Part 2 Dingdong Dantes squashes network-transfer rumor; hints at possible movie project with Richard Gutierrez

Dingdong Dantes on arrival of new breed of stars: "Challenge din naman para sa amin. We always have to... kumbaga, keep our feet on the ground and kailangan parating up against the tides tayo, hindi lang yung tipong complacent ka parati."


Dahil sa pakikipag-collaborate ni Dingdong Dantes sa Star Cinema para sa pelikulang Segunda Mano ay nagkaroon ng haka-haka na baka tuluyan nang lumipat ang Kapuso actor sa bakuran ng ABS-CBN.

Ayon pa sa report ay hinihikayat daw siya ng co-star at co-producer niya sa Segunda Mano na si Kris Aquino na lumipat na ng network.

Pero binigyang-linaw ni Dingdong ang isyung ito.

"Siguro baka nagkataon na maiisip talaga ’yon because I was privileged to do a project in Star Cinema.

"And lahat naman ’yon, hindi naman mangyayari kung hindi dahil sa magandang pag-uusap ng kampo namin, ng GMA, and of course ng Star Cinema.

"Bihirang mangyari yung mga ganung pagkakataon.

"That’s why I’m grateful they made this collaboration possible," saad ng premiere Kapuso leading man.

Masusundan ba ang paggawa niya ng pelikula sa Star Cinema, ang film arm ng ABS-CBN?

"Hindi natin alam," sambit ni Dingdong.

"Kung dati iniisip n’yo, e, baka imposibleng makagawa ako ng movie outside of GMA, but still, it became possible.

"So anything can be possible, depende rin sa tamang intensiyon, tamang panahon, and probably tamang pagkakataon."

IZA CALZADO. Dahil napag-uusapan na rin lang ang paglipat ng network, naitanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Dingdong kung ano ang reaksiyon niya sa paglipat ng dating Kapuso star Iza Calzado sa bakuran ng ABS-CBN.

Maraming pinagsamahang proyekto sina Dingdong at Iza sa GMA-7.

Sa TV ay nagkasama sila sa Encantadia, Etheria, Atlantika, at I Heart You, Pare.

Sa pelikula naman ay naging magkatambal sila sa Moments of Love, Eternity, at One True Love.

Sabi ni Dingdong tungkol kay Iza: "I know her as someone who really likes to try new things. She always wants to challenge herself.

"For whatever reason she has for transferring, I truly respect that.

"I just really hope that she’s happy there, which I think she is.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"And I wish her luck."

Sa kaso naman ni Dingdong, hindi raw malaking offer ang magiging dahilan kung sakaling gumawa man siya ng malaking hakbang pagdating sa kanyang career.

"Pagdating sa mga figures, e, ayoko naman na yun ang unang pumasok na dahilan para gumawa ako ng mga hakbang.

"So, importante napu-fulfill ko naman yung mga gusto kong gawin.

"It’s happening here in my home network, so okay na ’yon.

"I’m very happy here," sabi niya.

NEW BREED OF STARS. Samantala, itinuturing ni Dingdong na "challenge" para sa kagaya niya ang pagpasok ng mga bagong mukha sa showbiz.

Ayon kay Dingdong, "Challenge din naman para sa amin. We always have to... kumbaga keep our feet on the ground and kailangan parating up against the tides tayo, hindi lang yung tipong complacent ka parati.

"I’m happy for the new ones that’s why I said kanina, ’I’m so happy to work with them because they always give fresh approach on things.’"

"And parang you can see the new breed, e, di ba? Na nakakatuwa because galing ka rin do’n once in [your] life."

Nagsimula si Dingdong bilang miyembro ng Abztract Dancers at nabigyan ng break umarte sa youth-oriented shows na T.G.I.S. at Anna Karenina, at sa ilang pelikula ng Viva Films.

Sa bakuran ng GMA-7 ay marami ngayong hinuhubog ang network para maging future leading men.

Ilan sa kanila ay sina Aljur Abrenica, Mark Herras, Rocco Nacino, Mike Tan, Elmo Magalona, Kristoffer Martin, Derrick Monasterio, at ang co-star ni Dingdong sa My Beloved na si Alden Richards.

Sa pagpasok ng mga bagong mukhang ito, hindi ba nararamdaman ni Dingdong na "tumatanda" na siya?

"That’s reality, that’s reality," sagot ng 31-year-old actor.

"And you just really have to face... keep reinventing ourselves.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"And gano’n talaga ’yon sa kahit saang industriya, kahit anong negosyo, you have to offer something new after, let’s say, capitalizing on what you’ve already given."

BEST ACTOR. Sa kaso ni Dingdong, tila wala naman siyang dapat ipangamba sa estado niya ngayon dahil napatunayan na niya ang kanyang kakayahan bilang isang aktor.

Dalawang beses nang itinanghal na Best Actor si Dingdong—sa Star Awards for Television 2010 para sa Stairway To Heaven at Metro Manila Film Festival 2011 para sa Segunda Mano. Bukod pa ito sa award niya sa paghu-host.

Ano ang epekto ng pagpanalo niya ng acting award habang gumagawa siya ng eksena? Parati ba niyang iniisip na, ’Uy, best actor ako!’?

Ayon kay Dingdong, "Hindi, e, kasi sa ngayon nga, parang... Parang ganito lang yun, e, kapag ang isang show mo na maganda, e, natapos, at may bagong show kang ginagawa ngayon, most likely makakalimutan na yung ginawa mo previously.

"Because maaaring mas maganda yung ginagawa mo ngayon or you’re offering something new."

Dagdag niya, "Para sa akin, Segunda Mano experience was definitely a great experience.

"It is something that... marami akong natutunan do’n, and may isang bonus pa—-an award.

"But then, as we move forward, as we move along, we will also take these learnings kumbaga sa mga bagong projects na gagawin mo.

"So, andiyan lang ’yan at the back of your head, pero it’s really more of... yung bago mong ginagawa ang mag-eengganyo sa ’yo.

"And lahat ng nangyari in the past, lahat ng natutunan mo, madadagdag ’yan sa ginagawa mo ngayon."

Nadagdagan na rin ba ang talent fee niya sa GMA-7 pagkatapos niyang manalo ng Best Actor trophies?

"A, wala... hindi naman po factor ’yon. But siguro nadagdagan yung pressure!" natatawang sabi ni Dingdong.

Dagdag niya, sa seryosong tono, "Siguro para sa akin, it’s more of prestige.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Isang bagay talaga ’yon na madadala ko naman habambuhay ’yon. Parati kong maaalala ’yon.

"So more than any compensation, yung alaala na lang talaga nun, e, malaking bagay na para sa akin."

Saan niya inilalagay ang kanyang napanalunang tropeyo?

"Oo nga, ’no?" napaisip niyang sabi.

"Sa’n ba yung akin? Sa bahay yung akin... Sa kuwarto lang, yung iba nasa opisina ko.

"Hindi ko siya... actually ayoko siyang i-display from the other trophies."

Paliwanag ni Dingdong dito, "Kasi ayoko ring parang isipin na... parang feeling ko matatapos pag idinisplay mo, e. Kasi parang masyado mong binibigyan ng...

"E, kung mabasag, kung maano, di ba? Yun na lang ang kaisa-isa.

"Mas gusto ko naka-safe keep siya. Nakalagay sa isang lugar na alam mong hindi siya mababasag o masisira.

Hindi niya idini-display?

"Hindi lahat, hindi lahat. Kumbaga, kung may display ’yon, hindi ako nag-display."

Ano yung naka-display na award niya?

"Ano ba ngayon yung nakalabas? A, yung Gold Record!

"May Gold Record ako, ’kala n’yo!" natatawang sabi ni Dingdong.

Pagpapaalala pa niya, "May album ako noon, di ba? Hindi ako kumanta, may dance DVD, di ba?"

Ang tinutukoy niya ay ang dance album na The Dingdong Dantes Experience na ini-release ng Universal Records.

Sabi pa niya tungkol sa album, "So, parang... wala, naaliw lang ako do’n.

"May dance siya, pero of music videos. Parang ako yung artista sa music videos.

"Yun, meron ’yon, so natuwa ako. So, medyo na-display ko ’yon."

WORKING WITH RICHARD GUTIERREZ. Sa bakuran ng GMA-7 ay itinuturing na pinakamahigpit na magkaribal sina Dingdong at Richard Gutierrez.

Sila rin ang sinasabing top leading men ng Kapuso network.

Tinanong si Dingdong kung may posibilidad bang gumawa sila ng proyekto ni Richard na magkasama.

"Oo naman," mabilis niyang sagot.

Posible bang mangyari ito sa kabila ng sinasabing umabot na sa personalan ang kanilang rivalry?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Of course, of course... very," tugon niya.

Sa katunayan, may pahiwatig si Dingdong na tila may niluluto nang proyekto na pagsasamahan nila ni Richard.

Aniya, "Basta posible siya. Kung bakit, malalaman n’yo na lang kung bakit.

"It’s very possible and if the time is right, you’ll know.

"And hopefully if that happens, this year, sa pelikula. Sana."

Kung sakali, hindi ito ang unang pagkakataon na magkakatrabaho sina Dingdong at Richard.

Nagkasama na sila sa Mulawin: The Movie. Idinirek na rin ni Dingdong si Richard sa ilang episodes noon ng Kakabakaba Adventures.



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN