PEP SPECIAL REPORT Part 2: Janelle Manahan on Ramgen Revilla’s siblings: "Walang tears, walang panic, walang grieving..."

Ito ang latest photo ni Janelle Manahan. Paralisado pa rin ang kanyang kanang pisngi, pero mas mabuti na raw ang kundisyon niya ngayon.

Nabaril ang kanyang mukha noong October 28, 2011, ang araw rin kung saan pinaslang ang nobyong si Ramgen Revilla.


Marami ang nagbago sa buhay ni Janelle Manahan mula nang sapitin ang trahedyang sumira sa kanyang mukha at kumitil sa buhay ng nobyong si Ramgen Revilla.

Hindi na raw siya malayang nakakalabas ng bahay ngayon dahil guwardiyado siya ng Witness Protection Program ng Department of Justice.

Ito ang ikinuwento niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa eksklusibong panayam sa kanya kahapon, Enero 16.

(CLICK HERE to read related story)

Dagdag ni Janelle, "And instead of [getting] calls now, like casual how-are-you’s, siguro like ’How’s the case?’ or ’How’s you health?’ na."

Maraming oras ang inilalaan niya sa pag-intindi sa kaso kaya naman pakiramdam niya, ang mga nangyayari sa kanya ngayon ay "parang hindi na siya normal for my age."

Inilarawan ng 22-anyos na dalaga na "medyo naging mahirap" ang buhay niya ngayon.

CHANGE OF PLANS. Noon, ang simpleng nais niya ay magpatayo ng sariling negosyo, habang inaayos ang relasyon nila ni Ramgen.

Inasahan rin niyang hahantong ito sa pagpapakasal dahil napag-uusapan na ito sa loob ng limang taon nilang pagsasama.

Ani Janelle, "So now, little by little, hindi ko na iniisip iyong super ahead.

"Now [ang focus ko] ’yong case and I’m planning to go back to school."

Natigil si Janelle sa pag-aaral noong taong 2010 dahil nawalan daw siya ng interes sa kurso niyang export management.

Binabalak niyang lumipat sa fashion design and merchandising—na may kinalaman sa itinatayo niyang online fashion boutique.

Kung hindi nangyari ang trahedya ay nag-enroll sana si Janelle nitong Enero.

Pero mauudlot muna ang kanyang balak habang ongoing ang kaso, na maaaring abutin ng ilang taon.

Aniya, "May mga nakausap kasi ako na parang, ’Sigurado ka, after ng case?’

"Kasi hindi ko naman daw alam kung gaano katagal, kung ilang years. Baka sobrang tagal na hindi pa rin ako nag-aaral.

"So, sabi nila, try ko daw this [semester] kung puwedeng kahit konting units lang, para kahit papaano nakaka-[umpisa] na ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

HANDLING DEPRESSION. Samantala, nag-iba na rin daw ang pananaw ni Janelle sa buhay.

Taliwas sa inaasahan ng marami, mas lalo pa raw siyang naging positibo sa pagharap sa mga pagsubok.

Tila ito ang ginagamit niyang depensa sa sarili upang hindi siya panghinaan ng loob.

"Sobrang big change kasi positive [thinker] na ako before, pero not like this na all the time gusto ko, positive.

"Basta kapag may negative na tao sa paligid ko, ’Ay, ayoko siyang marinig,’ or hindi ko siya kakausapin.

"Kasi gusto ko, positive vibes lang," paliwanag ni Janelle.

Mas lumakas din daw ang kanyang pananampalataya ngayon.

"Ngayon, parang hinahayaan ko na lang Siya. Siya na bahala.

"Kasi Siya naman talaga ’yong may hawak ng life natin.

"So, parang Siya na bahala kung saan ako pupunta, ano’ng direction."

Subalit aminado si Janelle na paminsan-minsan, nakakaramdam pa rin siya ng lungkot at depresyon.

"Ano kasi ako, hindi ako yung...siguro merong point pero hindi ko naman kasi malalaman ’yon.

"[Kung depressed man ako] siguro iyong mga ibang tao ang makaka-observe noon."

Marahil ay nakatulong kay Janelle na huli na nang malaman niyang wala na ang kanyang nobyo.

"Kasi noong nangyari ’yong incident, nasa hospital ako kaagad.

"’Tapos, sinabi lang naman nila sa akin na namatay na si Ramgen a week and a few days after.

"So, nandoon lang ako sa loob ng room, so parang feeling ko, hindi siya totoo.

"Noong lumabas ako, doon nag-start na medyo nagpatong-patong [ang emosyon] na nabaril na nga ako, ’tapos namatay pa [si Ramgen]."

Hindi ba siya nagkaroon ng emotional breakdown?

"Siguro saglit lang, ibinuhos ko lang lahat.

"Pero hindi ko alam yung nakikita ng tao na iba [sa akin].

"Pero kapag kasama ko kasi sila [family], normal ako.

"Not trying to be normal, pero normal.

"Kasi ayoko rin naman malungkot na ’andiyan sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Although may times na bigla na lang akong iiyak, ’tapos pupunta ako ng room.

"One time, nag-lock ako ng room kasi nga gusto ko ilabas lahat.

"So, nag-worry iyong mommy ko na baka daw mag-suicide na ako or something.

"Siguro dahil nakikita nila na sobrang sad ako.

"Pero for me, ayoko ngang ipakita, so hindi ko alam kung dumating ako doon sa point ng depression talaga."

RAMGEN’S SIBLINGS AS SUSPECTS. Noong nabalitaan niya na suspek sa krimen ang mga kapatid ni Ramgen, ano ang naramdaman niya?

"Noong sinabi sa akin ng police, parang bigla na lang akong nanginig, nag-shake, ’tapos umiiyak lang ako, tulo lang nang tulo iyong luha ko.

"Parang hindi ko alam kung galit iyon o sadness o gulat, hindi ko alam.

"Hindi ko exactly ma-pinpoint kung ano iyong emotion ko that time.

"Kasi noong nasa hospital ako, iniisip ko iyong naging reaction and iyong manner ni Mara, kung paano siya noong night na iyon."

Si Mara ay si Ramona Bautista, kapatid ni Ramgen at isa sa mga suspek sa pagpatay sa aktor.

Patuloy niya, "So, noong sinabi sa akin, doon nag-make sense lahat.

"Kaya siguro ako umiyak kasi parang na-realize ko na, ’Baka.’

"Kasi iba nga iyong reaction niya noong night na iyon.

"Iniisip ko, ’Ba’t gano’n?’

"And noong sinabi sa akin ng police, doon nag-make sense na, ’A, kaya pala.’"

Sa salaysay ni Janelle sa mga awtoridad, humingi raw siya ng saklolo kay Mara pagkatapos na pagkatapos pa lang ng pamamaril. Inasahan daw niyang babalik agad ang nakababatang kapatid ni Ramgen na may dala ng ambulansiya o tulong, ngunit hindi na nga raw ito bumalik.

Ano ang mga tumatakbo sa isip ni Janelle habang nagpapagaling siya sa ospital?

"Nag-iisip ako kung sino [ang may sala].

"Siyempre, kinonsider ko iyong baka may nakaaway siya over sa politics, ganyan, kasi nga nag-start na siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So baka, parang...patayin na lang siya kasi malakas na, e...parang matunog na iyong name niya doon sa Imus."

Wala raw sa hinagap niya na magagawa ng mga kapatid ng nobyo ang ibinibintang sa kanila.

Dugtong ni Janelle, "So, iyon yung mga unang factors na naisip ko.

"Although iyong tatakbuhan niya lang naman kasi, councilor, so hindi naman siya one-on-one, yung mga gano’n.

"So, isip ako nang isip, pero never ko inisip iyong family niya, siyempre."

Dagdag pa ni Janelle, "Iyong manner ni Mara, iniisip ko na lang na baka ganoon siya kapag nasa ganoon [sitwasyon], yung gano’n.

"Pero hindi ko talaga inisip na siya [ang may pakana]."

NO SIGNS OF GRIEF. Ni minsan ba ay dinalaw siya ng mga kapamilya ni Ramgen sa ospital?

"Hindi na ito iyong sa hospital noong naka-confine na ako, ha.

"Although nag-try sila to visit, kasi kinontak nila ako na nasa baba na nga daw sila, kaso hindi sila pinapasok, ’yong mga gano’n.

"Pero iyong the night na nangyari iyong incident na iyon, nandoon sila sa hospital.

"Si Gail, si Regine, si Joseph, si Hiro, and another friend, nandoon sila, although they weren’t [grieving]..."

Ang tinutukoy niyang Gail at Regine ay ang ibang pang kapatid na babae ni Ramgen.

Si Hiro naman ay si Hiro Furuyama na asawa ni Gail.

Samantalang si Joseph ay nakababatang kapatid din ni Ramgen, na isa sa mga pangunahing suspek ngayon sa pagpatay sa kanya.

Kasalukuyang nakapiit sa Parañaque City Jail si Joseph.

"So, inisip ko, buhay si Ramgen, kasi they were okay, parang no signs of whatever.

"Although iyong friend nila, si Shaw, iyon iyong grabe.

"Iniisip ko baka kaya umiiyak ito, kasi hindi ko pa naman nakikita iyong itsura ko, so baka kaya umiiyak ito kasi [naaawa] sa itsura ko or whatever.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero iyong siblings, walang tears, walang panic, walang grieving, wala, wala, e.

"Parang something had happened, pero iyong hindi ganoon kalaki.

"Parang may problema, pero hindi ganoon kalaki.

"Parang iyong ’pinapakita nila sa akin, parang, ’Ay, kawawa ka naman.’

"Pero iyong fact na namatayan, walang ganoon—kaya nga akala ko, buhay pa si Ram."

Sinusubukan na ng PEP.ph na kunan ng pahayag ang mga kapatid ng yumaong anak ng dating Senador na si Ramon Revilla, Sr.

Bukas ang website na ito para sa panig nila.

CLICK HERE to read Part 3.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN