Angel Locsin on her ’unofficial’ relationship with Phil Younghusband: "Walang labels. Walang anniversary, walang monthsary."

Angel Locsin on her role as Ces in Unofficially Yours: "Kailangang hindi ka nahihiya. Parang confident. Kumbaga, siya yung makabagong babae. Tinanggal mo yung hiya. Yun nga ang mahirap kasi may pagkamahiyain ako. Kasi, hindi naman ako sanay sa ganitong character at ganito ka-wild, di ba? Kaya tinanggal ko muna ang inhibitions ko... sana bumalik siya!"


Romantic-comedy ang tema ng Valentine movie nina Angel Locsin at John Lloyd Cruz, ang Unofficially Yours ng Star Cinema, mula sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina.

Pero lumalabas na tinatalakay sa pelikula ang pagkakaroon ng unattached relationship ng dalawang lead characters kahit meron na silang sexual contact.

Bagama’t lumabas na noon si Angel sa mga pelikulang seksi ang tema—gaya ng The Promise (2007) at In The Name of Love (2011)—ang Unofficially Yours daw ay mas mature kumpara sa mga ito.

"Yes, mature kung mature siya talaga. Iba naman yung pagkakatimpla ni Direk Cathy, kung paano tumakbo yung character na mas mature siya talaga," sabi ni Angel tungkol sa konsepto ng pelikula nila ni John Lloyd.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Angel sa presscon ng Unofficially Yours kaninang tanghali, February 1, sa 9501 restaurant sa loob ng ABS-CBN compound.

Inamin din ni Angel na nag-alinlangan siya na tanggapin noong una ang proyekto dahil sa sensitibong tema nito.

Kuwento ng Kapamilya actress, "No’ng in-offer sa akin ito at nag-story conference, siyempre napaisip ako na para bang, ’Prepared na ba ako?’

"Nung sinabi sa akin, si Direk Cathy ang gagawa at si John Lloyd ang makakasama ko, at hindi naman ako pababayaan... tiwala, tiwala talaga ako.

"Alam mo naman ako, excited akong gumawa ng project na hindi pa nata-tackle din. Saka yung controversial.

"Exciting! Ay, ma-try ngang gawin itong project na ito!"

Paano ba inihanda ni Angel ang sarili sa karakter na ginagampanan niya sa pelikula?

"Well, sa character kasi ni Ces, kailangang hindi ka nahihiya. Parang confident.

"Kumbaga, siya yung makabagong babae—tinanggal mo yung hiya.

"Yun nga ang mahirap kasi may pagkamahiyain ako.

"Kasi, hindi naman ako sanay sa ganitong character at ganito ka-wild, di ba?

"Kaya tinanggal ko muna ang inhibitions ko... sana bumalik siya!" napangiting sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"UNOFFICIAL." Inihayag din ni Angel sa presscon kanina na "unofficial" ang kanilang relasyon ng football player na si Phil Younghusband.

Nilinaw naman ng aktres kung bakit ganito ang deskripsyon niya sa namamagitan sa kanila ngayon ni Phil.

Aniya, "Walang labels...walang labels.

"Walang anniversary, walang monthsary.

"Pero may improvement naman, di ba? Kita naman.

"Kasi almost one year rin kaming nagdi-date... nagdi-date, ha!"

Epektibo naman daw ang ganitong set-up ng relasyon nila ni Phil.

"Okey naman kami," sambit ni Angel.

"Pero, of course, hindi naman kuntento na gano’n lang.

"Pero right now, hindi pa talaga kami ready emotionally—siguro, sa trabaho and all.

"Mas maganda siguro kung pumasok sa relasyon na reding-ready ka na at kaya mo nang ibigay ang lahat mo, di ba, para lang mapaligaya ang taong mahal mo."

Wala raw natatandaan si Angel na nagselos si Phil dahil sa sexy scenes niya sa pelikula.

"No, I don’t think he’s like that.

"Pag secure naman ang tao, walang insecurities na mararamdaman yun."

Wala rin daw siyang narinig na reklamo kay Phil sa mga ginawa niyang intimate scenes kasama si John Lloyd.

"Though nakita naman niya yung trailer, hindi pa niya nakikita yung ibang mga scenes ng movie.

"Pero sabi naman niya, siguradong maganda ang pelikula.

"Kaya naman niya nakilala si Lloydie [palayaw ni John Lloyd]... ipinakilala ko sa kanya si Lloydie, bilang kasama ko sa movie.

"Pero he’s [Phil] excited. Yung poster namin, inilagay niya sa kotse niya.

"Ako nga, yung kotse ko walang poster, pero siya meron."

PINOY VS. HALF-PINOY. Marami ang nagtatanong kay Angel kung ano ba ang kaibahan ng karelasyon na Pinoy at sa isang hindi purong Pinoy?

Si Phil ay Fil-British. Samantalang ang mga nakarelasyon ni Angel noon ay purong Pinoy—sina Luis Manzano, Oyo Sotto, at ang yumaong si Miko Sotto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Angel, "Although Pinoy naman siya [Phil], pero first time kong nag-date ng half.

"Wala naman akong nakitang diperensiya kasi nakakatuwa naman siya.

"Para siyang Pilipinong-Pilipino, mahilig siya sa pagkain or kung paano siya kumilos.

"Pati yung values niya, Pinoy na Pinoy naman."

Baka naturuan na niya ito ng mga galaw-Pinoy?

"May mga konti na rin akong naituro sa kanya—sa food, sa mga kanta...

"Siguro, yung ibang hindi intentionally pero nakikita niya na ginagawa natin, naa-absorb niya. Para siyang sponge, ganun."

Ano ba ang nagustuhan niya kay Phil?

"Well, no’ng nag-start talaga, hindi pa ako ready na makipag-date at all.

"Sinabihan ako ng friends ko na, ’Bakit hindi subukan? Magbukas ka naman.’

"Wala talaga, ayoko talaga.

"Habang matagal kayong nagkakasama, parang nakikilala ninyo ang isa’t isa.

"May nakikita ka namang qualities sa isang tao kapag matagal kayong nagkakasama."

Ayon pa kay Angel, matagal bago siya nakaramdam ng pagtatangi o pagkagusto kay Phil.

Binalikan pa nga ng aktres ang petsa kung kailan nag-post ng mensahe si Phil sa Twitter para imbitahan si Angel na maging Valentine date nito.

February 10, 2011 daw nag-tweet si Phil at nagkita raw sila noong February 13, 2011.

"So, almost one year na kaming nagdi-date," sabi pa ni Angel.

VALENTINE DATE. Wala raw plano sina Angel at Phil sa kung ano ang nais nilang mangyari sa darating na Valentine’s day o kung ano ang date na magaganap sa kanilang dalawa.

"Wala, wala pa kaming plano.

"Hindi pa naman kami official together. Sana magkasama pa kami.

"Pero Valetine’s day, kasama ko si Lloydie. Kasama ko kayo sa Valentine’s day!" sabi ni Angel.

Sa February 14 kasi ang premiere night ng Unofficially Yours.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN