong si Vince del Rosario, kung kaya’t may babae at lalake na raw siyang apo kay Yna.

AMAYA. Sa Amaya, si Lani ang gumaganap bilang Dal’lang, ang tunay na ina ni Amaya (Marian Rivera).

May mga mami-miss ba siya sa naturang epic-serye?

"The company. At yung pag-arte, siyempre nakaka-miss yun.

"Yung paggawa ng magandang proyekto na katulad nito," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang mga aasahan ng mga manonood kay Dal’lang ngayong mga huling araw ng Amaya?

"Makakapiling niya na ang anak niyang si Amaya. Finally, hanggang huli," nakangiti niyang sabi.

Hindi raw in-expect ni Lani na aabot sila hanggang sampung buwan sa ere.

Sabi ng aktres, "Originally, hanggang November lang kami.

"Umabot na ng Pasko. Umabot na ng Enero.

"Pero walang regrets. Natutuwa ka na nakapagbigay ka ng magandang programa.

"First epic-serye.

"At least, napapakita natin na kung nagagawa ng Korea, nagagawa rin natin bilang mga Filipino.

"Sana bilhin din ang programa na ito sa ibang bansa.

"Kasi, kung nabibili ang mga Korean telenovela na akma sa kultura nila, bakit hindi naman natin puwedeng ibenta ang kultura ng Pilipinas?"

Saan siya higit na naging proud sa Amaya?

"Naipo-promote natin ang kultura natin na bihirang-bihirang mangyari sa isang proyekto.

"Lumalapit sa ’yo ang mga tao.

"Naa-appreciate nila ang pagpu-promote niyo ng mga lumang Filipino, kasuotan, hitsura...

"Na kahit sabihin mo sa iba, kapag kultura ang pinag-usapan, ’Ay, boring ’yan.’

"Pero sa iba, very enthusiastic sila, excited sila.

"Natutuwa ako kapag yung mga kasama kong Kongresista, nilalapitan ako.

"’Tapos yung mga salitang ginagamit ninyo, sinasabi rin namin ’yan sa Bisaya.’

"May mga ganoon, e. So, nakikita mo.

"Like, pumunta ako recently sa CDO [Cagayan de Oro] at Iligan, sinisigaw nila Amaya. ’Tapos Dal’lang ang tawag sa ’yo.

"Lalo na sa Muslim group, kultura nila, nakikita nila.

"Napu-promote mo in this type of program yung kultura natin."

SETTLE DOWN. Dapat sana ay may kasunod nang proyekto si Lani pagkatapos ng Amaya. Kasama raw siya dapat sa afternoon soap na Hiram Na Puso, pero nag-beg off muna siya rito.

Kahit si Senator Bong daw kasi ay sinabihan siya na magpahinga muna.

Saad pa ni Lani, "Magse-settle down muna ako. Titingnan ko muna ang schedule.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kapag nakapagpahinga na, puwede namang magsimula.

"Basta, huwag lang tatamaan ang preparasyon dahil after 2012, election na ulit."

Tatakbo ba siyang muli bilang congressman ng second district ng Cavite?

Sagot ni Lani, "Kapag alam ko kung kailangan pa ako ng mayor ko at ng bayan ko.

"At saka magiging siyudad pa lang kami this year, crossing our fingers.

"Tuloy na ’yan. Hinihintay lang namin ang plebesito.

"Magiging siyudad pa lang kami nitong taon na ito at ang implementation ng budget niyan, sa 2013."

LANI’S MANY ROLES. Paano niya nagagawa ang lahat ng obligasyon niya bilang asawa, ina, lola, aktres, at pulitiko?

Nakangiting sabi ni Lani, "Dahan-dahan. Kailangan huminga.

"Kaya nga pinapag-break ako ni Bong.

"Pero secret? Wala.

"Kapag dinidikta ng katawan mo na kailangan mong magpahinga, pagod ka na, magpahinga ka.

"Don’t overwork yourself.

"Kapag alam mong may sakit ka, pahinga ka.

"Kung kailangang sabihin na break muna ako, mag-break ka.

"Ayokong i-pressure ang sarili ko. Kasi, ako ang nag-aalaga sa mga may sakit sa bahay.

"Kaya I always tell myself, ’Kapag ikaw ang nagkasakit, sino ang mag-aalaga sa ’yo?’

"Kaya ayoko."

JOLO & KRIS. Hindi rin naiwasang maitanong kay Lani ang tungkol sa anak na si Jolo Revilla, at ang balitang pagkakamabutihan nito sa Kapuso young actress na si Kris Bernal.

In fact, last New Year, isinama ni Jolo si Kris sa gathering ng kanilang pamilya.

Pinatotohanan din naman ito ni Lani.

Aniya, "Nandoon siya [Kris] noong New Year, kasama namin.

"Tapos, lumabas sila. After the countdown.

"I think, that was after the countdown."

Nagtapat na ba si Jolo sa kanya kung anuman ang namamagitan sa kanila ni Kris?

Natatawang sagot ni Lani, na halatang umiiwas, "A, birthday ni Gab sa January 13.

"Yun lang ang masabi ko. May celebration.

"Magsi-seven years old na siya. Inaayos namin ang celebration ngayon."

Nagbago raw ulit ang venue nila para sa 7th birthday ni Gab dahil two weeks preparation na raw sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Naging very busy talaga kami noong Pasko, tapos naging abala rin sa MMFF.

"So, ngayon naman, baka sa Alabang Country Club gagawin."

Kumusta naman sila ng isa pang lola ni Gab na si Rosanna Roces?

Ayon kay Lani, "Bihira kaming magkita ngayon ni Osang at magkaroon ng communication.

"Si Gab, hiniram ni Grace noong Pasko. Nasa kanya si Gab noong Christmas.

"Okay naman, wala namang problema.

"Actually, invited din sila sa birthday ni Gab."

Si Grace ang ina ni Gab at anak ni Rosanna.

HER CHILDREN’S LOVELIFE. Pagkatapos nito ay muli naming ibinalik ang tanong tungkol sa lovelife ng mga anak ni Lani.

Ang mga ito ba ang tipo na nagtatapat sa kanila kung sino ang mga karelasyon nila?

"Nagsasabi naman sila lalo na kapag kailangan nila ng mga advices namin," sagot ni Lani.

Naa-appreciate naman daw ni Lani kapag ipinapakilala sa kanila ang mga karelasyon ng mga ito.

Sabi pa niya, "Mabuti yung ipinapakilala.

"May mga times na itinatago. May times na ipinapakilala.

"Basta, pinapayuhan lang namin sila na huwag na munang masyadong seryoso.

"Although si Bryan, hindi mo maaano dahil 25 years old na.

"Sinasabi ko sa kanila, ’Kung kaya n’yo nang magpagawa ng bahay at kaya n’yo nang bumuhay ng pamilya, sige, mag-asawa kayo. Pero kung aasa kayo sa amin, hindi naman siguro tama yun.’"

Sa mga ipinakikilala sa kanya ng mga anak, lahat ba ay okay sa kanya?

"Siyempre, hindi mo maiaalis na meron kang gusto, meron kang hindi.

"Pero yung sinasabi ko palagi, more on pagpuna sa anak ko.

"Kasi, sinasabi ko, ’Serious na ba ’yan? Baka mamaya, hindi.’

"So, ang pagpuna, sa anak ko. Hindi sa kasama niya."

Kumusta si Kris na nakasama nila noong New Year?

"Wala naman akong masabi. Maganda naman...

"Si Kris, nakatrabaho ko na, kasama si Aljur Abrenica noon, All My Life.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakitaan ko na mahusay ang bata. May talento sa pag-arte.

"Sweet si Kris. Magandang bata.

"So, wala naman akong itulak-kabigin," sabi ni Lani.

Sina Jolo at Kris na ba?

Natatawang sagot ni Lani, "Tanungin ninyo ang dalawa!

"Kasi, first time ko na makitang magkasama ang dalawa noong New Year."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN