Regine Velasquez returns to the concert scene on Valentine’s Day, this time with hubby Ogie Alcasid

Puspusan na ang ginagawang paghahanda ni Regine Velasquez para sa nalalapit nilang concert ni Ogie Alcasid na pinamagatang Mr. & Mrs. A. Ilan sa mga guest performers sa naturang concert ay sina Vice Ganda, Dingdong Dantes, Erik Santos, Kyla, at Angeline Quinto na iniintriga ng ilang fans na diumano’y ginagamit si Regine upang sumikat ito. Dinepensahan naman ni Regine ang anak-anakan niyang si Angeline at sinabing, "I&#


Excited na si Regine Velasquez sa kanyang pagbabalik-entablado sa mismong Araw ng mga Puso, February 14.

Makalipas kasi ang halos apat na taon ay muli itong magtatanghal, kasama ang asawang si Ogie Alcasid, sa concert na pinamagatang Mr. & Mrs. A, na gaganapin sa Smart-Araneta Coliseum.

"It’s very exciting. First of all, we haven’t worked together in a concert in long while mula noong after nag-asawa kami.

"Actually, iyong huling concert namin, hindi pa nga kami umaamin, e," saad ni Regine.

Ang tinutukoy niyang concert ay ang The Songbird & The Songwriter noong 2004, sa mga panahong hindi pa nila inaamin ni Ogie sa publiko ang relasyon nila.

Nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Regine sa El Buono Restaurant sa Quezon City noong January 30.

Ang darating na February 14 concert ang kauna-unahang concert nila ni Ogie bilang mag-asawa.

Nang tanungin kung ano ang bago at dapat abangan sa concert na ito, sinabi ni Regine: "Exciting ngayon kasi it was my idea to have a concert talaga.

"My husband nga, sabi niya, ’Are you sure? Kasi kakapanganak mo pa lang.’ But I want to, kasi na-miss ko talaga.

"Siguro kasi, mas personal—iyong, kasal na kami and we have a child—so iyon siguro iyong kaibahan, unlike before na wala lang, kantahan lang. Ngayon, mas personal.

"And I hope that the audience will appreciate it, will like it, kasi makikita nila na iyong other side of Ogie and myself."

LESS-DARING COSTUMES. Bukod siyempre sa kanyang pag-awit, isa pa sa mga inaabangan ang magarbo at sexy costumes ni Regine.

Sina Rajo Laurel at Cocoy Lizaso ang inatasan niyang magdisenyo ng kanyang gowns para sa naturang concert.

Sexy pa rin kaya ang tema ng kanyang mga gown ngayon? Magpapakita pa rin ba siya ng cleavage tulad ng dati?

"Wala. Mananahimik muna sila Susan at Amalia!" bulalas ni Regine tungkol sa kanyang dibdib, na kapansin-pansing lumaki matapos niyang magdalang-tao at manganak noong nakaraang taon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naisipan niyang bigyan ng alyas ang kanyang hinaharap para naman daw hindi maeskandalo ang kanyang Twitter followers sa tuwing babanggitin niya ito.

Aktibo na kasi siya ngayon sa social networking site na ito, at madalas nga niyang maikuwento ang mga pinagdadaanan niya sa pagpapadede sa kanyang anak na si Nathaniel James o Baby Nate.

Maituturing na nga raw ni Regine na "favorite hobby" niya ngayon ang breastfeeding at pagyo-yoga.

Ito raw ang mga paraan niya ng pagpapapayat.

Maliban dito, nakatulong din daw nang malaki ang yoga dahil napanatili niyang maganda ang kanyang boses.

"It’s a good thing na I’m doing yoga before and after I gave birth kasi hindi ako nahirapan [mag-adjust].

"Kasi ang pagkanta naman, nasa breathing, e. Iyon iyong importante, e, so I’m really okay naman," kuwento niya nang tanungin kung hindi ba siya nanibago sa pagkanta gayung mahigit siyam na buwan siyang napahinga.

Wala rin naman daw masyadong pagbabago sa kanyang boses kahit pa matagal itong nawala sa kanyang weekly musical-variety show na Party Pilipinas.

"Wala naman akong [napansin na pagbabago]. Medyo iyong tone ko mas numipis lang than before.

"Hindi ako masyadong nahihirapan mag-hit ng high notes kasi iyong breathing ko, okay siya."

CONCERT GUESTS. Bukod sa mag-asawa ay mapapanood din sa concert nila sina Vice Ganda, Dingdong Dantes, Erik Santos, Kyla, at Angeline Quinto.

Ayon kay Regine, sila ang napili nilang mag-asawa na maging guest performers sa kadahilanang: "E, kasi sila iyong sikat ngayon. Siyempre kung magge-guest ka, iyong pangmalakasan."

Ikinuwento rin ng Songbird kung ano ang magiging partisipasyon ng mga guest nila sa concert.

"Iyong number ko with Vice, iyong kakanta, ’tapos ita-translate mo, parang Dolphy-Panchito.

"Dingdong will sing with Ogie. Erik will sing with Ogie, and Angeline and Kyla will sing with me."

Naungkat naman sa panayam ang isyu ng diumano’y panggagamit ni Angeline Quinto kay Regine upang sumikat, na agad namang pinabulaanan ng Asia’s Songbird.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi naman. Gano’n naman talaga iyon.

"Hindi naman siguro sinasadya, it just so happened... hindi naman talaga sinasadya na noong nilagyan ng makeup, naging kamukha ko, and noong kinakanta niya iyong mga kinakanta ko, kaboses ko," depensa niya sa baguhang mang-aawit.

May ilan kasing fans ni Regine ang hindi nagugustuhan ang pagkopya umano ng Star Power grand winner sa kanilang idolo.

Sagot naman dito ni Regine: "Alam mo, I don’t care.

"Time nung bagets ngayon. I mean, I care about her, but I don’t care if she’s supposedly imitating me.

"Kasi, actually, it’s flattering for me pa nga, e, kasi sa dinami-dami ng puwedeng gayahin, ako pa ang napili."

Ayon kay Regine, natutuwa siya sa tuwing nakakakita o nakakarinig ng mga batang mang-aawit na ginagaya ang kanyang estilo.

Para sa kanya, ang paghangang ito ay kumakatawan lamang sa inspirasyon na naibibigay niya sa ibang tao upang maging mahusay rin sa pag-awit.

"[Modesty aside], parang noong nauso na iyong ganitong sound, ako na iyong naging benchmark.

"I don’t want to sound mayabang, pero na-realize ko lang, napansin ko lang, hindi lang si Angeline, e, ang dami kong kaboses.

"Actually, lahat sila kaboses ko.

"Kapag may naririnig ako sa radio na, sabi ko, ’Kailan ko ni-record ’to? Nahimatay ba ’ko at hindi ko alam na ni-record ko ’to?’

"Mare-realize ko lang kasi may mga nuances ako na iba, na mare-realize ko na ’Ay, hindi pala ako ang kumanta!’ Kasi ang dami kong kaboses talaga.

"Kasi alam mo, noong nag-uumpisa ako, meron din naman akong ginagaya—si Whitney Houston.

"Pero ibig kong sabihin, meron akong ine-emulate.

"Ganoon talaga kapag nag-uumpisa ka.

"Until, eventually, magkakaroon sila ng distinct sound na hawig sa akin, pero unique sa kanila.

"Give it a few more years and magkakaroon siya [Angeline] ng distinct sound niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi ako, ngayon, sanay na sanay na kayo sa sound ko kasi tumanda na ako sa industriya.

"So, kapag may kumopya or may mag-sound na gano’n, siyempre laging ikukumpara sa akin.

"Like I remember si Rachelle [Ann Go], iyong mga first few recordings niya, I thought she was me, she sounded like me.

"And then, hanggang tumagal nang tumagal, she didn’t sound any more like me, kasi she has her own sound already."

Binanggit din ni Regine na parang "anak-anakan" ang turing niya kay Angeline kaya wala siyang anumang nararamdaman na tensiyon o kumpetisyon dito.

Bago pa man kasi nanalo si Angeline sa Star Power ng ABS-CBN ay sumali na ito sa Star For A Night, ang singing competition program sa IBC-13 noong taong 2002, kung saan si Regine ang host.

Si Sarah Geronimo ang nanalo sa naturang singing search.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN