Mark Bautista remains friends with Piolo Pascual after being involved in the actor’s breakup with KC Concepcion

Naging mas bukas ngayon si Mark Bautista sa pagsagot ng mga katanungan tungkol sa pagkakasangkot niya sa kontrobersiyal na hiwalayang KC Concepcion at Piolo Pascual noong nakaraang taon. Para kay Mark, tapos na ang naturang isyu at naka-move on na ang lahat sa pangyayari. Nananatili naman silang magkaibigan ni Piolo at sinabi niyang, "Nagkakausap naman kami. Ayoko na lang i-elaborate pa ngayon, ha, kasi tapos na, naka-move na ang lahat."


Dumating si Mark Bautista kasama ang isang non-showbiz girl sa Skin: The Talent Agent’s Organization (TAO) Party na ginanap kagabi, Pebrero 7, sa Genting Club, Resorts World Manila.

Agad itong napansin ng press at tinanong kung ang kasamang babae ba ang kanyang "special someone" ngayon.

Pero paglilinaw ni Mark, "Hindi, may kasama akong mga kaibigan na nag-invite sa ’kin dito.

"Uhm, hindi ko alam kung anong nangyayari dito at nagugulat na lang ako na ganito pala kalaki na event ’to."

Wala raw dine-date sa ngayon si Mark.

Ang pagdalo raw niyang iyon sa party ay maituturing niyang isang "group date."

Pero paano siya sa darating na Araw ng mga Puso? Sila pa rin ba ng mga kaibigan niya ang makaka-date niya?

"Hopefully sila pa rin iyong mga makakasama ko sa Valentines.

"Hindi pa rin ako nakakapagplano sa Valentines, so hopefully hindi malamig ang Valentines ko," sagot ng singer-actor.

Matagal na ring walang napapabalitang girlfriend o nililigawan si Mark.

Ang pinakahuli ay ang pagkaka-link niya sa kasamahan niya sa Party Pilipinas na si Solenn Heussaff. Pero agad naman niya itong itinanggi sa isang interbyu. (CLICK HERE to read related article.)

Nanindigan din si Mark na hindi niya prayoridad sa ngayon ang kanyang lovelife.

Bakit matagal na siyang "loveless"?

"Gusto ko pa ngang tagalan, e, para, alam mo ’yon, marami pang sasabihin sa ’kin," pabiro niyang sagot.

Pero dagdag niya, "Puwede namang maging inspired kahit walang pag-ibig, ’yon, puwede ’yon, posible ’yon."

PIOLO-KC BREAKUP. Naging bukas naman si Mark sa pagsagot sa mga katanungan tungkol sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa kontrobersiyal na hiwalayan nina KC Concepcion at Piolo Pascual noong nakaraang taon.

Nainterbyu na si Mark ng Showbiz Central noong Disyembre tungkol sa diumano’y pagiging "third party" niya sa naturang relasyon, subalit tumanggi siyang magbigay ng komento. (CLICK HERE to read related story.)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa bali-balita, si Mark daw ang dahilan kung bakit tuluyang nakipagkalas si KC kay Piolo.

Muling tinanong ng PEP si Mark tungkol dito sa panayam namin s akanya kagabi.

Ani Mark, "Alam mo, 2012 na, ayoko ng... sobrang isang malaking pagsubok iyon sa ’kin, iyong last year, and happy na ’ko sa buhay ko ngayon."

Naapektuhan ba siya sa mga naglabasang tsismis tungkol sa kanya?

"Siyempre naman, tao lang din naman ako.

"So, sabi ko, tahimik naman din lahat, so pangit pa kung magsasalita pa ’ko at may sasabihin pa ’ko kasi ang tahimik na ng lahat, okay na."

Hindi ba siya nakaramdam ng depresyon dahil sa tindi ng isyung ipinupukol sa kanya?

"Buti na lang hindi ako nade-depress sa mga gano’ng bagay, buti na lang.

"Pinapalampas ko na lang lahat sa tenga ko, alam mo ’yon?

"Kasi kung iisipin ko pa, baka kung saan pa ako hanapin.

"So, buti na lang hindi ako masyadong apektado sa nangyari."

Paano nga ba nalampasan ni Mark ang isang matinding intriga tulad nito?

"Iyon lang iyong maganda sa pangyayari na, alam mo ’yon, ang dami kong kaibigan na sumusuporta sa akin na nagbibigay ng comfort sa ’yo, pamilya at kaibigan na kumakausap sa akin, so okay naman."

Naging mahirap ba para sa kanya na makuwestiyon ang kanyang kasarian dahil sa naglabasang isyu tungkol sa kanila ni Piolo?

"Hindi naman. Ano lang, maliban lang kung sumobra na, iyong nakaka... parang tama na, sagad na, e, iyong gano’n.

"Pero alam mo, hindi mo maiiwasan ’yan, so tanggapin mo na lang na iyon iyong puwedeng sabihin sa ’yo."

Tanggap na ba niya na ganoon ang nagiging pagtingin sa kanya ng ilan?

"Umpisa pa lang naman ng showbiz career ko, e. I mean, siguro mga third year ko sa showbiz, parang ayun na iyon, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So parang okay, okay na ako.

"At first, parang medyo nataranta ’ko, parang, ’Ba’t ganito? Ba’t ganyan?’

"Pero ngayon, parang [normal na]."

Kumusta naman ngayon ang pakikitungo niya kina Piolo at KC?

"Okay naman kami, okay kami."

May komunikasyon pa ba sila ngayon ni Piolo?

"Nagkakausap naman kami.

"Ayoko na lang i-elaborate pa ngayon, ha, kasi tapos na, naka-move na ang lahat," sagot ni Mark.

WORKING ON LEGACY. Masaya naman si Mark sa nagiging takbo ng kanyang showbiz career ngayon.

Kamakailan ay nag-umpisa nang ipalabas sa telebisyon ang kinabibilangan niyang teleserye sa GMA-7, ang Legacy.

Ito ang unang teleserye ni Mark makalipas ang higit isang taon.

Huli siyang napanood sa programang Dwarfina noong 2010 kung saan ginampanan niya ang papel ni Estong.

Aniya, nang tanungin kung mas ine-enjoy niya na ngayon ang pag-arte, "Well, na-miss ko, na-miss kong magkaroon ng acting job.

"Ngayon, iba iyong teleserye na ’to so ine-enjoy ko."

Natutuwa naman siya sa konsepto ng kanilang serye na umiikot sa magkaribal na kapatid na sina Natasha at Diana, na ginagampanan nina Lovi Poe at Heart Evangelista.

Kumusta naman ang "working relationship" ni Mark sa dalawang Kapuso female stars?

"Si Lovi? Well, si Heart ang madalas kong nakakaeksena so... alam mo, ang gagaling nila, ha.

"Maganda iyong konsepto ng teleserye, bagay na bagay sa kanila and sana bagay din sa akin," sabi ni Mark.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN