Part 2 Zoren Legaspi on closet queens: "Mahina ako sa mga nagtatagong ganyan, e. Talagang hindi ko mabasa. Ang kaya kong basahin ay iyong ladlad na."

"Talagang hindi ko mabasa. Ang kaya kong basahin ay iyong ladlad na. Pero iyong sinasabi nilang mga pang-amoy, iyong sinasabi nilang malansa, iyong paminta [pa-mhin]... iyong mga ganoon, mahina ako diyan. Hindi ko kayang basahin ang mga ganyan," says Zoren Legaspi when asked if as a TV talk show host he knows who the closet queens in showbiz are.


Nagkantiyawan sa ere ang dalawa sa hosts ng Paparazzi na sina Zoren Legaspi at Ruffa Gutierrez noong Sabado, February 18.

Tinanong kasi ni Zoren kung okay lang kay Ruffa na interbyuhin niya si Nadia Montenegro, na kaaway at kademandahan ng nanay ni Ruffa na si Annabelle Rama.

Dahil dito ay kinapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Zoren.

Tinanong namin siya, bilang isang talk show host, sino ang pangarap niyang ma-interview sa Paparazzi, ang showbiz talk show ng TV5?

Sagot niya, "Ang gusto ko talagang ma-interview ’yong may mga issues talaga. Because I’d like to clear things out.

"You know, ayaw ko namang may gulo. I like patching things up.

"Kung may away, gusto ko ay laging malinaw ang story.

"Kasi, para hindi lumabas na magulo ang showbiz industry.

"Kasi minsan, miscommunication lang talaga ang problema.

"Minsan ay hindi nakakapag-usap iyong dalawang tao.

"Nagre-rely doon sa mga isinusulat kaya lumalaki ang mga issue kung minsan," paliwanag pa niya.

MO TWISTER. Isiniwalat din ni Zoren na karamihan ng mga source o baon niyang mga intriga sa Paparazzi ay galing kay Mo Twister.

"Dati si Mo talaga ang nagpi-feed sa akin. Dahil alam mo naman si Mo, maraming sources ’yan, e.

"Ngayon, kung ano lang din ang mabasa ko, mabalitaan ko, kung ano lang ’yong dumating sa aking balita, ’yon.

"Pero I don’t really exert effort na para makaalam ng mga latest showbiz news, hindi ko naman ginagawa ’yon.

"Actually, marami akong alam pero hindi ko na sinasabi.

"Kasi, ayun nga, lumalaki kasi dahil minsan nga ay napi-pick-up ’tapos ayun, naisusulat. Hanggang sa lumalaki," saad niya.

CARMINA VILLARROEL. Hindi ba siya napapagalitan ni Carmina kapag tipong nagiging sobrang intrigero siya?

"Hindi naman. Hindi naman," nakangiting sabi ni Zoren.

"Kasi recently din ay wala naman akong mga baon.

"And alam naman niya na yung mga ginagawa ko ay hindi ko naman ikasasama at hindi ikasasama ng pamilya namin. Trabaho lang, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi ako, nagdedepende rin ako sa ugali rin ng artista.

"Kung mabait naman iyong artista, I let it go.

"Pero kung mayroon siyang attitude, yun, ’A, may attitude problem ka, ha.’

"Kasi gusto ko ay mabait lahat, dapat ganoon."

CLOSET QUEENS. Madalas tayong makabasa ng balita tungkol sa mga artistang lalaki na diumano’y closet queens. Si Zoren ba ay may alam na mga artistang "nagtatago sa dilim"?

"Hindi ko... alam mo, mahina ako sa mga nagtatagong ganyan, e," nangingiting sabi ni Zoren.

"Talagang hindi ko mabasa. Ang kaya kong basahin ay iyong ladlad na.

"Pero iyong sinasabi nilang mga pang-amoy, iyong sinasabi nilang malansa, iyong paminta [pa-mhin]... iyong mga ganoon, mahina ako diyan.

"Hindi ko kayang basahin ang mga ganyan."

Bilang isang showbiz talk show host, malamang ay marami siyang alam na mga intriga at sikreto sa apat na sulok ng showbiz. Masasabi ba niyang talamak ang relasyong gay-to-gay at gay-to-man sa showbiz?

"E, kasi ako, old school kasi ako, e. So ang lalaki, lalaki.

"Iyon ako, ang lalaki ay lalaki. Wala nang kaliwa’t kanan na pagkatao niya," sabi niya.

Pero naniniwala ba siya na ang mga iniintrigang bakla na artista ay maaapektuhan ang kasikatan o career kapag inamin nilang bading sila?

"Ngayon naman, ang mga viewers natin, parang na-open na sa society, na parang tanggap na rin nila, e.

"So, hindi ko alam kung magugulat o ikagugulat ba ng publiko. Pero sa kanila, parang it’s just a regular news.

"Pero kung maaapektuhan ang career, definitely, mayroong effect iyon.

"Kaya marami rin ang hindi makaamin.

"Kasi, you know, paano ka tatawaging leading man kung hindi ka diretso?"

Siya ba ay nakaranas na ring maintriga sa ganyang mga issue noon?

"Natsismis na rin ako sa mga ganyan. Natsismis na rin ako noon sa kapwa ko lalaki.

"Pati... ang uso kasi noon ay umbagan [suntukan], e. Kapag ini-report kang ganyan, uumbagin mo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi ngayon ay hindi na uso iyong umbagan.

"Ang uso ngayon ay demandahan na. Kaya iwas na sa umbagan.

"Pero iyong mga panahon namin, ’pag may issue na mga ganyan, pupuntahan talaga ng mga artista iyong nagsulat at kakausapin.

"Minsan ay manu-mano. Kaya mas gusto ko iyong dati!" nakatawang saad niya.

Pero bawi rin niya, "Biro lang.

"Hindi, kasi ngayon, ang mga artista medyo hindi old school, e. Medyo ipinadadaan na sa manager.

"Dati kasi, mas maraming barako dati, e. Lalo na at uso iyong mga action movies, kaya mga barako talaga."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN