Coco Martin on prediction he will father Kris Aquino’s child: "Siguro malabong mangyari ’yon."

Coco Martin says it’s hard for him to be in a romantic relationship right now. He explains, "’Yon nga ang ’kinatatakot ko, baka kapag nahaluan ng relasyon, napapabayaan ko na ang trabaho ko. Wala, mahirap. Hindi ko kayang hatiin, e. Hindi ko kayang pagsabayin."


Malabo raw mangyaring magkaroon ng relasyon sina Coco Martin at Kris Aquino.

Naging usap-usapan kasi ang hula kay Kris Aquino na magkakaanak siya ngayong 2012—at ang magiging ama ng kanyang anak ay ang tinaguriang Prince of Local Indie Films.

Pero hindi raw binigyan-pansin ni Coco ang hula.

"Siyempre, kanya-kanyang prediksyon naman ’yon, kanya-kanyang hula ng mga tao.

"Sabi ko nga, napakalaki ng respeto ko kay Ms. Kris at sa pamilya Aquino.

"Siguro malabong mangyari ’yon," nakangising sabi ni Coco.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si Coco sa press conference ng Walang Hanggan kagabi, Enero 10, sa 9501 restaurant sa ABS-CBN compound, Quezon City.

Hindi rin daw sineryoso ng aktor ang sabi ni Kris na: "Maghanda ka na!"

Binitawan ni Kris ang salitang ito nang mag-guest siya sa Gandang Gabi Vice noong Linggo, January 8.

Ayon kay Coco, "Nagbibiro lang ’yon. Palabiro ’yon, e."

Diin pa ng aktor, "Parang pamilya na rin kasi ang turing sa akin ni Ms. Kris.

"Kumbaga, ate ko ’yan, e. Parang respeto ko ’yan, parang imposible. Sobrang malabo."

Ayon kay Coco, totoong naging mas malapit siya kay Kris, na dating co-star niya sa teleseryeng Kung Tayo’y Magkakalayo

WORK FIRST. Diin pa ni Coco, wala talaga siyang panahon ngayon na makipagrelasyon dahil sobrang abala siya sa trabaho.

Bukod sa halos araw-araw na taping para sa Walang Hanggan, mayroon pa rin siyang paminsan-minsang out-of-town show.

"Mahirap pagsamahin, e. Schedule pa lang, hindi na uubra.

"At saka, iba kasi akong magtrabaho.

"Sabi ko nga, dinidibdib ko masyado ang trabaho kasi, baka mamaya, wala na.

"Ayaw ko lang pasukan ang isang bagay na hindi ko naman kayang panindigan."

Dagdag pa ng aktor, "’Yon nga ang ’kinatatakot ko, baka kapag nahaluan ng relasyon, napapabayaan ko na ang trabaho ko.

"Wala, mahirap. Hindi ko kayang hatiin, e.

"Hindi ko kayang pagsabayin [ang trabaho at relasyon]."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa kay Coco, magpo-focus muna siya sa trabaho para sa kanyang pamilya.

"Kapag natapos ko na siguro, naayos ko na ang family ko, ang iintindihin ko na ay sarili ko.

"Para mabigyan ko naman ng time, para mapaligaya ko naman ang sarili ko.

"Sa ngayon, wala talaga akong time," saad niya.

WORKING AGAIN WITH JULIA. Sa presscon, hindi naiwasang usisain muli si Coco tungkol sa napabalita noong niligawan niya ang kapareha niya ngayon sa Walang Hanggan na si Julia Montes.

Natawa si Coco at agad sinabing, "Hindi naman! Ilang taon pa lang si Julia noon!"

Pagkatapos ay ikinuwento ng 30-year-old actor, "I think noon sa Channel 13, noong hindi pa kami ganito ka-established, magkasama na kami sa Pangarap Kong Jackpot.

"Dalawang beses na yata kami magkatrabaho. Nagkakasama kami."

Sa muling pagsasama nila sa isang proyekto, sabi ni Coco, "Natutuwa ako kasi ano siya, e, mabait, magaling, at saka professional siya sa work niya.

"Siyempre, kumbaga, gusto namin maging smooth ang trabaho namin."

Tinitiyak din ni Coco na aalagaan niya ang kanyang 16-year-old leading lady sa Walang Hanggan.

"Sobrang alaga talaga ang ginagawa ko kay Julia.

"Siyempre, may mga intimate scene na ginagawa kami, ’pinararamdam ko kung gaano ako ka-professional pagdating sa trabaho.

"Ayaw ko naman na ma-offend siya. Baka mamaya isipin niya I’m taking advantage.

"Nakakatuwa rin kasi nagse-sharing kami ng mga idea sa trabaho namin."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN