Coco Martin, on his role as Daniel in Walang Hanggan: "Susubukan ko naman ngayong magpa-ibig."

"Nung nagsisimula kasi ako sa indie, nilalait nga ako, e. Para daw akong Sto. Nino’ng gala lang. Mahirap baguhin. Hindi nila alam kung saan ako ilalagay. Kaya nung time na medyo kini-criticize akong gano’n...inaral ko, ’Paano ko ba babaguhin ang look ko?’ Kaya everytime na may bagong project ako, pinag-aaralan ko talagang ibahin yung hitsura ko. Pinag-aaralan ko talaga yung project ko," says Coco Martin.


"A true phenomenon."

Ito ngayon ang ibinabansag sa matinee idol na si Coco Martin.

Pagtukoy ito sa naiiba o natatangi niyang kasikatan, base sa mainit na pagtanggap ng publiko sa anumang proyektong kinasasalihan niya.

Muling nasaksihan ang ganitong pagtangkilik ng publiko sa ginanap na red-carpet celebrity screening ng pinagbibidahang teleserye ni Coco sa ABS-CBN, ang Walang Hanggan.

Sa nasabing premiere noong Sabado ng gabi, January 14, sa SM Megamall Cinema 6, pinakamalakas at paulit-ulit ang tilian ng mga kabataang manonood sa mga romantikong eksena ni Coco at ng kapareha niyang si Julia Montes.

"Sobrang saya! Napaka-blessed ko para makasali dito," sabi ni Coco sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) matapos ng screening.

Ano nga ba ang mga panibagong paghamon kay Coco ng bagong teleserye?

O sabihin nang challenge sa karakter na ginagampanan niya rito, si Daniel, ang ulilang inampon ng mayamang haciendero, na ginampanan naman ng award-winning actor na si Joel Torre?

"Malaking challenge po sa akin, dahil iba naman ang character ko dito," sagot ng aktor.

"Mas bata yung character kumpara sa mga nagawa ko na.

"Dati kasi, medyo mature na ang mga characters ko—sundalo o kontrabida na matitindi ang mga karanasan sa buhay."

Ang tinutukoy ni Coco ay ang mga tauhan niya sa mga teleseryeng Tayong Dalawa (2009), Kung Tayo’y Magkakalayo (2010), at Minsan Lang Kita Iibigin (2011)

Bawat tauhang ginampanan ni Coco sa mga teleseryeng nabanggit ay nagdulot sa kanya ng panibagong antas ng pagtangkilik at popularidad, at mga pagkilala at karangalan sa pagganap.

Pero excited daw siya sa Walang Hanggan dahil sa mas maigting na romance angle ng kuwento.

"Yung romance-drama na para talaga sa mga teenagers.

"Susubukan ko naman ngayong magpa-ibig," nakangiting banggit pa niya.

Kasama nina Coco at Julia na nag-imbita sa mga manonood—na dumagsa sa nasabing venue—ang halos lahat ng cast ng teleserye: Susan Roces, Helen Gamboa, Eddie Gutierrez, Richard Gomez, Dawn Zulueta, Joem Bascon, Melissa Ricks, at Paulo Avelino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagbigay-suporta rin sa cast ng bagong soap opera ang ilan pang Kapamilya stars na sina Kris Aquino, Vice Ganda, at Richard "Papa Chen" Yap.

Kasama nina Richard at Dawn and kani-kanilang real-life partners na sina Lucy Torres-Gomez at Anton Lagdameo, respectively.

Nagsimulang ipalabas ang Walang Hanggan kagabi, January 16.

Base sa overnight People ratings ng AGB Nielsen sa Mega Manila households, nakakuha ang pilot episode ng Walang Hanggan ng 12.5 percent.

COCO ON KRIS TV. Noong January 13, Biyernes, nag-guest si Coco sa daily morning show ni Kris Aquino, ang Kris TV.

Sa umpisa ng programa, bilang pag-introduce sa special guest-actor, nagbigay ng "mini-tribute" kay Coco si Batangas Governor Vilma Santos-Recto.

Among other accolades, nabanggit ni Governor Vi ang pagiging mahusay na aktor ni Coco.

"Isa si Coco sa pinakamahuhusay nating young actors sa ngayon, at napatunayan ko ’yan nang mag-guest siya sa TV special na ginawa ko," pagtukoy ni Vilma sa ginawang docu special, sa panahong nagsisimula pa lang sa Dos si Coco.

Tuwang-tuwa naman si Kris sa papuring ipinagkaloob ni Vilma kay Coco.

Tanong ni Kris kay Coco, "When you went into the [show] business, na-feel mo ba talaga na may inborn talent ka, o na-develop lang?"

Sagot nito, "Honestly, wala. Kasi wala akong background sa acting.

"Sa family ko, wala namang nag-artista.

"At saka nung nagsisimula kasi ako sa indie, nilalait nga ako, e.

"Para daw akong Sto. Nino’ng gala lang. Mahirap baguhin.

"Hindi nila alam kung saan ako ilalagay.

"Kaya nung time na medyo kini-criticize akong gano’n...inaral ko, ’Paano ko ba babaguhin ang look ko?’

"Kaya every time na may bagong project ako, pinag-aaralan ko talagang ibahin yung hitsura ko.

"Pinag-aaralan ko talaga yung project ko."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN