Jose Manalo and Wally Bayola to do "buwis-buhay" production numbers at their first major concert

"Meron din. Meron din. May buwis-buhay din. ’Tsaka hindi naman siyempre gagawa ang... ng ganitong show kung wala silang mapapanood na kailangang mapag-usapan nila," says Jose Manalo (left) when asked if he’s going to have "buwis-buhay" number like his partner Wally Bayola (right).


Subok na ang hatak ng tambalan nina Jose Manalo at Wally Bayola sa longest-running noontime show na Eat Bulaga!, lalo na sa kanilang segment na "Juan For All, All for Juan: Sugod Bahay sa Barangay."

Dinudumog din ang dalawang komedyante tuwing may pagtatanghal sila sa comedy bars na Klownz at Zirkoh.

Kaya marahil panahon na para sa isang malaking venue naman nila ipamalas ang kinagigiliwan nilang pagpapatawa.

At heto na nga ang kanilang malaking concert sa March 2 sa Smart-Araneta Coliseum—The Jose and Wally Show: Party for Every Juan!.

Sa kanilang presscon kagabi, February 19, sa Penthouse ng Imperial Palace Suites sa Timog Avenue, Quezon City, inamin nina Jose at Wally na medyo kabado sila sa kanilang unang sabak sa malaking venue, gaya Araneta Coliseum.

Kung iisipin kasi, dalawang katatapos lang na local concerts sa Big Dome ang naging very successful.

Una ay ang Annebisyosa concert ni Anne Curtis at ang Mr. & Mrs. A concert ng mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velasquez.

Sabi ni Jose, "Yun nga yung nakakatakot, e, di ba? Sunud-sunod yung show no’ng Valentine’s Day, ’tapos puro puno.

"’Eto, parang off, e. Parang off-season ng pagko-concert. Do’n pa kami natapat. Na sana mapuno."


PREPARATIONS? Sa tingin ba nila ay kaya rin nilang punuin ang Big Dome?

Biro ni Jose, "Kahit lima lang yung kulang. Basta... bayaran ko na lang yung kulang do’n sa taas, mapuno na lang."

Sagot naman ni Wally, "Sinasamahan namin ng dasal."

Ayon uli kay Jose, "Ginagawa naman namin lahat yung preparasyon, pagpapahinga para makundisyon.

"Kagaya ko na galing ako sa sakit, so kinukundisyon ko yung katawan ko.

"Na yung tuhod ko, kailangan kong i-theraphy, di ba, na kailangan sa mga dance number na magagawa?"

Ano ba ang mga dapat abangan sa kanilang concert?

"Surprise!" halos sabay na bulalas ng dalawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May mga "buwis-buhay" ba silang production numbers?

"Si Wally may buwis-buhay!" natatawang turo ni Jose sa kanyang kasama.

Kung may buwis-buhay number si Wally, si Jose ba ay meron din?

"Meron din. Meron din. May buwis-buhay din.

"’Tsaka hindi naman siyempre gagawa ng ganitong show kung wala silang mapapanood na kailangang mapag-usapan nila," sagot ni Jose.

Dagdag naman ni Wally, "Pero sa lahat-lahat talaga na nakita naming... yung buong programa, concert talaga. Concert talaga siya."

Pagpapatuloy ni Jose, "Hindi namin ginagawa ’to... Kaya yung pinag-aaralan naming kanta, mula do’n sa sasakyan, yun ang tugtog.

"Hanggang sa bahay, hanggang sa kalsada kami, pati sa iPod... nakasaksak na lahat sa ’min para mapulido lang namin pagkagawa."

Dahil concert ang kanilang gagawin, baka naman mawala na yung pagpapatawa na siyang inaabangan mula sa kanilang dalawa?

Sabi pa rin ni Jose, "Balance na balance yung kantahan, yung sayawan.

"Yung comedy, ipapasok para mapahinga yung tao sa tenga sa kakapakinig ng kanta.

"Kailangan ipasok yun para tumawa nang tumawa yung mga tao."

May mga green jokes din ba sila gaya ng mga jokes nila sa comedy bars?

Natatawang sagot ni Wally, "Siguro kung meron man, pero hindi kasing-bastos naming dalawa!

"Ibang-iba rin sa Klownz. Malaki yung diperensiya, e, sa ginagawa namin gabi-gabi.

"Hindi lang basta show talaga. Concert talaga yung konsepto."

MISUNDERSTANDINGS? Nag-aaway rin ba silang dalawa o nagkakatampuhan dahil madalas silang magkasama?

Sabi ni Jose, "No’ng nag-uumpisa ho kasi kami, yung tampuhan... nagkakapaan kasi kami kung ano yung ugali.

"Si Wally kasi, ’pag kasama ko ’yan, parang may sariling mundo ’to, e.

"Minsan ’pag may show kami, di ko alam, ’Ano, nasa mood ba ’tong taong ’to?’

"Yung mga gano’n lang. Pero yung away, wala."

DOLPHY AND PANCHITO. Sa pagpapatawa, kailangan may tagabato ng pakuwela at may tagasalo.

Halimbawa rito ay ang Comedy King na si Dolphy at ang yumao niyang partner na si Panchito, na kaya kuwela ay dahil nagbibigayan sa batuhan ng jokes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kanila, sino si Dolphy at sino si Panchito?

Unang sumagot si Wally. Aniya, "Siya po si Dolphy, ako po si Panchito. Ako po si Panchito, siya po si Dolphy."

Sagot naman ni Jose, "Hindi, sa ’min po kasi, wala yung gano’n, e.

"Sa aming dalawa, kung sino yung puwedeng sumuporta o sumagot.

"Depende na lang po do’n sa sitwasyon na nangyayari kung nasaan kami.

"Kung sino yung unang magsalita at alam po niya kung ano yung gagawin, ’Ha... oo nga.’ Gano’n. Ako naman yung taga-’Oo nga!’"


WILLIE IS WALLY? Sa isang remote telecast ng Eat Bulaga! ay napagkamalan ng isang winner si Wally Bayola na si si Willie Revillame.

Pero sinakyan na lang nila ang pangyayari at ginawa na lang nila itong katatawanan. Ginaya ni Jose ang porma at pagsasalita ni Willie habang naghu-host.

Ayon kay Jose, "Yung ’Juan For All...’ kasi, kami, e, dumidipende lang kami do’n sa [nasa] loob ng studio.

"Si Bossing [Vic Sotto], si Tito Joey [de Leon], si Allan [K].

"Kung sino man yung host na nando’n, kung ano yung ibato sa amin, yun lang yung gagawin namin na alam naming puwede.

"Sila yung... mas sila yung may experience kung gagawin ba namin yung isang bagay o hindi.

"No’ng makita namin si Bossing, ginawa yung mga segment ni Willie, yung mga sayaw ni Willie, ’tapos si Tito Joey kumanta na ng, ’I love you...’ mga gano’n, ibig sabihin, naramdaman namin na puwede.

"Puwede naming gawin kasi nagawa na nila sa loob.

"So, kaming nasa labas [remote telecast], puwede. So, ginawa na namin.

"Kasi nando’n na, e. Ampangit kasing tingnan na bigla kong babaguhin yung topic na nando’n na.

"Napagkamalan kasing si Willie... Wally, Willie. Dikit na dikit yung pangalan.

"So yung ’Juan for All...’ kasi, kung anong puwedeng paglaruan, anong puwedeng gamitin para maging masaya, yun na po yung ginagamit."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi naman daw kinabahan si Jose na magalit si Willie sa kanya dahil sa panggagaya niya.

"Okay naman kay Willie," sabi ni Jose, na sinang-ayunan naman ni Wally.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN