Yul Servo on choosing between acting and politics: "Sa atin naman kahit senador puwede rin namang mag-artista, ’di ba?"

Yul Servo on which TV network he prefers: "Sa akin naman bilang artista, halos pare-parehas lang. Kasi ang ano naman, sa taping lang naman ako lahat, e. Ang taping naman ng iba-ibang networks, halos pare-parehas lang naman."


Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Yul Servo sa presscon ng Biritera ng GMA-7 kung saan gumaganap siya bilang si Jerome.

Isa si Yul sa mga artistang malayang nakakagawa ng proyekto kahit saang TV network.

"Freelance ako, puwede ako sa GMA, sa TV5, at sa ABS-CBN," umpisang pahayag ni Yul.

Bago ang Biritera ay sa Bangis ng TV5 siya napanood.

Under siya sa management ni Direk Maryo delos Reyes na Production 56. Si Direk Maryo rin ang direktor ng Biritera.

THREE NETWORKS? Sa tingin niya, saan pinakamagandang magtrabaho—sa Kapamilya, Kapuso, o Kapatid network?

"Sa akin naman bilang artista, halos pare-parehas lang.

"Kasi ang ano naman, sa taping lang naman ako lahat, e.

"Ang taping naman ng iba-ibang networks, halos pare-parehas lang naman," sagot ni Yul.

Sa usapin ng talent fee, magkakaiba ba sa bawat istasyon?

"Parehas lang din, same lang."

Sa Bangis ay kontrabida siya, gano’n din ba siya sa Biritera?

"Ganun din, medyo salbahe din.

"Ngayon, parang nag-e-enjoy din ako bilang kontrabida.

"Hindi ko kailangang mag-ano, di ba, puro ano...mang-aapi ka lang," at natawa si Yul.

Pero nakilala siya bilang mahusay na dramatic actor.

"Oo, pero siyempre maganda rin na ma-experience ko lahat para lahat ng role na binibigay sa ’yo, nae-experience mo na lahat.

"Parang kumporme na lang sa iyo kung paano mo eeksperimentuhin kung paano mo gagawin.

"Kaya maganda rin yung minsan kontrabida, [minsan] bida."

MANILA COUNCILOR. Bukod sa pagiging aktor, konsehal din si Yul sa District 3 ng Manila.

"Oo, sa Sta. Cruz, Binondo, at Quiapo."

Papaano niya hinahati ang oras niya?

"Basta sabi ko kay Direk Maryo, ’Direk, huwag na ninyo akong bibigyan ng T-Th-S [Tuesday, Thursday, and Saturday] kasi may session kami.’

"Isa yun sa mga obligasyon ko, na um-attend ng session. Mag-isip ng mga resolusyon o mga ordinansa na makakapagpabago ng buhay ng mga tao."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano na ang naipasa niya o naisabatas niyang resolusyon?

"Isang maipagmamalaki ko na resolusyon yung maging... paperless resolution yung sa City Hall, yung sa aming trabaho, sa agenda.

"At least makakatipid tayo sa papel, sa puno, sa ink, di ba?

"Bale tina-tackle namin yun on the floor pag may mga resolusyon na ganun."

Ano ang alternatibo na naisip niya para makatipid sa papel?

"Kami, nagko-computer na kami."

Pero kadalasan ay pini-print out din ang mga papeles.

"Kailangan rin namin ng hard copy, pero hindi mo na kailangang mag-print ng marami.

"Pang agenda, kada isang konsehal, kada isang opisina," pagtukoy ni Yul sa mababawas na bilang ng papel na kakailanganin.

Dagdag pa niya, "Ito may USB [flash drive], ikukunekta mo na agad, kaya maganda rin, malaking bagay rin.

"At ngayon siyempre, sa pamumuno ni Vice Mayor Isko Moreno, solarised na kami ngayon. Siya ang nag-isip nun.

"Yung aircon namin, yung kuryente pinapagana ng solar power.

"Pero siyempre, hindi rin naman magagawa yun kung hindi papayagan ng mayor."

Si Manila Mayor Alfredo Lim ang tinutukoy ni Yul.

MAYOR YUL? Ikalawang termino na ni Yul ngayon at mag-i-ikatlong termino bilang konsehal uli kung tatakbo siya at papalarin.

Ayon sa kanya, hindi raw muna niya balak na tumakbong Vice Mayor o sa mas mataas na puwesto.

"Masaya ako sa pagiging konsehal ngayon," sambit niya.

Sakaling mahalal siya uling konsehal at matapos ang kanyang ikatlong termino, tatakbo na ba siya para sa mas mataas na posisyon?

"Wala pa naman akong plano. Siyempre basta lagi naman akong handa lang," sagot niya.

SHOWBIZ OR POLITICS? Sa susunod na taon na ang local elections, sakaling papiliin siya: pag-aartista o pagiging pulitiko?

"Alam mo, parang mahirap ’pag iniisip mo nga, e.

"Kasi bilang artista, nakakapagpasaya rin ako ng mga tao.

"’Tapos nae-enjoy ko yung sarili ko dahil gusto ko ito, first love ko talaga ang acting.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"’Tapos, yung pagiging public servant, madami ka rin namang natutulungan na mga tao.

"Siyempre ’pag nakakatulong ka, nakakataba ng puso, di ba?

"Kaya parang mahirap mamili.

"Kaya basta ako naman, pinipilit kong mapagsabay.

"Sa atin naman kahit senador puwede rin namang mag-artista, ’di ba?

"E, kaya ako naman masaya, masaya ang trabaho ko bilang artista and at the same time puwede namang magsabay, e."

At mas malaki ang kinikita niya sa showbiz?

"Oo!" ang natatawang pagsang-ayon ni Yul.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN