Direk Cathy Garcia-Molina admits to entering a "virtual relationship" after her husband passed away

Direk Cathy Garcia on her film’s daring plot and its probable effect on Pinoy viewers: "Oo... at sana, gawin nila ang ending ng pelikula ko, maging ending ng mga relationship nila. Sana ma-inspire ko sila na sundan ang ending ng pelikula ko."


Pakiramdam ni Direk Cathy Garcia, ang Unofficially Yours ng Star Cinema ay kakaiba at maselan kumpara sa mga pelikulang naidirek na niya.

Tumatalakay kasi ang Unofficially Yours sa relasyong walang depinisyon o taguri.

Paano naging kakaiba ang bago niyang pelikula sa mga nagawa na niya?

"Ang dami pong sex scenes. Joke!" tawa niya, sabay bawi, sa presscon ng pelikula noong Miyerkules, February 1.

"The theme itself po, e," patuloy ni Direk Cathy, "ngayon lang talaga namin ita-tackle yung ganito.

"Medyo matapang-tapang siya. Medyo edgy ng konti than our regular rom-com [romantic-comedy].

"That’s why it took a while bago pa mapayagan na i-produce because the concept has been existing for three years already.

"So, yun... feeling ko, tema po, e. Tema ang bago."

Pero nang may makaisip daw ng title ng movie, ang Unofficially Yours, sinimulan na nila agad ang pelikula.

Akmang-akma raw talaga sa tema ng pelikula ang naisip na titulo nito.

NOT BASED ON HOLLYWOOD FILMS. Sa Hollywood, may mga pelikulang Friends With Benefits at No Strings Attached, na tila nahahawig ang tema sa Unofficially Yours.

Pero ayon kay Direk Cathy, bago ang mga nabanggit na Hollywood movies, matagal na raw nilang naisip ang ganitong tema.

"I think, may tinatapos kami ni Lloydie [palayaw ni John Lloyd] na bago na naman ang leading lady niya noon.

"So, sabi namin, ’Sino na naman kaya ang new partner ni John Lloyd?’

"’Tapos, parang naisip namin, si Angel, hindi pa.

"And the concept came up along with that na pag-iisip ng pangalan ni Angel.

"So, this concept is really meant for Angel.

"Nagkataon lang talaga na hindi nagkakapareho ang schedules nila. Hindi nagtutugma.

"’Tapos, eksakto na lumabas naman ang No Strings Attached at Friends With Benefits.

"Kaya sabi namin, ’Ay naku, medyo hawig.’ Kaya lang, confident naman kami that it is different.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Cinematically, maybe pareho. But you’ll know it’s different, at ang Pinoy, iba naman talagang humagod kapag love story."


OFFICIAL RELATIONSHIP. Sa kanyang pananaw ba, ang relasyon ay kailangang maging official?

"Well, we have no stand sa film. Whether pangit ang unofficial relationship or maganda, we don’t want that.

"It’s just that, at the end of the day—na pinaniniwalaan ko and with the creative team of Star Cinema and I think with my actors also—that sino ang aayaw na tawagin kang kanya?

"Na among all people, tawagin kang ’akin ka.’

"At the end of the day, choice n’yo ’yan. Choice ng viewers ’yan.

"Pero ako, tinapos ko ang pelikula na meron akong sinasabi na mas pinaniniwalaan ko at mas magandang klase ng relationship.

"Meron akong ginawang magandang desisyon."

EMULATE THE ENDING. Ang pelikula noon ni Direk Cathy na One More Chance, bida sina John Lloyd at Bea Alonzo, ay mistulang naging gabay ng ilang nasa relasyon na muling magbigay ng pagkakataon sa nagkasalang minamahal.

Dito sa Unofficially Yours, hindi kaya gayahin din ng ilan at pumasok sa relasyong walang depinisyon?

"Oo... at sana, gawin nila ang ending ng pelikula ko, maging ending ng mga relationship nila.

"Sana ma-inspire ko sila na sundan ang ending ng pelikula ko," sabi ni Direk Cathy.

JOHN LLOYD’S BODY? Para kay Direk Cathy, ang Unofficially Yours na raw ang masasabing pinaka-daring na pelikula nina John Lloyd at Angel.

"Pinaka-daring ni Lloydie and, I think, ni Angel din, ’no.

"Si Lloydie, alam naman natin na ang artista kong ’yan, e, hindi naman kaseksihan talaga. Aminin na natin ’yan, ’no.

"So, minsan, ’Direk ako, okay lang, okay lang?’" tanong daw ni John Lloyd bago kunan ang eksenang kailangang nakahubad ang aktor.

"Ako naman minsan, ’Konting tummy in pa.’

"Sasabihin naman niya, ’Okay lang ’yan, Direk. Tanggap ako ng tao na ganito.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"’Actually, tanggap ka ngang ganyan.’

"At saka, hindi naman tungkol sa sexy scene.

"John Lloyd can get away with that. Hindi mo kasi siya titingnan na bastos.

"Unang-una, hindi naman talaga ganoon tini-treat. Hindi bastusan.

"Parte lang ng isang relationship. Ganoon lang siya."

Matapang lang daw ang tema ng kuwento, pero romantic-comedy raw talaga ang pelikula nila.

"Ni-lighten namin siya para pagtawanan. More than pag-isipan na, ’Ano ba ’to, ang bastos.’"

POTENTIAL BOX-OFFICE HIT? Sa tingin ba niya ay kayang lampasan ng Unofficially Yours ang mga naunang blockbuster movies niya?

"Basta ako, naniniwala ako na kada tapos ng pelikula ko, pinilit naming tinuan ang pelikula," sagot ng direktor.

Ayaw rin sanang magkomento ni Direk Cathy sa tanong kung kakayaning lampasan ng pelikula nila ang No Other Woman, na tumabo ng lampas P200 million sa takilya.

Aniya, "Ay, hindi ko alam. It’s so premature for me to say, and improper na sa akin manggaling yun.

"But, of course, who wouldn’t want?"

Pero masaya raw si Direk Cathy sa kanyang bagong obra.

"Na nagawa ko... na napayagan akong gumawa ng isang pelikulang ganito.

"Kasi, grabe ang pinagdaanan ko sa pelikula. Grabe ang censorship ko within Star Cinema itself, ha.

"Kailangan kong ipaglaban ang mga eksena ko—why I needed this, why I needed that.

"Na, alam ninyo yun, marami kaming loley [big bosses] sa Star Cinema.

"At palaging pinoprotektahan siyempre ang image ng Filipino people.

"’Paano ang manonood na mga bata? Paano ang manonood na mommy?’

"So, palagi yun nakaano sa utak ko."

JUST LIKE MACKIE. Ayon kay Direk Cathy, madalas na nakaka-relate siya sa mga karakter sa kanyang mga pelikula.

Sa Unofficially Yours, gaano kalapit ang tauhang ginampanan ni Angel sa kanya?

"Mas character ako ni Mackie [John Lloyd’s character]. Mas ako ang nai-in love," sabi ni Direk Cathy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Of course!" napatiling sagot ng direktor nang sabihin namin na parang gusto niya ng official relationship ngayon.

Dugtong pa niya, "Who wouldn’t want? Pero kapag darating, darating."

Biyuda na si Direk Cathy. Namatay ang asawa niyang si Philip Molina, isang cameraman, sa isang vehicular accident noong March 26, 2009.

Pero nag-e-entertain na ba siya ng suitors?

"Walang suitor! Syet!" natatawang biro niya.

Pero inamin ni Direk Cathy na pagakatapos mamatay ng kanyang asawa ay nagkaroon na rin siya ng relationship.

Pero ayon sa kanya, "Wala, nag-end din. Virtual lang. Imposible.

"Ni hindi nga kami nagkita. Nag-break na, hindi kami nagkita."

Sa huli, kinumpirma ni Direk Cathy na ang next movie na gagawin niya sa Star Cinema ay ang ikatlong pelikula nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo. Naging blockbusters ang dalawang naunang pelikula ni John Lloyd at Sarah.

Posible raw na sa first week of March na sila magsimula ng shooting.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN