Coco Martin still nervous acting opposite seasoned actresses; puts lovelife on hold for career

Coco Martin on getting plum acting projects: "Ang tagal ko rin namang hinintay ito. Kumbaga, dumaan ako sa pa-extra-extra sa mga indie films, ilang beses na rin naman akong lumabas sa TV, pero hindi pa rin ako napapansin. Ilang beses na rin naman akong ni-reject sa mga projects na hanggang sa audition lang ako. Kaya ngayong andito na ito, e, dapat lang na mag-focus ako rito. At kung anuman yung kaya kong gawin, e, dapat lang na isagad ko na ang serbisyo ko,&


Ipinagmalaki ni Coco Martin sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang one-week taping nila ng co-star niyang si Dawn Zulueta sa Italy para sa ilang mahahalagang eksena ng Walang Hanggan.

Bagamat ilang beses na siyang nakapag-abroad, dahil sa indie films niya na nagiging kalahok sa international film festivals, ito raw ang unang beses ni Coco na makarating sa Milan at Rome.

Kuwento ng aktor, "Suwerte ko talaga dahil bukod sa kasama ako ni Ms. Dawn, e, first time kong nakarating sa Rome at Milan.

"Kaya sabi ko, suwerte ko talaga kasi nakapunta ako doon nang libre.

"Binigyan pa rin kami ng dime ng mga Pilipino sa Milan.

"Siyempre, sabik silang makakita ng artista kaya tuwang-tuwa sa amin at binigyan kami ng mga gagastusin daw namin doon.

"Pero hindi ako nakapag-shopping dahil kulang sa oras.

"Ang nakakatuwa lang doon, habang nagsu-shoot kami, halos lahat ng mga location namin, e, libre. Kasi ang mga kababayan natin doon, ang bait-bait sa amin.

"Sila pa mismo ang nagsasabing sa kanila kami magsu-shooting.

"Hindi kagaya dito sa atin na lahat kailangan mong bayaran—yung permit, yung bahay na pagsu-shooting-an... lahat-lahat. Doon libre.

"Pati mga tao doon, nakikipag-cooperate sa amin."

Nakausap ng PEP si Coco sa taping ng Walang Hanggan noong Biyernes, February 17, sa Antipolo.

So, hindi sila nahirapang mag-shooting sa Italy dahil wala na silang kinuhang permit?

Paglilinaw ni Coco, "May mga permit din naman kaming kinuha, pero may mga lugar na hindi na kami kumuha kasi sila mismo ang may gusto na doon kami mag-shoot."

DIFFICULT ROLE. Aminado naman si Coco na medyo nahirapan siya sa role niya sa Walang Hanggan bilang Daniel, isang mabait at pasensiyosong bida.

"Lahat halos kasi ng mga roles na nagawa ko, e, ako ang kontrabida.

"Kaya sabi ko sa sarili ko, e, mahirap din naman pala yung ako ang mabait.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kumbaga, sa mga eksena ko, e, gusto kong ipakita na galit na ako, pero hindi puwede.

"Hindi ko maibigay ang talagang gusto kong ibigay... pigil kumbaga.

"Kasi ’pag ibinigay ko, e, baka ako ang magmukhang kontrabida, kaya medyo nahihirapan ako.

"Pero at least, bago naman at hindi yung the usual na napapanood na laging galit na lang at laging sumisigaw at lumalaban talaga."

DAWN ZULUETA. Sa hiwalay na panayam ng PEP kay Dawn Zulueta ay sinabi nito na nag-aalangan siya kung ano ang itatawag niya kay Coco tuwing magkaeksena silang dalawa.

Sa Walang Hanggan ay gumaganap sina Dawn at Coco bilang mag-ina.

Ano ang masasabi ni Coco sa pahayag ni Dawn?

"Kasi siyempre, careful din ako sa kung ano ang itatawag ko kay Ms. Dawn, baka magkaroon ng malice.

"Kumbaga, naging careful ako sa sasabihin ng viewers.

"Kasi sobrang ang ganda ni Ms. Dawn at bata pa naman, ’tapos tatawagin kong ’Mama.’ Parang nakakailang, di ba?" saad ni Coco.

So, ano ang tawag ni Coco kay Dawn?

"Sa umpisa, ’Senyora.’"

May posibilidad kaya na ma-in love si Coco sa isang kagaya ni Dawn?

"Oo naman, walang imposible diyan. Basta nagkaintindihan kayo," sagot ng 30-year-old actor.

"Sabi ko nga, ang puso naman, walang age ’yan.

"Hindi mo alam kung mai-in love ka sa isang may edad sa ’yo."

Nangyari na ba na na in love siya sa isang mas may edad sa kanya sa totoong buhay?

"Before, meron din na medyo mas matanda sa akin ng konti, pero hindi mas bata ng mas konti," sagot ni Coco.

May paghanga ba siyang nararamdaman kay Dawn?

"Dati pa, kahit hindi pa kami nagkasama sa Walang Hanggan.

"Siyempre, may paghanga talaga ako sa kanya. Sino ba ang hindi, di ba?

"Ang ganda niya at ang galing pang umarte at mabait pa, di ba?"

Si Dawn ay may asawa at dalawang anak na. Kung nagkataong dalaga si Dawn, liligawan kaya niya ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Naku, hindi niya ako magugustuhan!" bulalas ni Coco.

"Baka hindi ko na rin susubukan, dahil alam n’yo naman, medyo may pagka-torpe ako.

"At kung medyo alam kong hindi ako papasa, e, hindi ko na susubukan."

BONDING IN ITALY. Kumusta naman ang naging bonding nila ni Dawn sa Italy?

"Masaya, kasi kaming-kami lang talaga.

"’Tapos ang pakiramdam ko, e, gumagawa kami ulit ng isang indie movie, kasi walang artista sa amin... walang artista, walang director.

"Lahat kami nagtatrabaho, kami-kami lahat ang nagbubuhat ng mga gamit, kaya ang saya-saya ng bonding.

"’Tapos lahat kami, magkaka-vibes at lahat kami magkakasundo.

"Kaya kahit sobrang hirap, sabi ko nga, pangarap ko talagang makapag-shooting sa abroad.

"Sabi ko nga, dahil nandun na ako, e, ang hirap pala.

"Naghahabol ka sa oras, mga location... ’tapos kami-kami lang din.

"’Tapos, sabi ko nga, para kaming gumagawa ng isang school project.

"Kaya ang sarap-sarap ng pakiramdam. Kaya nandun talaga ang bonding."

Hanga rin daw si Coco sa professionalism ni Dawn.

"Sobrang professional talaga!" sambit niya.

"Lalo na kung may chance na nagse-set-up pa, ’tapos nagkukuwentuhan kami.

"Ikinuwento ko sa kanya na mahilig talaga akong manood ng mga love story, pinapanood ko yung Hihintayin Kita Sa Langit. Sobrang ganda talaga ng pelikulang yun."

Ang Hihintayin Kita Sa Langit ay ang 1991 movie na pinagtambalan nina Dawn at Richard Gomez. Ang pelikulang ito ang pinagbasehan ng istorya ng Walang Hanggan.

Patuloy ni Coco, "Kaya naikuwento ko kay Ms. Dawn, yung henerasyon namin ngayon sa indie...

"Di ba po, ang daming mga magandang indie, ’tapos nung time nila noon ni Richard, ang dami nilang ginagawang pelikulang magaganda?

"Kasi ako, laki ako sa lola kaya lagi akong nakakapanood ng mga pelikula nila ni Dawn nung araw.

"Kaya sabi ko nga, ang galing-galing at ang ganda-ganda niya," papuri pa rin ni Coco sa kasamahang aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LORNA AND DAWN. Bago ang Walang Hanggan ay napanood si Coco sa teleseryeng Minsan Lang Kita Iibigin. Dito ay nakasama naman niya ang isa pang mahusay na aktres, si Lorna Tolentino.

Paano ikukumpara ni Coco ang pakikipagtrabaho niya kina Dawn at Lorna?

Sagot ng aktor, "Ang hirap pagkumparahin silang dalawa. Pareho silang maganda at magaling.

"Kumbaga, doon ako masuwerte.

"Siyempre kasi, yung mabigyan ng pagkakataon na makasama ko silang dalawa, sobrang suwerte na ’yan, di ba?

"Marami akong natutunan sa kanilang dalawa.

"Sabi ko nga, minsan sana, huwag lang akong malaglag, at makasabay man lang sa acting sa kanilang dalawa.

"Kasi ’pag makaeksena mo na silang dalawa, sa sobrang galing nila, matutulala ka talaga."

Sa isang kagaya niyang multi-awarded actor, may kaba pa rin pala siyang nararamdaman tuwing kaeksena ang mga magagaling na aktres?

"Oo naman," sabi ni Coco.

"Kasi ilang taon pa lang naman ako sa industry. Kumbaga, ganun pala.

"Pati na kay Tita Susan [Roces, his co-star in Walang Hanggan], sobrang hanga talaga ako sa kanila sa pagbitaw ng dialogue.

"Sabi ko nga, habang nakasama ko sila, e, palalim nang palalim at parami nang parami ang mga natutunan ko."

JULIA MONTES. Kumusta naman sila ng leading lady niya sa Walang Hanggan na si Julia Montes. Lumalim na rin ba ang samahan nilang dalawa?

"Well, hindi, e, bantay-sarado siya ng lola niya! Pero magkasundo naman kami ng lola niya!" natatawang sabi ni Coco.

Hindi ba niya nililigawan ang dalaga?

"Sobrang bata po talaga niya, e," sabi ni Coco tungkol sa kanyang leading lady, na magsi-17 years old pa lang sa March 19.

"Pero hindi naman sa ayoko... sa akin naman kasi, ’pag hinaluan ko ng mga ganyan, e, baka magkaroon pa ng problema.

"Kunwari magkaroon kayo ng relasyon at may tampuhan, e, tiyak madadamay ang ginagawa n’yo.

"Maganda na ang ganito, kahit alam naming mahirap ang proyekto, ’pag nagkakasundo kayong lahat, magiging magaan ang lahat."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ilang buwan na rin nilang pagsasama ni Julia, hindi ba naramdaman ni Coco na merong paghanga sa kanya ang young actress?

"Parang wala naman yata. Hindi yata ako ang type niya!" natatawang sabi ng aktor.

Hindi kaya ang dahilan kung kaya’t hindi niya nililigawan si Julia ay dahil mas gusto ni Coco ang isa pa nilang co-star sa show na si Melissa Ricks?

"Si Mel, e, close din kami niyan. Pareho kasi kami ng RM [road manager]. Pero walang ligawan na nangyayari," diin ni Coco.

BORING LOVELIFE, BLOOMING CAREER. Masyado yatang boring yata ang lovelife ni Coco?

Ayon sa aktor, "Hindi naman, kumbaga, hindi ko rin naman nararamdamang boring ang lovelife ko dahil sa pagod.

"Kumbaga, pagkatapos ng trabaho, kaysa kung saan-saan pupunta, e, pahinga na lang.

"Anyway, darating din naman nang kusa ’yan. I mean, yung lovelife.

"Alam ko namang darating din ang time na iikot din para sa puso ko naman.

"Ang sa akin lang, habang okey ang takbo ng career ko, ang daming blessings na dumarating sa akin, e, samantalahin ko na muna.

"Para sa pagdating ng araw, e, wala akong pagsisihan talaga.

"Kumbaga, ayokong magsisi na hindi ko na lang pinagbubutihan ang mga magagandang bagay na dumating sa akin.

"Kumbaga, ayokong magsisi na inuna ko ang barkada at ang lovelife na ’yan.

"Para sa akin, enjoy ko muna ang trabahong ibinigay sa akin ng ABS.

"Kasi alam din naman natin na hindi panghabang-buhay ito,

"’Pag dumating ang time na hindi na ganito ang takbo, e, may panahon na, doon naman ang focus ko.

"Kasi ang tagal ko rin namang hinintay ito.

"Kumbaga, dumaan ako sa pa-extra-extra sa mga indie films, ilang beses na rin naman akong lumabas sa TV, pero hindi pa rin ako napapansin.

"Ilang beses na rin naman akong ni-reject sa mga projects na hanggang sa audition lang ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya ngayong andito na ito, e, dapat lang na mag-focus ako rito.

"At kung anuman yung kaya kong gawin, e, dapat lang na isagad ko na ang serbisyo ko," seryosong saad ni Coco.

Masaya raw si Coco sa mga ibinibigay na atensiyon sa kanya ng Kapamilya network. Kaya ibinalik lang daw niya ang tiwalang ibinigay sa kanya ng istasyon.

"Sobrang pasasalamat ko talaga sa ABS.

"Naikot ko na ang lahat ng istasyon—sa TV5, sa GMA, at huling-huli nga itong ABS—at dito ako binigyan ng chance.

"Nung una siyempre, maliliit na roles.

"Kailangan lang na ipakita ko ang talent ko kaya nang binigyan na nila ako ng pagkakataon, itinodo ko na at sinuklian ko naman ng maganda ang ibinigay nilang pagkakataon sa akin.

"Sunud-sunod ang trabaho ko ngayon. Ang bakante kong oras, e, itutulog ko na lang.

"Kung wala akong taping naman, e, tinatapos ko yung movie namin ni Angeline [Quinto]. Ito yung You Light Up My Life.

"’Tapos, may mga mall shows pa kami para sa Walang Hanggan, kaya almost every day talaga may trabaho ako."

MOVIE WITH JUDY ANN. Kinumusta rin ng PEP kay Coco ang pelikulang pagsasamahan nila ng young superstar na si Judy Ann Santos.

Sabi niya, "Baka makapag-start na kami by the end of March. Medyo may mga trabaho pa kaming pareho na dapat tapusin."

Ano ang reaksiyon niya sa tawag sa kanya ni Juday na "bagets"?

Napangisi si Coco, at sinabing, "Hindi pa kasi kami nagkakasama. Baka kasi ang akala niya sa akin, bagets pa talaga at inosente pa.

"Pero sabi ko nga, nung makita ko siya noon sa Anak TV [Awards], e, hindi ko alam kung paano siya lalapitan.

"Kasi Judy Ann Santos ’yan, di ba? Pero nang magkalapit na kami, e, nilakasan ko na ang loob ko at sabi ko, ’Ms. Judy Ann, congratulations po.’ Ngumiti naman siya sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang payat-payat pa niya ngayon at ang ganda, di ba?" papuri pa ni Coco sa future leading lady niya.

Ngayong masasabi nasa peak na siya ng kanyang career, may mahihiling pa ba si Coco?

"Sabi ko dati, ang hiling ko lang sa Itaas, e, yung magkaroon ng regular na trabaho, na every month, e, may sasahurin ako.

"And then, yung ibinigay naman Niya sa akin, e, sobra-sobra.

"Sa sobrang ibinigay Niya sa akin, e... sumobra pa sa mga hiniling ko, e, kuntento na ako nang sobra rin.

"Ang hinihiling ko lang naman, e, regular income, pero heto, sobra-sobra.

"Kaya anumang ibinigay sa akin ngayon, e, dapat ipagpasalamat ko ng sobra-sobra rin," sabi ni Coco.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN