Glaiza de Castro drops hints she’s being courted by a non-showbiz guy

Glaiza de Castro on having a lovelife: "Hindi ko pa kasi masasabing meron, e. Kasi naka-focus ako sa work. Cliché na pakinggan, pero ayoko munang i-prioritize ang lovelife ngayon. Dahil mahirap."


Noong Sabado, January 21, nag-celebrate ng kanyang 24th birthday si Glaiza de Castro.

Masaya naman daw siya kahit simpleng selebrasyon lang ito, kasama ang mga mahal niya sa buhay.

"Nag-celebrate ako sa Tagaytay," kuwento ni Glaiza sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), pagkatapos ng Party Pilipinas noong Linggo, January 22.

"Wala lang, away from the city lang. Na different ang weather kasi malamig do’n."

Parang nagsilbing bonding na rin daw nila ’yon ng kanyang pamilya at ilang malapit niyang kaibigan.

"Sinorpresa nila ako, e.

"Lahat ng mga taong special at malapit sa akin, hindi ko in-expect na pupunta do’n. Inasalto nila ako, e."

Na-touch daw siya sa ibinigay na birthday gift ng pamilya niya sa kanya.

"Nauna nang ibinigay nila sa akin ’yon bago pa man ang birthday ko.

"Kasi ang tagal ko nang gusto ng bagong laptop.

"So, iyon talaga ang pinakamasayang natanggap kong gift."

BIRITERA. Isang magandang regalo rin daw para sa kanyang kaarawan ang pagkakasali niya sa bagong primetime series ng GMA-7, ang Biritera.

Tampok rito sina Glaiza, Dennis Trillo, at Angelika dela Cruz.

Ayon kay Glaiza, "After ng Amaya, nakapagpahinga ako ng sakto lang, ’tapos may bagong project na naman.

"Nakakatuwa pa na itong Biritera ay tungkol sa music na...

"Kasi ang music ay malapit din sa puso ko. Mahilig kasi akong kumanta.

"At dream ko rin nga ang maging singer.

"Kaya lang, hindi naman lahat tayo nabibigyan ng chance to do what we want.

"Minsan kailangan din nating sundin kung ano ang gusto ng iba.

"So, kailangang i-compromise.

"Pero ngayon na, parang, in a way, ay kaya ko na ring ipaglaban ’yong mga gusto ko, itong Biritera din nga ang isa sa pinamakagandang birthday gift na natanggap ko.

"Si Direk Maryo J. de los Reyes ang magiging direktor namin dito.

"So, ini-expect ko na talagang disiplinado kaming pupunta sa trabaho every time na magte-taping kami."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May mga eksena bang bibirit din siya sa pagkanta?

"Hindi ako ’yong biritera, kundi ’yong bata na bagong discover ng GMA, e. Napakagaling niyang kumanta.

"Ang role ko naman, drummer ng isang banda.

"Pero I think kakanta rin kami. Dahil halos lahat naman sa cast ay marunong kumanta."

SID AND LOVELIFE. Kumusta naman ang lovelife niya ngayon.?

Parang inili-link siya ngayon kay Sid Lucero, na nakasama niya sa Amaya?

"Si Sid talaga?" natawang reaksiyon ni Glaiza.

"Hindi! ’Yong issue naman na ’yon ay parang ano lang... na-sensationalize lang."

Hindi talaga nanliligaw si Sid sa kanya?

"Wala. Hindi."

Isa pa, may girlfriend na si Sid na miyembro ng isang all-female band.

Tila imposibleng wala siyang manliligaw sa ngayon. Baka inililihim lang niya?

"Inililihim talaga?" natawa ulit ang young actress.

"Kasi ako ’yong tipo ng tao na hindi talaga ako mahilig mag-publicize ng mga personal ko."

So, meron nga? Non-showbiz ba ito kaya ayaw niyang ma-publicize ang tungkol dito?

"Puwede!" sabay tawa na naman niya.

Meron nga ba?

"A... mainam. Hindi ko pa kasi masasabing meron, e. Kasi naka-focus ako sa work.

"Cliché na pakinggan, pero ayoko munang i-prioritize ang lovelife ngayon.

"Dahil mahirap."

WHOEVER. Choice ba niya na non-showbiz ang i-entertain na manliligaw?

"Hindi. Kung sino man," sagot ni Glaiza.

"Pare-parehas lang naman ’yan-ke showbiz o non-showbiz.

"Ako, basta mabait at saka ’yong alam kong mamahalin pati pamilya ko, okey na.

"At saka siyempre, God-fearing.

"Kung nando’n sa isang guy ’yong mga qualities na iyon, e, okey na."

Hindi pa ba niya nakita ang ganoong lalaki?

"Hindi pa."

Pero may mga umaaligid ngayon na, kumbaga, kinikilatis muna niyang mabuti?

"Kinikilitis? Oo," pag-amin niya.

Ilan ang kanyang manliligaw na kinikilatis sa ngayon?

"Binilang talaga? Hahaha!

"Hindi ko alam, e.

"Kasi, marami sila masyado!" tonong birong sabi pa ni Glaiza.

ON GOING SEXY. Maganda siya. Malakas ang sex appeal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakikita ba niya ang sarili na balang-araw ay magpapa-sexy onscreen?

"Hindi ko masasabi na ayun ang magiging career path ko.

"Pero sa ngayon naman, may pakonti-konti nang gano’n [pa-sexy].

"Pero hindi to the point na iyon na ang gagawin kong path.

"Kasi marami pa rin namang puwedeng gawin, di ba?

"At saka hindi ko pa rin kaya!" natatawang sabi ng mahusay na aktres.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN