Vilma Santos on son Luis Manzano’s plan to run for mayor next year: "Sa tingin ko, hindi siya naghahanda for that."

"Pinaghahandaan kasi ito. Sa tingin ko, hindi pa. Pag-aralan muna niya. ’Yan ang maipapayo ko sa anak ko," says Gov. Vilma Santos when asked if her son Luis Manzano is pushing through with his candidacy for mayor next year.


"I’m home! I’m home!" paulit-ulit na sambit ni Batangas Governor Vilma Santos sa inauguration and blessing ng Imperial Hotel and Resort ni Mother Lily Monteverde na matatagpuan sa Barangay Tulo, Taal, Batangas kahapon, February 6.

Bukod kasi sa nasa kanyang pinamumunuang probinsiya, at home daw ang pakiramdam ng tinaguriang Star for All Seasons dahil kahalubilo niya ang mga taga-showbiz industry.

Bago ang inauguration at blessing ay inuna munang daluhan ni Governor Vi ang isang feeding program at medical and dental mission sa Batangas.

Nagbihis lang daw siya para magmukha naman siyang artista, biro pa niya sa kanyang talumpati matapos ang blessing.

Ayon pa kay Ate Vi (tawag din kay Vilma), ang naturang araw ng blessing ay nakatakda sana para sa pakikipagpulong ng gobernadora sa 70 miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at doon nga sana gaganapin sa Imperial Hotel and Resort.

Pero minabuti ni Mother Lily na isabay na rin ang pagbendisyon sa resort dahil sa kaabalahan ni Ate Vi.

Tumatawang sabi naman ni Vilma na ilipat na lang ng araw ang pakikipagpulong niya sa AFP para mapagbigyan na rin si Mother Lily.

Mahirap din daw kasing pagsabayin ang meeting at blessing sa dami rin ng dumalo.

Ayon kay Governor Vi, isang taon at pitong buwan ding hinintay ang kanyang availability kaya itinuloy na rin ang pagbasbas sa resort ni Mother Lily.

"Kasi po humiling ako sa kanya, ’Mother baka gusto mo na mag-invest sa Batangas?’

"But if I may be honest, kulang na kulang tayo sa resorts at hotels for accommodation."

Malugod na pinagbigyan naman ni Mother Lily ang hiling ni Vilma kaya isinilang ang Imperial Hotel and Resort.

MOTHER LILY LOVES ATE VI. Sa panayam naman kay Mother Lily, inamin ng Regal matriarch na inspirasyon niya si Ate Vi dahil nakikita niya ang magandang pamamalakad nito sa Batangas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot naman dito ni Vilma, "Ang pinakamarami ko sigurong nagawang pelikula na... at nakuha ko lahat ang awards ay sa mga pelikulang ginawa ko kay Mother Lily.

"Kasi si Mother yung producer na sumusugal ba. Sumusugal in a way na nagte-take ng risk. Hindi niya iintindihin lagi kung kikita.

"Kaya pareho kaming lumuha no’n, e."

Ang tinutukoy ni Ate Vi ay ang sinapit sa takilya ng critically-acclaimed film na Sister Stella L (1984), na ipinalabas noong rehimeng Marcos.

"Pero hanggang ngayon pinag-uusapan yung pelikula," saad pa ni Ate Vi tungkol sa obra ni Mike de Leon na maituturing na ngayong isang classic film.

MOVIE WITH REGAL FILMS? Ayon kay Mother Lily, may alok daw siyang pelikula kay Ate Vi, pero nakasalalay sa ganda ng script para matuloy gawin ng Star for All Seasons.

Sabi naman ni Ate Vi, "Alam ni Mother yun. Hanggang sa Kapitolyo pinupuntahan ako ni Mother.

"Pero sabi ko, ’Mother, since limitado na lang akong makakagawa ng movie... sana bigyan mo ako, script muna.’

"Para kung halimbawa merong offer yung iba at allowed lang ako [makagawa] ng isa, pipiliin ko yung importante yung role.

"Again, uulitin ko, karamihan ng nagbigay sa ’kin ng prestige as an actress ay galing sa Regal.

"And alam n’yo po, if I may, sa pagmamahal sa akin ni Mother ’di lang bilang isang artista, alam n’yo po meron siyang mga scholars dito sa Batangas.

"Nagpapaaral po siya ng full-scholarship sa sampung estudyante.

"Na binigyan po ng budget ni Mother para karagdagang makapagbigay ng scholarship" sa iba’t ibang unibersidad daw, ayon pa sa gobernadora.

COME TO BATANGAS! Sa aming pagbiyahe papuntang Batangas, kapansin-pansin na mabilis na ang biyahe ngayon sa pamamagitan ng SLEX-ACTEx road.

Maraming artista na rin ang napababalitang nagsisibilihan ng lupa sa Batangas kaya hinihimok din ni Ate Vi ang iba pang mga artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So actors, artists, please come. Tawagan n’yo lang kami kung gusto ninyong magpahanap dito ng farm.

"At shooting... Maraming nagsu-shooting, maraming ikinakasal. Ganyan ho kaganda ang Batangas.

"Any work na nakakapasok dito ay definitely nakakatulong sa probinsiya," saad ni Ate Vi.

HORROR FILM? Kumusta na ang bagong pelikula ni Ate Vi na The Healing ng Star Cinema? At kumusta sila ng co-star niyang si Kim Chiu?

"Kim is very nice. Parang baby ko na rin siya.

"Nag-e-enjoy kami. Plus yung ibang cast, nag-e-enjoy kami. Masaya sa set."

Bakit nagdesisyon ang magaling na aktres na isang pelikulang katatakutan naman ang kanyang gawin ngayon?

"Challenging lang. Iba naman.

"Kasi hindi naman ’yan ordinary, Chito Roño ’yan!" pagtukoy niya sa kanilang direktor.

"Kasi, in my life, ano pa ba hahanapin ko? Kaya ko naman isang... parang natsa-challenge lang ako na iba naman.

"Tsaka ano naman to, e, doppelganger... na the other side of tao," pagtukoy niya sa pagkakaroon ng kadoble ng isang nilalang, puwedeng makita ang isang tao sa dalawang lugar sa parehong oras o panahon.

Sinasabi ring ito’y isang masamang pangitain na maaring maging pahiwatig ng kamatayan.

"Which is true. Pareho mo dalawa. Totoo naman yun, e.

"So, iba. Nagkakaro’n lang ako ng interes."

Puro ba ito katatakutan?

"Hindi naman. Maraming cast ’to. Janice de Belen nandito. Si Pokie... Pokwang nandito.

"Makikita n’yo yung... it’s not just an ordinary horror story.

"Si Kim dito, stepdaughter ko. Isa siya sa ililigtas ko sa curse. It’s not an ordinary horror film."

PLAN FOR VALENTINE’S? Ilang araw na lang ang Araw ng mga Puso. May plano ba sina Ate Vi at Senator Ralph Recto sa nalalapit na Valentine’s day?

"Planong ano? Lagi kaming may plano, utang na loob!" natatawang sagot ni Ate Vi sa tanong ng mga press na pilyong may ibang pinatutungkulan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"We always celebrate Valentine’s, pero usually post. After. Hindi yung on the 14th itself.

"Sometimes we go out to have dinner with the family. We see to it na may ano kami taun-taon... may biyahe kami," mabilis niyang dugtong.

"Yung biyahe naming taun-taon, yun yung time namin together. Kasi dito, hindi pangkaraniwan ang buhay namin.

"So we see to it that at least in a year, yung bakasyon namin, kami yun. We do anything and everything."

Ano raw? Tuloy naming usisa.

"Everything and anything, period!" tumatawang sagot niya.

MAYOR LUIS? Kinumusta rin ng press ang balak na pagtakbo ng kanyang anak na si Luis Manzano bilang mayor dahil sa susunod na taon na ang local elections.

"Nothing is final pero parang sa tingin ko, hindi siya naghahanda for that.

"Pinaghahandaan kasi ito. Sa tingin ko, hindi pa. Pag-aralan muna niya.

"’Yan ang maipapayo ko sa anak ko," esplika ni Ate Vi.

Sakali, hihimukin ba ni Ate Vi na sa Batangas na ikasal si Luis kung sakaling gusto na nitong lumagay sa tahimik?

"Si Luis ang magdedesisyon. Ako’y simpleng nanay lamang!" natatawa uling pahayag ng Star for All Seasons.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN